Sunday, November 08, 2009

Pagtatagpo sa Kabilang Dulo

(Alay sa mga Desaparecidos)
011008009

Ang pagtatagpo ay walang takdang panahon.
Ang kabilang dulo ay walang lunan.
Hindi ito langit, purgatoryo
o kawalan.
Ikaw at ako;
tayo ang kabilang dulo.
Tayo ang magpapasya sa pagtatakda ng panahon;
ang lilikha ng daan;
ang magpapaningas ng sulo at gagabay;
ang magmamarka at lilikha ng tipanan.
At kung kailan sila tatagpuin,
nasa atin ang kapasyahan.

Hinihintay nila tayo,
hindi tayo ang maghihintay sa kanila.
Hindi totoong wala silang iniwang bakas,
pagkat tayo ang mga buhay na bakas.
Sila ang muog.
Ikinalat nila ang muog.
Sila ay naging muog.
Nalikha na nila ang kanila,
tayo naman ang lilikha.
Para mag-iwan ng bakas,
at bumuo ng panibago.

Walang katapusang siklo?
Marahil.
Marahil rin sa hindi.
Ang paglalayag ay digma;
bawat paglalayag ay may patutunguhan,
ang digma ay hindi tumitigil,
lamang, kumakalma.
At ang iniwang bakas
at ang nalikhang muog?
Sila ang magpapatunay
at magsasabing,
"Dito. Hanggang dito
umusbong ang pagpapalaya."

Thursday, October 15, 2009

“Teynk yu po!”

(“Teynk yu po!” revised and recycled - for the sake na may maipasa lang! wahaha!)


May mangilan-ngilang tao na noon sa may sakayan patungong UP. Nagsisimula na ring humaba ang pila sa ibang linya ng jeep na biyaheng Lagro at Fairview. Lahat ay abala sa kani-kaniyang huntahan, pinalilipas ang oras sa mga asaran at bungisngisan. Nang marating namin ng kasama ko ang pila ay agad kaming umupo sa mga nag-aantabay na silyang nakalaan para sa mga naghihintay na pasahero.

Isang grupo ng kabataan: tatlong babae at isang lalaki. May pagdadalawang isip ang pagtayo nila buhat sa kanilang kinauupuan kung maghihintay pa ba sila ng kaunti o magta-taxi na. May hindi mapakali ang hitsura, may nag-aalala, may hapo. Iyon bang nagmamadali na parang hinahabol. Pero sa kanila, wala namang humahabol, sila ang naghahabol sa oras. Madilim na noon at may pagbabanta ang langit. Mamasamasa rin ang hangin ng Agosto, tanda ng paparating na ulan. Sa pagmamadali ay ang huli nga ang kanilang ginawa.

Nakadama rin ako ng kaunting pagsisisi. Sana hindi na lang kami tumuloy, wala rin naman kaming napala dito sa aming lakad, hindi namin nakita ang aming bibilhin, mga mapang-engganyong bagay lang sa likod ng mga estante ang sumalubong sa amin, para bang kinakawayan kami at nagsasabing ’habulin mo ’ko!’, nang-aasar, wala rin naman kaming ipanghahabol sa mga bagay na mapang-asar.

Hindi rin kami pwedeng magtagal sa loob ng mall at magsusuot pa sa mga sulok-sulok para lang hanapin ang ipinabibili sa amin. Ang ipinagtatawa pa namin ng kasama ko, hindi kami maalam sa pag-iikot sa mga ganitong klaseng lugar. Nahilo na rin ang aming mga paa sa kaiikot at napagod na rin ang mga mata namin sa pagsipat-sipat. Ginabi lang kami. Mahihirapan na kaming makasakay, matatagalan ang pag-uwi. Ang ikinainam lang ay hindi pa gaanong mahaba ang pila nang kami ay dumating. Pulos mga ’sana’ ang aking naiisip, kung alam ko lang hindi na sana ako sumama.

"Umusog lang po tayo sa may unahan.", sabi ng barker sa amin ng kasama ko. Nagsisimula na rin kasing humaba ang pila sa tagal ng paghihintay.

Tumayo kami at pinunan ang mga nabakanteng silyang iniwan ng grupo para na rin makaupo ang mga bagong dating na pasahero. Habang nagte-text ang kasama ko para ipaabot ang ’mabuting balita’ ng aming pagkabigo, inabala ko ang sarili sa panunuod ng mga tao: may nagyoyosi habang ang kanyang katabi ay iritang-irita sa pagpaypay para maitaboy ang usok, may naghahampasan sabay maghahalakhakan, may bulungan, ng nanay na inaalo ang anak, ng mga dalaga habang nakatingin sa kapwa pasaherong lalaking natipuhan, ng magkasitahan na susundan ng kiming ngiti ng nobya. Mayamaya pa'y lumiwanag sa aming kinaroroonan kasabay ang pag-ugong ng makina. Narito na sa wakas ang sasakyan na aming pinakahihintay.

Nagtayuan kami, at iba pang mga pasahero, at isa-isang pumasok sa loob ng jeep. Nabulabog ang pila ng paghihintay, dala na rin marahil ng pagkainip at pagmamadaling makauwi agad sa kani-kanilang mga bahay. Sa may pintuan ako napapwesto. Isa kasi ako sa mga naunang nakapasok. Nagkahiwalay kami ng aking kasama na sa may bandang gitna napaupo. May apat o lima pang humabol bago tuluyang lumarga ang sasakyang aming kinalululanan, sa mga ganitong pagkakataon kasi, o malamang kahit hindi, tinitiyak ng barker na punom-puno ang sasakyan bago ito bumiyahe. Sa una ay madalang, parang kumukuha pa ng tamang buwelo, hanggang sa unti-unti na ngang bumilis.

Nakatungo lang ako noon. Habang papalayo ang aming sinasakyang jeep ay may narinig akong mga hakbang, hindi, mga yabag, at tiyak ang direksyon ng munting mga paa. Hindi lamang niya basta sinasabayan ang ingay at pagharurot ng nagmamadaling makina ng mga sasakyan, nakikipagkarera siya sa mga ito. Berde, dilaw, pula, at huminto nga ang jeep. Humahangos siyang napakapit sa may kaliwang bahagi ng estribo, ang kanyang pagkakakapit ay parang makakayupi ng bakal, ngunit kabaligtaran ang ihinahayag ng munting mga daliri, makikita ang paghagilap ng munting palad ng pag-agapay, ng masasandalan.


Naagaw ng pagtaginting ng estribo ang aking pansin sa kanyang biglaang pagkapit dito. Napatingin ako sa kanya. May kadiliman ang kanyang anyo. Palibhasa’y madilim sa loob ng aming sasakyan at ang pagtatampisaw ng kanyang anino sa umaalong silahis ng mga ilaw mula sa nanlilisik na mga mata ng de kahong makina ay lalo lamang nagbigay-misteryo sa kanyang anyo. Sa tantya ko ay nasa walo hanggang sampung taong gulang lamang siya. May kalakihan ang kanyang suot na puting t-shirt na parang panloob, o marahil ay ito na mismo ang kanyang uniporme sa eskwela, halatang hindi kanya. Sa tingin din ay parang humaba ang kanyang mga binti sa kanyang suot na short pamasok na kinapos ng tela at umabot lamang hanggang sa may ibabaw ng kanyang mga tuhod. Nakayapak niyang hinabol ang nagmamadaling kalsada.

Nakayuko siya nang abutan ang aming jeep. Isang malalim na paghigit pa ng hininga at nakabawi na siya. Sabay ng pag-angat ng kanyang ulo ang paghugot ng isang basahan mula sa kanyang bulsa. Hudyat na para simulan ang trabaho. Mabilis ang pagsampa ng mga payat niyang binti. Payuko na halos sumubsob na sa mga biglaang pagpreno, pagapang ang kanyang kilos habang isa-isang dinadampian ng kanyang basahan ang aking paa o ng kanilang mga sapatos. Nabaling sa kanya ang atensyon ng ilan, ang iba nama'y nagulat. Hindi ako sigurado kung may ilang nandiri. Nang muli ko siyang lingunin ay nakalahad ang kanyang kamay habang nakikiusap sa paghingi ng kaunting barya sa ibang pasahero. Walang pamimilit sa kanyang pakiusap. ’Ika nga ay masama ang pamamalimos kumpara sa paghingi. Ang pamamalimos kasi ay gumagamit ng mga paraang nababastusan ang hinihingan, samantalang sa paghingi ay sasabihin mo lang, hindi na kailangan ng pamimilit.

Muling hinila ng abalang kalsadang aming tinatahak ang aking tingin. Nahulog na naman ang aking isip sa panghihinayang. Pakiramdam ko ay ang laking oras ang nawala sa akin sa pag-iikot sa loob ng mall. Hanggang sa mga oras na iyon ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit marami pa ring tao ang nasisilaw sa mapanlinlang na ilaw at yumayakap sa artipisyal na ginaw na hinihinga ng mall. Marahil ay sa alok nitong saya o panandaliang paglimot sa magulong mundo sa labas. Maging ang mga tao ay iginagaya niya sa kanyang pagiging mapagkunwari. Kunsabagay, kung wala kang ipambabayad sa kanila, ayos na rin kahit ang paggugol ng oras.

Hay, oras, kailan kaya darating ang panahong ikaw naman ang hahabol sa mga katulad kong maiksi ang pasensya? Nakakatawang isipin. Ikaw pa rin ang may hawak ng aming paghihintay sa pagdating ng panahong iyon. Hindi rin naman maaaring pabilisin ka o pabagalin. Ikaw ang may hawak ng laro. Kahit na minsan ay nagagawa kong makapagnakaw ng sandali sa iyo, naroon ka pa rin at nakamasid, at kapag nagsimula nang kumalma ang aking isip sa pag-alala ng aking mga responsibilidad, babatingtingin mo ako ng iyong relo para sabihin ang mga bagay na nakalimutan kong gawin. Tuwang-tuwa ka lang sigurong pinagmamasdan ako sa aking pagmamadali. Ikaw pa rin ang nananalo. Kung naisisilid lang sana sa pitaka ang oras, marahil ay makakaya ko siyang tipirin. Wala pa akong maisip na paraan kung paano kita maiisahan. Maghihintay na lang muna ako, kami, sa ngayon. Ang mahalaga, makauwi.

Mula sa likod ay tahimik lang siyang dumaan sa aking harapan. Hindi ko siya pinansin. Lunod pa ako sa pag-iisip. Maingat ang kanyang mga hakbang. Marahil na rin sa porma kong nakatsinelas, short at t-shirt, kaiba sa karamihan ng mga kasakay namin, ay alam niyang wala akong maibibigay sa kanya kaya hindi na rin siya nag-abala pang hingan ako.

Deretso siyang umupo sa may sampahan ng pinto. Tuloy sa pag-andar ang jeep. Mayamaya pa nga'y nagsimula na siyang bumunghalit ng kanta. Pilit niyang inaabot ang mga nota at sundan ang tono. Pasigaw ang kanyang boses at masasabi kong sintunado siya. Ngunit ang pagkaaliw niya habang inaawit ang theme song ng 'Dyesebel', alam kong hindi ko siya maaaring sawayin o pigilin kaya. Pampawi ng pagod marahil. Napangiti ako sa isiping pauwi na siguro siya para panoorin ang paborito niyang telenobela. Ilang linya lang at muli na siyang nanahimik.

Nang makarating kami sa bandang Agham Road ay pumara ang dalawang matandang katabi ko. Tahimik pa rin siyang nakaupo sa sampahan. Ni hindi nagawang lingunin ang dalawang matandang pababa. Basta't tahimik lang siyang umurong papunta sa gawi ko, pakaliwa. Naramdaman ko ang paglapit ng isang katawang umukopa sa iniwang espasyo ng dalawang kabababa lamang.

Hindi siya lumingon, mukhang malalim ang iniisip. Nagulat ako nang magsimula siyang magkwento sa akin, hindi rin niya ako nilingon. Nagkukwento siya nang hindi nagsasalita, walang boses na maririnig ang iba naming kapwa pasahero. Kaming dalawa lang ang nagkakaintindihan. Siya ang bangka, mataman akong nakikinig, nakikiramdam. Kaming dalawa lamang.

Hindi ko namalayan ang pagtawag niya sa aking atensyon nang bumaba ang dalawang matanda kanina at umurong siya sa gawi ko. Sa pag-urong niya, hindi sinasadyang napasandal siya sa aking binti, at nagawa nga niyang matawag ang aking atensyon na kanina lang ay may sariling mundo at naghihintay ng makakausap.

Nag-alangan akong tanggalin ang aking binti mula sa pagkakasandal niya. Subalit nang magsimulang magkwento ang kanyang batang pusong mabilis na pumipintig, na hinihingal, na parang mga bubuwit na naghahabulan sa itaas ng inaagiw na kisame at sumusuot sa mga singit-singit ng atip, hinayaan ko siyang makapagpahinga kahit sandali.

Nagsimula siyang magkwento ng mga ginawa niya sa buong maghapon: ng kaninang gumising siya nang maaga para ’makapagtrabaho’ sandali para sa kanyang baon, nang maghatian sila ng kanyang nanay sa kanyang kinita ay kulang pa ring pambili ng bigas, nang pumasok siyang hindi man lang nasayaran ang kanyang sikmura ng kanyang pinagtrabahuhan, ng kaninang pumasok siya nang walang baon, ng pagkauwi ay dumeretso na siya sa kanyang ‘trabaho’, ng may kung ilang mukhang sumimangot at nandiri sa kanya, ng kung ilang mura ang inabot niya sa mga tsuper ng jeepney na kanyang sinampahan.

Nakakapagod ang kanyang kwento. Nakadama ako ng panliliit, at paghanga sa kanya. Isang bata lang, edad walo o sampung taong gulang, ang makapagpapaliwanag sa akin ng pagba-budget ng oras. Ibang-iba sa makakalimuting organizers at planners na kasabwat ng oras na nagtatawa sa akin.

Umiiksi na ang biyahe. Muli, pinaghabol ako ng oras, pinaasa. Gusto ko pa sanang humaba ang aming kwentuhan subalit ang oras ay nakabantay at ilang saglit na lang ay muli na naman niya akong babatingtingin, pagtatawanan.

Sana ay may maibigay man lang ako sa kanya. Sana maabutan ko siya ng pang-taxi para mas mapadali ang kanyang pag-uwi at makapagpahinga nang mas maaga, mas mahaba. Alam kong hindi makasasapat ang kahit na anong maiaabot ko sa kanya. Hindi makasasapat para mabago ang magaganap kinabukasan at sa susunod pang mga bukas. Sadyang walang katumbas na presyo ang panahon. Ngunit hindi ibig sabihing wala tayong magagawa para ito ay baguhin. Nariyan lagi ang oras, hindi lang tayo ang naghihintay. Maging ang oras ay naghihintay sa atin, para baguhin ang bukas, para ang oras naman ang maghabol sa atin. Ang batang kasakay namin ang patunay na napapagod na rin ang oras sa paulit-ulit niyang pagtawa sa atin. Libangan na lamang niya ang pagtawa sa kanyang pagkainip. Pagod na ang oras sa pagkalinga ng mga supling sa ganitong paraan. Marami na sila. Pinaglipasan na ng kasaysayan subalit lagi’t lagi pa ring may ipinapanganak na nagpapatuloy sa ganitong kaayusan. Matagal na niya tayong hinihintay para baguhin ang bukas, ng batang kasakay namin at ng ilang milyon pang kagaya rin ng bata.

Walang dapat sisihin kung bakit nauulit ang mga pangyayari. Biktima ang lahat, maging ang oras, ng lipunang kinokontrol ng iilan na siyang nagdidikta sa ideyang ipinalalaganap, kung paano gugugulin ng tao ang kanyang panahon.

Sana kahit sa maliit na paraan ay magawa ko ang pakiusap ng bata. Hindi siya kagaya ng oras na laging hawak ang pagkakataon, na kayang maghintay habambuhay, na kayang palipasin ang mga sandali at panuorin ang pagparoo’t parito ng mga tao.

Tuloy sa pag-andar ang jeep at nalalapit na rin ang aming pagbaba. Ilang kanto pa ang aming dinaanan, bigla ang pagtayo ng aking kakwentuhan. Inilipat niya ang kanyang tingin mula sa labas hanggang sa amin. Naghihintay ng tamang tiyempo. Malapit na siguro ang kanyang inuuwian. Kakatwa, gusto ko siyang tanungin kung makikita ko pa ba siya sakaling mapasakay ulit ako doon. Gusto ko pang marinig ang kanyang mga kwento. Sana sa susunod na magkasakay ulit kami, iba na ang kanyang kwento. ’Yung mas masasaya na.

Buhat sa dala niyang plastik bag ay dumukot ng isang bote ng juice ang babaeng (siguro ay estudyante) katabi ko at inialok sa bata. May ngiti ng sinseridad ang pagbigay at walang bahid ng awa, hindi maituturing na limos. Isang ngiti ang gumuhit sa mukha ng bata. Labas ang medyo may kalakihang ngiping nagpabagay sa inosenteng ngiti na iilan lang ang may taglay. Alam kong hindi dapat binibigyan ang mga batang nanghihingi sa mga lansangan. Subalit, dahil na rin siguro sa taglay niyang pagiging bata, hindi imposibleng maaliw ka sa mga ngiting nagpapahayag ng pagiging inosente nila.

"Sa may kanto lang po!" sabi niya sa driver.

"Kuya sa tabi na lang po," pag-uulit niya.

"D’un ka na sa kabila bumaba.", maotoridad na sagot ng kausap.

Sabay-sabay kami sa pagsaway sa batang huwag agad tatalon at hintayin na lang ang paghinto. Sinabayan niya ng lundag ang pag-menor ng takbo ng jeep.

"Teynk yu po!"

"Teynk yu po ate!" habang iwinawagayway pa ang bote ng inuming ibinigay ng babaeng katabi ko.

Ito ang paulit-ulit niyang isinisigaw habang binabagtas ang salungat na direksyon ng aming sinasakyan. Ilang kanto at stop light pa ang aming nilampasan bago kami bumaba sa kanto ng Heart Center.

"Ang kulit ng bata!" sabi ko sa kasama ko pagbaba namin, sabay tawa.

Hanggang sa aming paglalakad, naaalala ko pa rin ang batang kasakay namin kani-kanina lang. Naiisip ko pa rin ang kanyang mga kwento. Nararamdaman ko pa ang mabilis na pagtibok ng kanyang batang puso. Naririnig ko pa ang kanyang pagtawag na tulungan siyang baguhin ang bukas.

'Gusto ko siyang gawan ng kwento,' naisip ko.

Wala marahil akong masasabing kakaiba sa batang iyon. Katulad pa rin siya ng ibang bata. Mapaglaro. Inosente. Bigla ang nadama kong munting tuwa. Sigurado ako sa aking pakiramdam, hindi man ako nanghingi ngunit alam kong mayroon siyang ibinigay.

Thursday, October 01, 2009

Pagtatagpo… Sa Kabilang Dulo: Panitikang Testimonyal ng Desaparecidos

(ang sumusunod ay maikling introduksyon tungkol sa ilalabas na libro ng Desaparecidos sa Disyembre)



Pagtatagpo… Sa Kabilang Dulo:
Panitikang Testimonyal ng Desaparecidos


INTRODUKSYON

Isang araw sila’y dinukot sa tapat ng piket layn, sa tapat ng eskwelahan, sa simbahan, pinasok sa loob ng bahay at saka kinaladkad palabas, sa loob ng isang pasyalan, sa tabi ng kalsada habang naghihintay ng masasakyan pauwi sa kanilang mga pamilyang naghihintay ng kanilang pagdating.

Dinukot sila sa harap ng kanilang mga magulang na ninikluhod, ng mga asawang nagmamakaawa, ng mga kapatid na nagpupumiglas, ng mga anak na nagtatanong, ng mga kaibigang nagtataka at ng mga saksing iginapos ng takot. Tiim ang bagang, kuyom ang kamao, nanlilisik ang mga mata subalit walang nagawa sa nandudurong mga baril na handang iputok at umutas ng buhay.

Isang araw sila’y dinukot – hindi pa rin sila nakakauwi.

Desaparecidos – mga biktima ng sapilitang pagkawala. Sila ang mga taong iwinala nang sapilitan, dinukot ng mga alagad ng batas at mga kagaya nito dahil sa paghihinalang sila ay mga miyembro ng rebolusyonarong pwersa, dahil sila ay mga aktibista o kahit pa iyong mga taong kamag-anak o mga taga suporta di umano ng mga kalaban ng gobyerno. Dinukot at sapilitang iwinala at itinago sa kanilang mga pamilya dahil sa kanilang mga ipinaglalabang prinsipyong naglalayon ng pagpapalaya sa sambayanan.

Nag-ugat sa trahedya ang pagkakakilala ng mga kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala. Lahat ay may kani-kaniyang dinaramdam: pare-pareho ang dahilan – dinukot ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ang pagkauhaw sa pagkakamit ng hustisya ang nagsilbing sulo at gabay ng kanilang landas tungo sa iba pang kaanak. Nasumpungan nila ang kanilang mga sarili sa iba pang kaanak na nag-aalok ng pag-unawa at pagdamay – ng panibagong pamilya. Mula sa karamdamang ito nabuklod ang Desaparecidos (Pamilya ng Desaparecidos para sa Katarungan), isang samahan ng mga pamilya ng mga biktima ng sapilitang pagkawala.

Ang pagpuno sa kawalan ng bawat isa ang nagpapatibay sa pundasyon ng kanilang pag-asang muling makapiling ang mga kaanak na matagal nang nawalay.

Sama-sama sila: sa pagsasampa ng mga kaso tuwing may mga panibagong pagdukot, sa pagse-search sa mga kampo, sa pagpunta sa mga morge at mass graves upang kilalanin ang mga bangkay na walang nagke-claim.

Sama-sama sila: sa mga martsa sa lansangan at mga rally upang ipanawagan ang kagyat na pagpapalitaw ng mga kaanak na nawawala at para sa pakikilahok na rin sa mga isyung panlipunang dati ring ipinaglalaban ng mga desaparecidos, sa paniningil sa estado na siyang utak ng mga pandarahas at pagdukot para makamit ang katarungang matagal nang ipinagkakait.

Sama-sama sila sa mga iyakan at biruan.

Sama-sama sila sa pagtangan ng mga tungkulin at gawaing naiwan ng mga nawawala.

Iniluwal ang Pagtatagpo… Sa Kabilang Dulo: Panitikang Testimonyal ng Desaparecidos mula sa pagsisikap ng mga kaanak at kaibigan ng mga biktima ng sapilitang pagkawala o mga desaparecidos, na makalikha ng sariling akdang naglalayong ipakilala ang mga biktima. Hindi lamang pagbibigay mukha ang pakay ng mga akdang ibinunga ng mahabang proseso ng paghihintay at paghahanap. Ito ang ekspresyon ng kanilang mga pangungulila. Sa loob ng dalawa o tatlong pahina, maririnig ang pagpintig ng kanilang mga pusong dumadagundong ng paglaban, pangungulila at paghahanap.

Pagtatangka rin ang aklat na ito na iguhit ang imahen ng mga nawawala na magpapakilala kung sino sila – bilang ama, ina, asawa, magulang, kapatid, anak at kaibigan – kaiba sa mga taguri ng pag-aakusa na ikinakabit sa kanilang mga pangalan.
Nais ng mga pamilya ng desaparecidos na ibahagi ang buhay at pakikibaka ng mga nawawala para maipakita at maipadama sa mga mambabasa na hindi lamang umiikot sa loob ng tahanan, ng kanilang pakikibaka at ng kanilang mga pamilya ang kanilang buhay – ekstensyon ang sambayanang pinaglilingkuran ng kanilang buhay at pamilya.

Sa ganitong paraan, hindi maihihiwalay at kailanma’y hindi mapag-iiba ang pamilya at sambayanan: dahil para sa mga nawawala, ang sambayanan ang kanilang pamilya at ang kanilang mga anak, asawa at magulang ay kabilang sa sambayanang kanilang pinaglilingkuran – at minamahal.

Nararamdamang buhay ng mga kaanak ang mga desaparecidos sa tuwing makakakilala at makakarinig ng mga kwentong tungkol sa mga nawawala mula sa mga taong minsan ay nakilala, nakasama at nakasalamuha ng kanilang mga mahal sa buhay.
Buhay ang mga salaysay.


Sa pagkakataong ito, nais pasalamatan ng mga pamilya ng Desaparecidos ang mga tao at organisasyong naging bahagi para mailathala ang aklat na ito:
Sina Prof. Rolando Tolentino, Rommel Rodriguez, Romulo Baquiran, Michael Francis Andrada at Vladimeir Gonzales ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP) bilang mga instruktor sa workshop at sa hindi pagkakait ng kanilang mga talento.
Sa Community Medicine Development Foundation (COMMED) sa pagtulong na maproseso ng mga kaanak ang trauma ng mapait na karanasan.
At higit sa lahat, sa Karapatan (Alliance for the Advancement of People’s Rights) sa pag-agapay sa mga kaanak ng mga biktima at sa patuloy na pagtataguyod ng karapatang pantao.
Binibigyang pagpupugay rin ang mga nanay, tatay, kapatid, asawa, mga anak at mga kaibigan na nagsumikap makapagsulat ng kanilang mga akda.


Samahan ang pamilya ng Desaparecidos sa kanilang paglalakbay at pakikibaka para sa katarungan at kalayaan. Saksihan ang mga kaanak at ang mga Desaparecidos sa kanilang muling pagtatagpo… sa kabilang dulo.

Tuesday, September 15, 2009

Sa panaginip, kahit sandali

Sa panaginip, kahit sandali

Hindi matatapos ang araw sa paglubog sa kanluran.
Pagkat lilitaw ang buwan na pupunit sa karimlan.
Hindi nagpapatulog ang gabing maalinsangan,
Pagkat kinukundisyon ang isip na ika’y mapanaginipan.

Hindi kita kukumustahin,
Dahil ayaw kong marinig ang isasagot mo sa akin.
Huwag mo rin sana kaming kamustahin.
Dahil hindi ko rin alam ang sasabihin.

Sa panaginip, doon kita hihintayin.
Para kahit sandali ika’y makapiling.

Sa ating sandaling pagkikita,
Tulungan mo akong buuin ang ating pamilya.
Walang pag-aalala ang bawat isa,
Masaya dahil ika’y kasama.

Tulungan mo akong pahabain ang oras,
Wag nating hayaang agad na magwakas.
Bigyan mo muna sana ako na lakas,
Para makapagpatuloy pagkagising bukas.

Sa panaginip, doon kita hihintayin.
Para kahit sandali ika’y makapiling.

Hindi ako natatakot sa haplos ng pangungulila,
Dahil haplos ng iyong pagmamahal ang madarama
Sa panaginip, doon kita hihintayin.
Para maipadamang ika’y mahal pa rin.

Monday, September 14, 2009

“Imbitasyon, Bertdey”

“Imbitasyon, Bertdey”
009014009

“Male-late ka na!” ang isinisigaw na oras ng hawak kong cellphone.

“Sandali lang. Tatawag lang ako,” isip ko. Kahit sa kabila ng internal prop ko sa sarili, nagsisimula nang magbutil-butil ang pawis ko sa alalahaning late na naman akong papasok, ang sabay-sabay na lingunan ng mga kaklase kong may iba’t ibang ngiti na hindi ko maintindihan kung nang-aasar, ang pailalim na tingin ng prof ko na susundan ng pagyuko at pagmamarka sa index card.

Matagal ko nang nakwenta kung ilang oras ang gugugulin ng paghahanda ko sa pagpasok: labinlimang minutong lakad mula sa opisina hanggang sa tinutuluyan naming bahay, labinlimang minutong mabilisang nguya, lulon at lagok ng tubig, limang minutong ligo, at habambuhay na paghihintay ng jeep sa kahabaang iyon ng Quezon Avenue. Sumatotal: late pa rin ako sa klase.

Mabilis kong pinindot ang keypad ng cellphone para hanapin ang numero ng taong tatawagan, ni Nanay Fe. Ilang sandali pa’y tumunog sa kabilang linya. Mahabang kiriring lang, tapos may nagsalita, ”The number you have dialed is…” – end call. Redial.

“Hello?”

“Hello po, nay?”

“Hello, sino ‘to?”

“Nay, si Ipe po ito.”

At nagsimula ang mahabang kamustahan na kung babalikan ang nangyaring usapan ay ewan lang kung nasagot nga ba.

“Oo, nasa byahe kasi kami ni tatay mo. Maghahatid ng bata. May pinaalagaan kasi sa’min ‘yung kapit-bahay naming nag-abroad. E, ‘kako, sayang naman. Wala namang trabaho si tatay at hindi naman makapamasada, nakasanla kasi ang motor. Wala naman akong ginagawa kaya kinuha ko ’tong trabaho, para na rin makatulong makaipon ng pantubos.” litanya niya. Halos pareho pa rin ng sinasabi sa tuwing magka-text kami.
”Ito na ba ang bago mong number? Hindi ako nagpalit. Ha? Hindi ’yan, hindi ’yan. Itong 0910 ang simula ng number ko. Ikaw nga ‘tong hindi nagre-reply sa mga text ko, e.” May halong tampo ang tinig.

”Nawala po kasi ’yung dati kong cellphone, nay. Kaya pala hindi sumasagot ’pag tinatawagan ko, mali pala. Kakukuha ko lang po nitong number ninyo. Opo. Haha! Opo, opo.” paliwanag/paglalambing/paghingi ko ng tawad.

”Nay, magtatanong lang po ako kung may nagawa kayong tula, sanaysay o kahit sulat po tungkol kay Ryan? O, kahit po ’yung personal n’yang sulat sa inyo, kung meron. Nangongolekta po kasi kami ng mga naisulat ng mga kaanak ng mga Desap (Desaparecidos) pati na rin ’yung mga naisulat po mismo ng mga kaanak nating nawawala, para po sa ilalabas nating libro. Ay, ganun po ba? Opo. Sana. Pero okey lang po.” Sa wakas ay nasabi ko rin ang aking pakay.

Isa ako sa mga naatasan sa aming grupo na mangolekta ng mga nagawang sulatin o komposisyon at larawan ng mga biktima ng sapilitang pagkawala. At sa paglipas ng mga araw, ng papalapit na deadline, mas lalo kong nararamdaman ang bigat ng naiatang na gawain. Madaling makipag-usap sa mga kaanak na kokontakin para hingian ng mga sulatin. Ang hindi madali, ay ang pakikinig sa mga kwentong nasa isa o tatlong pahina ng papel; nangungumusta, naghahanap, nagmamahal. Parang sulat nga daw mula sa kawalan, banggit ng isa kong kasama.

“Makakapunta ba kayo sa a-bente?” Pang-iimbita ni nanay sa kabilang linya.

”Ay opo. Pupunta po kami d’yan. Nabanggit na nga po sa amin na pinapupunta n’yo nga raw po kami d’yan. Ayos lang po sa amin kung hahandaan n’yo kami ng kalderetang kambing! Haha!” biro ko.

”Ipagkakatay raw kayo ni tatay ng mga manok at pato. Pagpasensyahan n’yo na raw at naibenta na ang kambing.”

”Naku, ayos lang po sa amin kahit anong ipakain n’yo sa amin. Magdadala rin po kami ng kahit anong pwede nating pagsaluhan d’yan. Ano po? Haha!”

”Hindi ko alam kung pwede pa tayo do’n sa kubo. Naaalala mo pa? Oo, doon nga. Sa dati naming bahay. Mainit kasi kung dito tayo sa relocation site. Ha? Oo, siguro magdadalawang buwan na kami dito. Nakakalungkot nga kasi...”

Mahabang katahimikan ang sumunod. May pangangatal ang mga huling salita bago ang mahabang pagkapipi.

’Sana ang anak kong si Ryan ang kausap ko sa kabilang linya,’ litanya ng garalgal na buntung hininga.

’Kailan ka namin muling makakasamang ipagdiwang ang kaarawan mo?” impit ng luhang pinipigil.

’Sana ay matandaan mo pa ang daan pauwi sa atin.’ pagsusumamo ng puso ng inang naghihintay.

May kaunting pagsisisi kung bakit hinayaan kong mamayani ang katahimikan sa pagitan namin. Sana mas siniglahan ko pa ang pakikipag-usap, sana.

”Sige po, nay, sa a-bente. Asahan n’yo po.” paniniguro ko.

Sa kubong iyon kami magpupunta. Para ipagdiwang ang kaarawan ng anak na tatlong taon nang hinihintay ng ina, buhat nang pasukin ng mga armadong lalaki ang kanilang bahay at kaladkarin palabas si Ryan para dalhin sa isang lugar na tanging ang mga estrangherong nakamaskara lamang ang nakakaalam, isang hatinggabi ng Nobyembre, tatlong taon na ang nakalilipas, sa kubong iyon, sa kanilang tahanan.

“Late ka na,” ang sabi ng oras.

“Di bale, sanay na ‘ko.” sa isip ko.

Buti pa ang pagpasok sa eskwelahan, may hangganan ang paghihintay. Masasabi kung huli ka na sa itinakdang oras ng pagpasok. Pero ang paghihintay sa isang kaanak na walang kasiguruhan, ni bakas, kung buhay pa, kailangan bang magkaroon ng hangganan?

Sunday, September 06, 2009

"Na-Carried Away Lang"

009005009

Hindi natural sa akin ang magalit. Hangga't maaari, pinipigil ko ang aking sarili na pumatol o intindihin ang mga elementong makapag-uudyok at makapagpapasiklab nito.

Ayaw kong magalit dahil unang-una, hindi maganda sa pakiramdam. Ayaw ko ng ganitong klaseng pakiramdam. Hindi mapakali. Hindi makatulog. Ikatlo, gaya ng nasabi ko na, hindi natural sa akin ito. Nagiging ibang tao ako. Nagiging masama, literal. Bayolente. At lahat na ata ng mga salitang mapupulot sa kung saang kalaliman ng impyerno ay maririnig mo sa akin. Resulta: nasisira ang relasyon at ugnayan sa mga taong nakapaligid; mas malala sa pagkasira ng pisikal na katawan base na rin sa paliwanag ng siyensya, pangalawa lamang ito.

Pero kung tutuusin, may buti ring nagagawa ang pagkagalit nang minsan. Malaking factor nito ay ang pagiging tao (natin). Buhay tayo, at hindi maaaring hindi natin ito maramdaman, sa iba't ibang lebel man: inis, asar, yamot, galit, poot, suklam at kung anu-ano pang tawag at termino. Bahagi rin ito ng pag-e-exercise natin sa ating emosyon, bilang patunay na buhay tayo at nararamdaman natin ang paligid/lipunang ginagalawan natin.

Iniwan ako ng taong inakala kong magiging katuwang ko. Ng aking mahal? Hindi ko na gustong gamitin ang terminong 'mahal'. Walang kabuluhan ang salitang ito kung hindi nakikita at nararamdaman. Kaya ipinakita ko, ipinadama ko, ginawa ko. Para malaman niyang mahal ko siya. 'Yun nga lang, sabi nga ni James Ingram, "I did my best, but I guess my best wasn't good enough." Iniwan niya pa rin ako; mag-isa, sa isang digmaang sa simula pa'y wala ng layon na ipagwagi.

Kunsabagay, ngayon ko lang naisip, sa simula pa hindi ko na naramdamang handa niya akong ipaglaban. Hindi ko siya masisisi. Ayaw ko nang manisi. Baka sinubok rin niyang mahalin ako, 'yun nga lang nagpakatanga ako. Naniwala.

Kaya galit ako.

Dahil na-i-insecure ako sa mga taong mas malakas sa akin, dahil mahina ako. Galit ako sa mga taong kayang lagyan ng hangganan at limitasyon kung hanggang kailan lang sila pwwedeng magmahal.

Kaya galit ako.

Dahil sa kabila ng pagpapakababa at pagmamakaawa, inakala kong kaya akong iahon ng taong mas malakas sa akin. Kaya sinaktan ko ang aking sarili. Dahil galit ako sa sarili ko at nagsisisi akong baka hindi ko naibigay ang pagmamahal na hinahanap niya. Inakala kong pipigilan niya ako, pero hindi.

Kaya galit ako.

Dahil nagawa ko siyang saktan at nagagalit ako sa sarili ko dahil sinaktan ko siya. Akala ko kasi, sa pamamagitan no'n ay mararamdaman niya ang sakit na nararamdaman ko. Pero hindi. Ako pa rin ang mali.

Hahayaan ko lang munang kumawala ang emosyong kinikimkim. Hahayaan ko munang lunurin ang damdamin hanggang sa ako mismo ang hindi na makahinga at pilit umapuhap ng pagbangon mula sa pagkakalugmok. Hahayaan ko munang kumalat ang sarili. Hanggang sa ako mismo ang bumuo nito, dahil wala na ang taong inasahan kong tutulong sa pagbuo nito.

Kaya Kong Tapusin ang Labahan Ngayong Gabi

009005009

Kaya Kong Tapusin ang Labahan Ngayong Gabi

Kaya kong tapusin ang labahan ngayong gabi
Basahin ang panuto sa likod ng sabong mahal ang pagkabili:
Ihiwalay ang de kolor sa puti, ibabad sandali
Kaunting kusot at damit mo’y puputi
Di pinapansin ang atungal ng washing machine na kanina pa nagtitimpi

Kaya kong tapusin ang labahan ngayong gabi

Mabango daw ang laba ko, lalo na pag ibinabad sa downy
Sa mga gabing tulad nito, magkasama naming pinapalaya ang aming mga sarili
Nag-iiba ang dimensyon sa ilalim ng kumot na kanina lang ay nakatupi
Di miminsang nagiging paraiso ang ilalim ng kumot kapag mga katawan nami’y sa isa’t isa ibinabahagi
Paano ko malilimutan ang mga yakap na humuhigpit unti-unti

Kaya kong tapusin ang labahan ngayong gabi

Para burahin ang nakaraan sa kanyang panyong madumi
Panyong inialay na sa kanyang mga luha’y kumandili
Nang-aasar ang lampungan ng tabla at brush sa pagkuskos ng mantsang humahalinghing
Sa pagpilas ng nakaraang kinukusot, humihikbi
Chlorine, kaunting pahid ng sabon, hanggang sa magsugat ang mga daliri

Kapag gumaralgal ang pag-ingit ng nangangalay na binti
Pahinga nang kaunti sabay lagok sa nakatangang tasa ng kape
Hinahanap ko pa siya sa bawat laylayan at pundya at manggas na nagnisnis ang tahi
Halinhinang puputok isa-isa ang mga bula at minatamis na gabi
Pagka’t hindi ko na siya kasamang magbanlaw sa aking tabi

Hindi na daw kami katulad ng dati
Sabi nya noong magpalaba siya sa laundry man sa kabilang kalye
Mas mabango daw ang variant ng ginagamit doong downy
Sa kanya na lang daw niya palalabhan ang kanyang bra at panty

Hindi ko na siya dapat iniintindi
Ang alimuom ng pekpek shorts nyang ubod nang iksi
Huling samyo sa halimuyak ng kanyang bikini

Dahil sa mga gabing ganito magkasalikop ang aming mga daliri
Habang magkasamang naglalayag sa paraisong minimithi
Dahil ito na ang huling piga sa pusong naglilimi
Mag-isa kong isasampay ang saya at pighati

Sunday, August 09, 2009

“Tita Cory”

Prominenteng ngiti ang taglay ng babaeng nakadilaw. Halos pumikit na ang kanyang mga talukap sa pagkakangiti ng chinitang mga mata sa likod ng kanyang malalapad na salamin. Nakalapat ang kanyang mga palad sa kanyang kandungan, tanda ng kanyang pagkamahinahon. Sa likod ng silyang kahoy na may mga eleganteng ukit kung saan panatag ang kanyang pagkakaupo, ay ang bandila at ang Sagisag ng Pangulo ng Pilipinas.

“Corazon Cojuangco – Aquino 1986-1992” pagpapakilala ng kwadro, pagsasaad ng panahon ng kanyang panunungkulan. Katabi ang iba pang kwadrong may larawan ng iba’t ibang personahe. Mga dakila. Magkakatulad ang disenyo sa kanilang likuran. Bukod tangi siyang babae.

Labing limang taon na ang nakalilipas mula nang makita ko ang mga kwadrong iyon noong unang pagpasok ko sa paaralan. Ilang buwan pa lang ang nagdaan mula nang huli ko siyang mapanood sa telebisyon. Malayung-malayo na ang kanyang anyo mula sa kanyang nakakwadrong larawang nakasabit sa pader ng una kong silid-aralan. Maliban sa kanyang ngiti, sa kanyang salamin at sa kulay dilaw, mababakas sa kanya ang pagkupas ng dalawang dekadang nagdaan na mas pinabilis ng kanyang sakit na kanser.

Gaya ng inaasahan na, di naglaon ay pumanaw nga si Tita Cory. Kapansin-pansin ang mabilis at sistematikong media coverage ng mga istasyon at publikasyon. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na baka ipinagdasal nila ang mabilis niyang pagpanaw. Parang pelikula. Handang-handa na ang mga video tribute para sa yumao. Patok sa takilya.
Apektado ang buong sambayanan. Parang epidemya sa bilis ng pagkalat. Ilang araw pa lamang ang nagdaan, hindi nakaligtas ang aming klase sa epidemya nang sabihin ng aming guro na gumawa kami ng sanaysay tungkol sa dating pangulo. Sino si Cory sa sarili naming punto de bista?

”Anak ng tokwa! Kung kailan namatay ’saka pa ’ko pinahirapan.” naibulong ko.

Sino nga ba si Cory? Ni hindi ko nga namalayang siya pala ang presidente ng bansa nang ako ay ipinanganak. Sasapat bang sabihin na siya ang ika-labing isang pangulo ng republika? Na siya ang presidente pagkatapos ni Marcos at bago si Ramos? Na siya ang may-bahay ng pinaslang na si Ninoy? Ang ina ni Kris? Na siya ang mukha ng EDSA Revolution a.k.a People Power a.k.a EDSA I? Higit pa rito ang kahingian ng punto de bista. Bigo rin ang mga leksyon sa akademikong paaralan para siya ay ipakilala. Hindi maaaring sabihing kahinaan ito ng mga guro. May sariling tala ang kasaysayan. May mga hindi nabanggit o sadyang hindi binanggit. Pero teka, sino nga ba ang nagsulat ng kasaysayan? ”Mag-research kayo,” sabi ni sir.

Aha! Babalikan ko ang kanyang necrological service. Baka sakaling makilala ko nang mas malalim si Tita Cory mula sa malalapit niyang kaibigan. ”Mabait siya,” sabi ng isang senador. ”Mahilig siya sa dilaw,” sabi ng isang mambabatas. ”Kulot siya,” sabi ng isang artista. Ayan, kahit papaano’y alam ko na mabait siya, mahilig siya sa kulay dilaw at kulot siya. ”Mag-research kayo,” sabi ni sir.

”Kung kailan namatay ’saka pa ’ko pinahirapan.”

Tanungin ko kaya si Kris? Teka, anong araw ba ngayon? Saan ba siya uuwi? Itatanong ko sa anak niya, kaya lang abala sa sarili n’yang mundo ’yon. Si senador Noynoy na lang. Kaya lang, baka lasing ’yon. Baka magwala na naman. Baka pagmumurahin din ako, mukha pa naman akong sakada. Patay na kasi si Ninoy, e. Bakit kaya hindi nabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Ninoy kahit nasa estado poder na si Tita Cory? Tanungin ko kaya ang pinsan niyang si Danding? Baka sakaling kilala n’un ang nagpapatay. Mas madali sana kung nakakapagsalita lang ang mga alahas ni Kris na katas daw ng Hacienda Luisita. Masyadong showbiz, maintriga. Baka kasuhan ako ng libelo.
”Kung kailan naman namatay ’saka pa ’ko pinahirapan.”

Tanungin ko kaya si Lean Alejandro tungkol sa edukasyon ng mga kabataan? Tanungin ko kaya si Lando Olalia tungkol sa mga batayang karapatan ng mga manggagawa? Dalawang dekada na kasing hindi nakakauwi ng bahay si Armando Portajada. Maganda sana siyang mapagtanungan hinggil sa kalagayan ng mga unyon sa mga pabrika. Pumunta kaya ako sa Lupao, Nueva Ecija at hanapin ang mga kaanak ng mga magsasakang minasaker? Nakapagbigay ba ng lupa ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa mga magsasakang minasaker sa Mendiola? Kung tanungin ko na lang kaya ang mga sundalong Kano, ”What can you say about Pres. Cory voting YES for the return of the comeback of US military bases here in the Philippines?” Kaya lang baka mag-nose bleeding at magka-sore throat ako kaka-ingles. ‘Wag na lang. masyado pa lang masaklaw kung isyung panlipunan ang titingnan. ”Mag-research kayo,” sabi ni sir.

”Kung kailan naman talaga namatay ’saka pa ’ko pinahirapan.”

Ang pagbaha ng tao sa lansangan ay pagbaha rin ng emosyon. Pagbaha ng luha mula sa pinauulang dilaw na confetti. Maraming tao mula sa mga nakikipaglibing ang maaari sanang mapagtanungan. Kaya lang, mukhang lunod pa sila sa pagluluksa. Nadaig ang lakas ng mga hampas ng alon sa Manila Bay ng mga hiyawang ”Cory! Cory!” Hindi rin nila ako maririnig. At sa tantya ko, hindi rin nila maririnig ang sinasabi na ”Mag-research kayo,” na sinasabi ni sir.

Malaking hakbang sana ang pagtindig ni Tita Cory laban sa pasismo ng diktadurya ni Marcos. Ang problema, patuloy lamang na naghari ang mga naghaharing-uri. Mas may katig sa mga ito kumpara sa mga taong inidolo at nagturing sa kanyang ina ng demokrasya. Hindi na siya nakawala sa kwadrong nilikha ng elitistang demokrasya.

Hanggang sa huli ay hindi ko nakilala si Tita Cory. Nanatili siyang nasa tugatog ng demokrasyang para kanino? Tinitingala. Sa sobrang tayog, kailanma’y hindi masasaling ng mamamayang nagluklok at naniwala sa kanya.

Hindi ko alam kung saan makakarating ang gawa ko. Susulatan ko na lang si sir na kung maaari, pakihinaan ang pagbato sakaling i-derecho n’ya sa mukha ko, matapos basahin, ang nilamukos kong sanaysay.

Paalam Tita Cory!

(isang sanaysay para sa pagkamatay ng dating pangulong Cory. Paalam.)
(assignment pa rin! wahaha!)

”Limay, Bataan”

(hindi ako sigurado kung ikatlong assignment namin ito sa fil25 pa rin)

Malakas na kalabog ang gumising sa aking pagkakahimbing. Naalimpungatan ako. Wala namang sigawan, liban sa mga pigil na tili, o kung ano mang kaguluhan na dapat ikabahala, naisip ko, nang silipin ko ang aking mga kasamahan na nagsisipagdungaw sa bintana. Sinikap kong bumalik sa pagtulog. Hindi pa kasi ako (o mas tamang sabihing ’kami’) nakakabawi mula sa mga nagdaang linggo ng paghahanda para dito sa ’malaking gawain’ namin. Ilang minuto pa ng paghihintay sa pag-andar ng bus na aming sinasakyan, ngunit hindi na ito muling umusad pa. Nang muli kong idilat ang aking mata, wala na ang aking mga kasamahan. Napahiya ako sa aking hitsura. Nakarating na pala kami sa aming destinasyon at nakababa na rin sila, ako na lang ang naiwan, kasama ng ilang mga kagamitang ilang linggo rin naming pinaghandaan para dito sa itinakdang araw.

Nag-inat-inat pa ako pagtapak sa lugar na iyon. Mas masarap ang hangin sa labas kumpara sa artipisyal na ginaw na hinihinga ng malaking kahong de gulong. Hindi na bago sa akin ang lugar. Dulot lang din ng kalikasan ang kaunting ipinagbago nito. Tuyo ang mga damo noong palihim namin itong pinasok noong tag-init. Ilang buwan pa lamang ang nakalilipas ngunit heto’t nagtaasan na ang mga talahib. Nagpuputik na rin ang lupa dahil sa pag-ulan-ulan noong mga nakaraang araw, kaiba noong nagbibitak-bitak sa sobrang init.

Ang ilan ay nag-umpukan sa kanang tagiliran ng bus. Nabalaho pala ang aming sasakyan at tumama ang kaha nito sa malaking bato. Dahilan para ma-deporma ang kaha nito. Malalim ang pagkakalubog kaya’t inisa-isa na naming ibaba ang aming mga gamit, para na rin makabawas ng bigat nang hindi mahirapan ang mga nagtutulak para maiahon ang bus.

’Pangalawa na ’to!’ biro namin na tumutukoy sa inarkilang bus. Bukod kasi sa disgrasyang inabot ay nahuli pa sa oras ng pagsundo sa amin.

Sa gitna ng tawanan, isang nanay ang bukod tanging umiiyak. Napanaginipan daw kasi niya ang kanyang anak na si Karen Empeño habang papunta kami sa lugar na iyon. Umiwas ako. Natakot akong baka ’bumigay’ na naman ako. Tama nang naitago ko ang aking emosyon noong palihim kaming nagtungo sa lugar na minsang tinawag kong ’impyerno’.

’Impyerno’ dahil sa likod ng magandang tanawing iniaalok ng kapaligiran, sa gitna ng mayayabong na punong mangga at iba pang bungang kahoy, sa pusod ng malawak na kaparangang kinakawayan ng dalawang bundok sa magkabilang gilid, sa kabila ng nang-eengganyong pangalang ”Brgy. Bliss” (na sa pakahulugan ay ’lubos na kaligayahan’), sa likod ng maskara ng katahimikan at kapayapaan ng payak na baranggay, nagkukubli ang isang lugar na dating kinatatayuan ng isang kampo-militar. Ang kampong isa sa mga pinagdalhan sa dalawang UP students na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan kasama ang magsasakang si Manuel Merino, at ng kung ilan pang mukha ng walang awang pagpapahirap ng mga taong nanumpang magsisilbi at magtatanggol sa mamamayan.

Hindi nagmula sa kawalan ang inisyatiba ng pagbalik sa abandonadong kampo. Isang sugal ang patagong pagpunta sa lugar. May katagalan na mula nang lisanin ng mga sundalo ang dating kampo ng 24th Infantry Battalion. May pagdududa pa rin kami kahit may mga bakas pa ang mga tinibag na sementong tanda ng mga istruktura sa bakanteng lote na iyon. Ngunit nawala ang pagdududa ng panakaw na pagpasok nang kumpimahin, na iyon nga ang lugar na pinagdalhan sa kanilang magkapatid, ni Raymond Manalo, isa sa mga nakatakas at nakaligtas mula sa pagkakabihag ng mga sundalo. Isinalaysay niyang nakasama nilang magkapatid ang dalawang UP students kasama ang magsasakang si Manuel Merino. At nasaksihan din nila nang patayin ang huli, di kalayuan mula sa kubong kanilang kulungan.

Kasama ang ibang kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala, magkakasama naming binalikan ang lugar. Isang tumpak na lugar ang aming hahanapin. Mabigat para sa isang survivor na balikan ang gabi kung kailan sapilitang inilabas si ’Tay Manuel mula sa kanilang kulungan. Masakit kwentahin ang ilang metrong pagitan mula sa siwang na kanilang sinilipan hanggang sa lugar kung saan sinasabing nakita nila ang liwanag ng nagliliyab na apoy. Na sa bandang huli ay napag-alaman nilang magkapatid na ito na pala ang nasusunog na bangkay ng kawawang magsasaka.

Hindi naging madali ang aming paghahanap. Matapos maisaayos ang aming mga gamit, matapos ang mabilisang pagtatayo ng kani-kaniyang tent, matapos ang maiksing briefing at pagtitiyak ng hatian sa mga gawain, tatlong hukay ang agad na sinimulan para hanapin ang mga bangkay na inilibing ng mga militar. Sa ikalawang hukay ako natokang manguha ng larawan ng mga posibleng ebidensya, katabi ng unang hukay. Marami kaming nakitang mga bakas ng pagkasunog, mga basura. Ayon sa mga nakausap naming tagaroon na kinuha para makatulong sa paghuhukay, dating tambakan ng basura ang lugar ng ikalawang hukay.

At lumipas ang buong maghapon na wala kaming nakita. Kakatwa dahil kinabahan ako na baka wala kaming mahukay, na kung tutuusin ay mas mainam dahil mangangahulugang mali ang hinala ng magkapatid na ang magsasakang si Tay Manuel ang nakita nilang nagliliyab nang gabing iyon. ’Baka buhay pa siya,’ naisip ko. Sa pagpapaalam ng araw, nagpaalam na rin ang ibang kaanak ng biktima na naghihintay, nakikihanap.
Sumakit ang ulo ng aming saksi. Dulot pa rin ng trauma ang kanyang ligalig sa lugar. Kinausap siya ng kasama naming anthropologist. Nag-uusisa. Pilit pinaaalala kay Raymond ang nangyari noong gabing sapilitang inilabas sa kanilang kulungan. Gomang dilaw na tsinelas daw ang suot ng magsasaka noong huli nila itong makita. Pareho pa rin ang kanyang itinuturong lugar kung saan nila nakita ang maliwanag na pagliliyab.

Nang magkaroon ng pagkakataon, kinamusta ko ang lagay ni Raymond. Hinayaan ko siyang magkwento ng kanilang mga karanasan sa lugar na nagsilbing sanktuwaryo ng kanilang paghihirap. Itinuro rin niya sa akin ang lugar kung saan sila dating pinagtatanim ng gulay ng mga sundalo. Ibinahagi niya ang kanilang mga biruan at asaran, at maging ang kanilang supaang magpapatuloy ang sinuman sa kanilang makakalabas sa isinumpang lugar.

Dama ko pa rin ang bigat ng unang pagpunta sa lugar. Parang naririnig ko pa rin ang mga sigaw ng pagmamakaawa at pagpapahirap ng mga biktimang minsan ay namalagi roon. Dagdag pa ang malakas na hangin at ulan na nakiramay sa aming pagkabigo sa paghahanap ng aming pakay. Sinubok kami ng panahon kung hanggang kailan kami tatagal sa lamig, sa paghahanap. Pero ang misyon ay kailangang ipagpatuloy. Sumilong ang aming grupo sa malaking tent na nakalaan para sa mga gamit. Kahit babad na sa ulan, kanya-kanya pa rin kaming paraan para lamang maisalba ang aming mga kagamitan. Buo pa rin ang grupo. Walang pinanghinaan sa aming pagkabigo. Hatinggabi na nang matapos ang sungit ng panahon. Kailangan nang magpahinga. Kailangan pa ring ipagpatuloy ang paghahanap.

Gaya ng napagkasunduan, sinimulan naming muli ang paghuhukay. Huling araw na namin, may makita man kami o wala. Itinigil na ang paghuhukay sa ikalawa at ikatlong hukay. Pagtuunan na lamang daw namin ang una kung saan nakita nina Raymond ang pagliliyab.

Hindi pumatak ang tanghali, napasigaw ang kasama naming anthropologist nang matuklap ang isang dilaw na gomang tsinelas. May sunog sa bandang sakong at puno na hinlalaki. Agad ding sinimulan ang pagpili at pagsisinop ng maliliit na maaaring buto ng tao. Wala na ang malalaking bahagi. Ayon sa doktor, bilang tao, masasabi niyang buto iyon ng tao, pero bilang doktor, kailangan pa ring idaan sa proseso para patunayang ang mga iyon nga ay buto ng tao. Mahihirapan na rin daw makakuha ng DNA sa sobrang pagkasunog ng mga buto.

Halong emosyon ang naramdaman ng bawat isa sa amin. Masaya dahil nagtagumpay kami sa aming misyon, masaya dahil napatunayang totoo ang sinasabi ng saksi, malungkot dahil nangangahulugang patay na si Tay Manuel, higit sa lahat, galit ang namayani para sa mga taong naka-komoplaheng nagkukubli sa ilang at handang manila.

Bago lisanin ang lugar, nag-alay ng isang misa ang aming grupo para mabigyan, kahit papaano, ng maayos na libing si Tay Manuel. Mula sa pinagkrus na mga sanga ay gumawa kami ng tanda sa puntod. Namitas rin kami ng mga bulaklak mula sa mga ligaw na halaman para ialay sa taong dalawang taon naming hinanap. Palibot kaming pumwesto sa libingan nang simulan ang ritwal ng pamamaalam at pangako ng patuloy na paghahanap ng katarungan. Hiningan ng mensahe si Raymond ngunit tanging pagdilig ng luha ang kanyang ipinaabot sa taong nagsilbing ama.

Umaawit ang ihip ng hanging namamaalam. Kumakaway ang mga punong naging piping saksi sa karahasan. Tanda ng pasasalamat sa pagkakaroon ng katuparan ng mga pangakong binitiwan.

”Liham Pangungumusta”

”Liham Pangungumusta”
Kamusta ka na?
Nagulat ka ba sa biglaan kong pagsulat? Sana lang ay hindi makaabala sa’yo ang pangugumusta ko. May katagalan na rin kasi mula nung huli tayong nagkakwentuhan.

Mahirap nang magbilang kung ilang taon na nga ba ang lumipas.

Nung nakaraan, nakita ko ’yung picture mo nung recognition day noong grade 4 tayo. Natawa ako sa hitsura mo. Nakasimangot ka habang sinasabitan ka ng nanay mo ng ribbon bilang most outstanding pupil ng inyong section. Pinagbawalan mo akong batiin ka. Ikinatwiran mo sa akin na hindi ka naman matalino. ’Kamo, nagkataon lang na naging masipag ka sa pag-aaral. Higit pa sana roon ang gusto kong i-congratulate sa’yo. Noon kasing magkasabay tayong pumasok sa elementarya, lagi mong sinasabing naiinggit ka sa ibang estudyanteng hatid-sundo ng mga nanay nila. Lagi kang nagtatanong kung mahal ka ba ng nanay mo. Pero nung nagkaroon ka ng award, kita sa mga ngiti mo ang kasiguruhang mali ang iyong mga pagdududa.

Ang pagtungtong sa hayskul ay nag-alok ng panibagong kabanata. Ngunit hindi ka tuluyang nagpaanod sa pagbabago ng panahon. Mahilig ka pa ring mag-isa.mas pinipili mo pang maglagi sa loob ng inyong bahay kaysa sumama sa mga kaklase mo sa pamamasyal sa mall o sa pagpa-party. Kaya nagulat ako isang araw, niyaya mo akong mamasyal. Ngunit sa aking pagkamangha, ang inakalang pamamasyal sa mall ay pamamasyal pala sa parke. Habang tayo ay naglalakad, dumukot ka sa iyong bulsa at nagsindi ng isang istik ng sigarilyo. Napipi ako sa nakitang bago mong ’kaibigan’. Siguro nga ay magaling kang makiramdam, binasag mo ang ating pananahimik, ”Nag-aaral pa lang ako. Masarap palang kasama ang sigarilyo sa pag-iisa. At saka, bawal magsigarilyo sa loob ng mall.” Inakala kong baka anti-social ka. Minsang naimbitahan tayo sa isang pagtitipon at hindi ka nakatanggi, palihim kang pumasok at naupo lang salikod. Madalas kang magbiro at magpatawa. Lagi’t lagi ring ang masayang ikaw ang nakikita nila sa tuwing ikaw ay nakikipagkuwentuhan. Kaya hindi nakikita ng karamihan ang iyong mga inseguridad. Siguro nga ay tama ang kaklase mong nagsabi na magaling kang makisama.

2005 nang mabalitaan kong na-demolish na pala ang inyong bahay sa riles. Tuwing mapapadaan ako sa kahabaan ng McArthur Highway, parati akong napapalingon sa may ibaba ng tulay. Hinahanap ang eksaktong kinatitirikan ng dati ninyong bahay. At sa tuwing makikita ko ang bakas ng tinibag na likod na pader ng inyong bahay, nakikita pa rin kitang nakahiga sa inyong bubungan habang pinipilit abutin ng usok mula sa iyong sigarilyo ang katayugan ng mga bituin. Nagbabalik ang masasayang alaala ng ating kabataan kahit napalitan na ang riles, na dating dinadaanan ng nagmamadaling tren, ng mga kugon at ligaw na mga halaman at damo.

Kamusta naman kayo diyan sa relocation site? Nakakatuwang isipin na unti-unti na kayong nakapagtayo ng bagong bahay. Mula sa pinagtagni-tagning plywood na sapin sa pagtulog, nakabuo rin kayo, mula sa pagsisikap ng inyong pamilya, ng bahay na gawa sa semento. Kahit mas maliit, mas matibay naman ngayon kumpara sa lumang bahay ninyo na gawa sa (kalakhan ay kahoy) at ilang parteng sinemento.

Malapit nang matapos ang pinagsikapang bahay ng inyong pamilya. Nakabalik na rin ang tatay ninyo mula nang iwan niya kayo noong elementarya pa tayo. At tiyak kong mas magiging masaya kayo kung makikita ng inyong ina ang pagtatapos ng inyong nasimulan.

Kung hindi lang sana nangyari ang trahedyang iyon. Ikinalulungkot ko. Laman ng pahayagan, at kahit sa internet, ang nangyaring pagdukot sa inyong ina. June 26, 2006, nga ba ’yon, kung hindi ako nagkakamali? Ayon sa balita, sapilitan silang dinukot ng mga sundalo, kasama ang tatlong iba pa.

Mahirap nang magbilang kung ilang taon na nga ba ang lumipas, at lilipas pa. Mahirap maghintay nang walang kasiguruhan.

Kung sabagay, matagal naman nang biktima ang mamamayan ng mapanupil na estado. Lamang, kung minsan talaga, ang masakit ang magpapakita ng realidad, ang pinakamasakit ang magtuturo kung kailan lalaban. At tanging paglaban ang makakatugon sa paghahanap ng katarungan.

Alam kong mababaw lang ang iyong kaligayahan. Madali kang tumawa kahit sa mga corny na jokes. Sabi mo nga, mas maganda kung mababaw lang ang kaligayahan. Kasi kahit sa maliliit na mga bagay ay magagawa mong maging masaya. Sana ay hindi mo pa rin binabago ang ugali mong ito. Alam kong masaya ka sa pakikisangkot ngayon sa mga isyung panlipunan at sa bawat pamilyang naging biktima na natutong lumaban, nagkakaroon ng kabuluhan ang paghahanap at patuloy na paglaban, kahit hindi mo pa nahahanap ang inyong ina.

Natutuwa ako at hindi pa rin kayo nawawalan ng pag-asa. At sigurado akong matutuwa rin ang inyong ina sa laki ng inyong ipinagbago, maturity.

Hanggang dito na lamang muna. Lagi mo sanang tatandaan na sa lahat ng desisyon at gawain, parati mo akong kasama. At lagi’t lagi ring magiging bahagi ng iyong mga lungkot at tagumpay.

(unang assignment namin sa fil25, ipakilala daw namin ang aming sarili. ang problema, hindi ko alam kung paano mabisang magpakilala.)

Saturday, June 27, 2009

Lapis

"LAPIS"


-072706



nakalimutan ko na ang pakiramdam kung paano paikutin at paglaruan ng aking mga daliri ang lapis bago magsulat ng mga salitang gusto kong sabihin, o di kaya ay 'yung mga salitang magbibigay ng buhay sa aking nararamdaman.

gaya ng pagtipa ng gitara o pagkapa sa tiklado upang magbigay ng masayang awiting magpapaalis sa isang pakiramdam na kailanman ay hindi ko inimbitahan.

sa totoo lang, ayaw ko na sana siyang istimahin pa sa tuwing dadalaw siya, hindi upang mangumusta gaya ng isang kaibigan, kundi upang ako ay disoryentahin. dahil ang lungkot ay hindi ko kaibigan. kaya hindi ko siya iniimbitahan. kaya ayaw kong i-entertain ang kanyang pagdalaw. kaya kinalimutan kong paikutin at paglaruan ang lapis para magsulat.

(dahil) ang aking pagsusulat ay nangangahulugang pag-istima sa lungkot na nararamdaman. (ang lungkot ay nakapagpapahina sa akin). at sa kanyang pagbisita, pipilitin niya akong pahawakin ng lapis upang paikutin, paglaruan,pagsulatin.

ang lapis na itinuring kong kaibigan noong bata. iginuguhit niya ang masasayang tanawin ng aking imahinasyon, ng masasayang mukha na nakatawa, ng mga liham sa mga lihim na sinisinta.

hanggang sa, napilitan akong bitiwan ang lapis na itinuring na kabiruan noong bata. pagka't napudpod ang kanyang tinta ng mga biro. naging instrumento na siya ng lungkot. naging simbulo ng aking kahinaan. naging impit ng luha ng mga salitang idinidikta ng pusong nangungulila, umiiyak at naghahanap.

at hindi ko na nga namalayang nakaubos na pala siya ng tatlong kalendaryong minarkahan ng mahabang-mahabang patlang na nagpahinog sa mga sugat na lumatay sa libong kapatid, ama, ina at anak na patuloy na naghihintay at naghahanap sa mga kaanak na sapilitang dinukot ng naghaharing estadong naninikil at kumikitil.

isang libo animnapu't anim na araw na minarkahan ng mahabang patlang. patlang sa pag-aaruga at pagmamahal ni nanay buhat nang siya at tatlong iba pa niyang kasama ay dinukot at pwersahang inilayo at itinago sa amin ng duwag na estado. sapilitan. dinukot. sapilitang dinukot upang kitlin ang prinsipyong mabilis na nagpaagnas sa nabubulok na sistema ng lipunan.

iwinala pagka't ang turing ng estado sa kanila ay kalaban.

itinago upang hindi pamarisan at hindi makilala ng kanilang mga anak ang kanilang kadakilaan.

dinukot dahil ang kanilang prinsipyo ay may pusong pumipintig ng pagmamahal na umaalingawngaw at nadidinig ng sambayanan.

nakalimutan ko na ang pakiramdam kung paano paikutin at paglaruan ng aking mga daliri ang lapis bago magsulat ng mga salitang gusto kong sabihin, at sa pagkakataong ito, muli kong kakabisaduhin ang kanyang kurba, nang sa gayo'y maging banayad ang bawat kumpas ng linyang magdudugtong sa mahabang kwento ng katapangan, ng paghahanap, ng pagpintig ng mga pusong hindi napagod sa paghihintay at natutong magmahal sa masaklaw na masa, tungo sa maraming kwento ng pagkakalayo at muling pagtatagpo sa pahina ng kasaysayan.

ang kanyang pagsayaw sa entabladong papel ang magpapakilala sa kadakilaan at magbibigay mukha sa mga biktima ng sapilitang pagkawala.

magtatasa uli ako ng panibagong lapis, nang matulis na matulis. kasing talas ng dilang naniningil sa estadong kriminal.

isang panibagong kaibigang hindi magtatanong kung hanggang saan, o di kaya ay ang magtatakda ng hangganan, bagkus, isang kaibigang magpupuno sa patlang at lilikha ng linyang magsisilbing daan, na pinatibay ang pundasyon ng paglaban, na mag-uugnay sa amin patungo sa mga nawawalang minamahal.

ilitaw ang mga biktima ng sapilitang pagkawala!

hustisya sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao!



maaring i download ang WAV sa link na ito

Sunday, January 25, 2009

"No Easy Way"

-Rubi Linda-Tolibas

I've been staring at the frail young boy for sometime and he seemed to be in deep thought. His eyes were focused on one particular spot - the wide and bustling streets in front of him.

His dirty shirt is obviously too big for him, but for a street child, that will do. He just sat there, face rested in his palm.

"What are you thinking of, boy?", I asked, realizing the question was a ploy to catch his attention. I guess begging could be a lonely job, one beggar could use company - even that of a boy.

He turned to me and his face glowed, forcing a smile. "Nothing really. I'm just trying to find the right moment to cross he street".

Cross what?! For a boy of his age, the street really looks scary with all those big cars and trucks. Being run over is not a happy thought.

"But you could use the pedestrian lane over there", as I pointed the nearest one which is a bit farther especially for him With his young legs, it would take him longer.

"Nah! That's too far, sir. My mother and I used to walk there, but now I'm alone. I can cross anywhere." His eyes shot back at the street, and then in a near whisper, "I'll manage..."

I was touched. This child is no ordinary one. His face a picture of innocence and confusion. "Would you like me to go with you there? Don't be ashamed to say so", I offered.

He eyed me from head to... knee. With pity in his eyes, he said, "But you can't. I mean..."

"My legs. They to be cut off or I'd die. I met an accident and this was the result. The cart is now my feet. I roll from one place to another. My hands provide the needed start like the paddle of a canoe".

"I... I'm tired. Really, I just want to cross here". And he stared back at the streets. It was a hot afternoon and people come and go unmindful who beg along the sidewalks. The can I held had only 25 cents in it, not even enough to buy me a dinner.

"What's your name, boy?"

"Jose! But my mother call me the little fool or sometimes... son of a bitch! I don't know anyone with that name, so I think it's quite unique. Don't you think so, sir?"

God knows I wanted to cry and hug that little boy. He had suffered so much. How could someone be so cruel to him? I managed to ask about his mother and visible tears rolled out and raced down his cheeks.

"She... she walked..."

"Where?"

"I don't know. We slept on a bench that night and I... I held her hand, but when I woke up... she..." He wiped the tears off with the back of his hand, and decided not to continue with his story.

"Have you eaten yet?"

He nodded. Hands trembling, he took a crust of bread out of his breast pocket. He laid it out for me.

"So you beg, too?", I asked.

"No, sir! Mother won't approve to that!"

I looked at him with quite a shock. "Then, where did you get that piece of bread? You stole it?"

"God would neither like that. I just asked for it," he sounded very defensive; just like kids do when caught in the actindoing nasty things.

"But asking is just like begging," I told him. But to my dismay, the boy knew the difference. "My mother said begging is bad. It uses irritating ways of asking. When you beg, you insist. But when you ask, you just simply say it. You don't insist on asking over and over again."

"How old are you?"

"Eight."

Here I am, begging all these years, and it took one boy, aged eight, to spell the difference of my job and his. Unfortunately, mine was the wrong one.

"And I worked, too - with my mother," he added. "We collect bottles and sell them." There, I realized that his love for his mother never waned although she deserted him. God forgive such irresponsible woman! Curse her for what she had done to this helpless creature who still worships her without question.

"Would you like to stay with me?"

He answered politely. "Thank you, sir, but I'll have to look for my mother. I know she's just there. Somewhere across the street."

I learned more things about him. But he could no longer remember what happened to his father.

I'm late forties. Handicapped at 17 and a beggar until now. My life started in misery and it looked as if it will end the same way it had been from the beginning. I looked up and sunset was near. Ah - my life had never seen its sunrise. But when I met this boy, I knew dawn is near. Hear is a symbol of hope and courage. The courage to fight back. Similar to his aim to cross the street, life should be seen as an effort to get through a web of challenges where someone awaits you across. For Jose, that somone is his mother. For us, that someone is the one who could lead us to eternity.

"What if you won't find her?"

"Oh, I will," he answered. "I pray to God everytime, and I know He'll let me see her."

"You go to church?"

"Yes! To pray - and sometimes, to eat!"

I don't think churches give away food. "Does the priest give you biscuits?"

"No. He calls it... the Body of Christ. I call it lunch." And he let go of his smile. "If you're hungry, you could live there."

"No, thanks," I laughed and he joined me, the gap between his front teeth looked good on him. He's still cute. The father in me was awakened. I've never known how fathers feel with their children. I could never be one. Buut this boy could charm any father with his wit, innocence and smile.

School children passed by noisily behind us while cars rumbled up along the streets. But neither could disturb our little chat.

"Do you sing?"

"Yup! You want me to?"

"Well, of course! I'd love that."

Then he belted out the undying "Name Game" in full hi-fi stereo.

"Let's try Linda! Nick, Nick... Okay, let's try Larry!..." And he laughed at his performance. We both shared the fun. I cracked a joke. And i regretted it.

"With that voice, you could grow out to be a good boxer."

He stared at me. The smile vanished. His face suddenly forlorn. "Father was a boxer."

He recounted how he saw his father fight and got hit perilously in a boxing bout. "He fell... and was hurt. He was in a hospital later, with... with... crazy people. I don't know why. When I saw him next, he was laughing and crying at the same time."

After that, he told me that he never saw him again.

It was already dark. Time to go. I took the plastic bag with my things. I sleep at the waiting shed at the other end of the street. Once again, I offered my help.

He shook his head. I took out the 25 cents from the can, held his hand, and gave him the only money i had for the day. He seemed reluctant, but he quietly took the money and held it tightly in his hands.

"Will you come and see me again?"

He smiled. "Yes, sir. And I'll bring my mother with me... that is, if I'll find her."

"I'll be waiting young man. Please take care of yourself." I started to move the wooden cart that carried myself and slowly rolled down the busy street. A few meters away, I stopped and looked back. He was still sitting there, arms folded across his chest, and eyes staring at the busy street. And in one swift move, he ran across, shouting... Mother!

"Mother!"

"MOTHER!"

A car's break screeched.

I couldn't move. People screamed and everyone was running towards the boy's direction. Some of them even stumbled on me.

Hours later, when there was anything that moved on the dark street, I was back on the exact place where the boy and I had conversed earlier.

Rain fell. It was midnight. And i was all alone soaked.

Tears mixed with the drops as I stared at the silver coin on the road.

I looked up and let the rain wash my feelings off.

I never felt so alone in my entire life.

But there is one conslation. He finally got himself across.


(one of my favorite short stories)

"Two + One"

(= cannot be)
-012004006

ano ang gagawin upang ikaw ay makita,
kung sa bawat pagkurap ikaw ay nawawala?
sa isang iglap lang naglalahong parang bula,
na pilit hinahanap ng aking mga mata.

ano ang gagawin upang ikaw ay marinig,
ang ubod nang lamyos at ang malambing mong tinig?
tila isang anghel, humahaplos sa pandinig,
na nagpapabilis sa puso kong pumipintig.

ano ang gagawin upang ika'y mahawakan,
madama ang init at buhay ng 'yong katawan?
mahaplos ang 'yong mukhang taglay ay kagandahan,
at ang iyong mga labing nais kong mahagkan.

ano ang gagawin upang ika'y maging akin,
ang buong puso't isip, maging ang 'yong damdamin?
subalit mangyari kayang ako'y iyong mahalin,
gayong mayroon nang ibang sa'yo'y umaangkin?

"Hayaan mo na 'yun!"

-001007006

hindi ko na halos maalala,
kung kailan tayo huling nagkita.
kung kailan sabay na tumawa,
sabay na umiyak at lumuha.

hindi ko na nga rin maalala,
kung kailan tayo huling nagkasama.
kung kailan sabay na gumala,
na wala man lang kasawa-sawa.

pero kailangan ko pa bang igunita,
lahat ng masasayang alaala?
kung kahit hindi man tayo magkita,
magkaibigan pa rin naman tayo... di ba?!

"Sana hindi nalang..."

(pero buti nalang!)
-009017004

kung hindi ko sana nagawang lumisan

mas maraming tambay pa nang magdamagan
mas maraming bagay pa ang mapagkukuwentuhan
mas maraming biro pa ang apagtatawanan

mas maraming limampiso pa'ng mapapapalitan
mas marami pang makakanta sa may videoke-han
mas maraming tsitsirya pa ating mapagsasaluhan
mas maraming mapupulutan sa tuwing may inuman

mas maraming lugar pa ating mapapasyalan
mas maraming oras pa ang ating mapagsasamahan
mas maraming problema pa ang ating mapagdadamayan
mas marami pang mungkot at saya ang mapaghahatian

subalit kung hindi ko rin sana nagawang lumisan
ang lahat ng ito'y hindi mabibigyang kahalagahan
at hindi ko rin siguro magagawang mapatunayan
na ikaw at wala nang iba ang tunay kong kaibigan