Tuesday, August 26, 2008

"Teynk yu po!" (orig)

-082608

May mangilan-ngilang tao na noon sa may sakayan patungong UP. Lahat ay abala sa kanya-kanyang huntahan. Nang marating namin ng kasama ko ang pila ay agad kaming umupo sa mga nag-aantabay na silyang nakalaan para sa mga naghihintay na pasahero.

Isang grupo ng kabataan. Tatlong babae at isang lalaki. May pagdadalawang isip ang pagtayo nila buhat sa kanilang kinauupuan kung maghihintay pa ba sila nang kaunti o magta-taxi na. May hindi mapakali ang hitsura. May nag-aalala. May hapo. Iyon bang nagmamadali na parang hinahabol. Pero sa kanila, wala namang humahabol, sila ang naghahabol sa oras.
Madilim na noon at maypagbabanta ang langit. Sa pagmamadali ay ang huli nga ang kanilang ginawa.

"Umusog lang po tayo sa may unahan.", sabi ng barker sa amin ng kasama ko.

Tumayo kami at pinunan ang mga bakanteng silyang iniwan ng grupo. Mayamaya pa'y lumiwanag sa aming kinaroroonan kasabay ang pag-ugong ng makina. Ayan na sa wakas ang sasakyan na aming pinakahihintay.

Nagtayuan kami, at iba pang mga pasahero, at isa-isang pumasok sa loob ng jeep. Sa may pintuan ako nakapwesto. Isa kasi ako sa mga naunang nakapasok. Nagkahiwalay kami ng aking kasama na sa bandang gitna napaupo. May apat o lima pang humabol bago tuluyang lumarga ang sasakyang aming kinalululanan. Sa una ay madalang, hanggang sa unti-unti na ngang bumilis.

Nakatungo ako noon. Habang papalayo ang aming sinasakayang jeep, ay may narinig akong mga hakbang... hindi... mga yabag. At tiyak ang direksyon ng mga munting paa. Sinasabayan ang ingay at pagharurot ng makina. Berde, dilaw, pula. at huminto nga ang jeep. Humahangos siyang napakapit sa may estribo.

Napatingin ako sa kanya. Sa tantya ko ay nasa walo o sampung taong gulang na siya. Medyo malaki ang suot na puting t-shirt na parang uniporme sa eskwela, halatang hindi kanya.
Nakayuko siya nang maabutan ang aming jeep. Isang malalim na hininga pa at nakabawi na siya. Sabay ng pag-angat ng kanyang ulo ang paghugot ng isang basahan mula sa kanyang bulsa. Hudyat na para simulan ang trabaho. Mabilis ang pagsampa ng mga payat niyang binti. Payuko, pagapang ang kanyang kilos habang isa-isang dinadampian ng kanyang basahan ang aming mga paa. Naagaw ang atensyon ng ilan, ang iba nama'y nagulat. Hindi ako sigurado kung may ilang nandiri. Nang muli ko siyang lingunin ay nakalahad ang kanyang kamay habang nakikiusap sa paghingi ng barya sa ibang pasahero.

Muli, bumaling ang aking paningin kalsadang tinatahak namin. Mula sa likod ay tahimik siyang dumaan sa aking harapan. Marahil na rin siguro sa porma kong nakatsinelas, short at tshirt, kaiba sa karamihan ng mga kasakay namin, ay alam niyang wala akong maibibigay sa kanya kaya hindi na rin siya nag-abala pang hingan ako.

Deretso siyang umupo sa may sampahan. Tuloy sa pag-andar ang jeep. Mayamaya pa nga'y nagsimula na siyang kumanta. Pasigaw ang kanyang boses at masasabi kong sintunado siya. Ngunit ang pagkaaliw nya habang inaawit ang theme song ng 'Dyesebel', alam kong hindi ko siya maaaring sawayin. Napangiti ako sa isiping pauwi na siguro siya para panoorin ang paborito nyang telenobela. Ilang linya lang at muli na siyang nanahimik.

Nang makarating kami sa bandang Agham Road ay bumaba ang dalawang matandang katabi ko. Nakaupo pa din siya sa sampahan. Hindi lumingon para tingnan ang bababa. Basta't tahimik lang siyang umurong papunta sa gawi ko. Naramdaman ko ang paglapit ng isang katawan mula sa iniwang espasyo ng dalawang kabababa lamang.
Hindi sya lumingon, mukhang malalim ang iniisip. Nagulat ako nang nagsimula siyang magkwento sa akin. Nagkukwento siya nang hindi nagsasalita, walang boses na maririnig ang iba naming kapwa pasahero. Kaming dalawa lang ang nagkakaintindihan. Siya ang bangka, mataman akong nakikinig, nakikiramdam.

Hindi ko namalayan ang pagtawag niya sa aking atensyon nang bumaba ang dalawang matanda kanina at umurong siya sa gawi ko. Sa pag-urong niya, hindi sinasadyang napasandal siya sa aking binti, at nagawa nga niyang matawag ang aking atensyon na kanina lang ay may sariling mundo at naghihintay ng makakausap.

Nag-alangan akong tanggalin ang aking binti mula sa pagkakasandal niya. Subalit nang magsimulang magkwento ang kanyang batang pusong mabilis na pumipintig, na hinihingal, hinayaan ko siyang makapagpahinga kahit sandali.

Nagsimula siyang magkwento. Ng mga ginawa niya sa buong maghapon, ng kaninang pumasok siya nang walang baon, ng pagkauwi ay dumeretso na siya sa kanyang ‘trabaho’, ng may kung ilang mukhang sumimangot at nandiri sa kanya, ng kung ilang mura ang inabot niya sa mga tsuper ng jeepney na kanyang sinampahan.

Nakakapagod ang kwento niya. Nakadama ako ng panliliit. Panliliit na sinabayan pa ng wala-akong-magawa kundi ang magalit sa estadong sana ay nangangalaga at nagseseguro ng kanilang kinabukasan. Sana ay may maibigay man lang ako sa kanya. Sana maabutan ko siya ng pang-taxi para mas mapadali ang kanyang pag-uwi at makapagpahinga nang mas maaga.

Alam kong hindi makasasapat ang kahit na anong maiaabot ko sa kanya. Hindi makasasapat para mabago ang magaganap kinabukasan.

Nag-alangan akong tanggalin ang aking binti mula sa pagkakasandal niya. Subalit nang magsimulang magkwento ang kanyang batang pusong mabilis na pumipintig, na hinihingal, hinayaan ko siyang makapagpahinga kahit sandali. Gusto kong maging bahagi niya kahit sandali. Hinayaan ko siyang makapagpahinga, kahit sandali.

Tuloy sa pag-andar ang jeep at nalalapit na rin ang aming pagbaba. Ilang kanto pa ang aming dinaanan. Bigla ang kanyang pagtayo. Inilipat niya ang kanyang tingin mula sa labas hanggang sa amin. Buhat sa dala niyang plastik bag ay dumukot ng isang bote ng juice ang babaeng (siguro ay estudyante) katabi ko at inialok sa bata. May ngiti ng sinseridad ang pagbigay at walang bahid ng awa at hindi maituturing na limos. Isang ngiti ang gumuhit sa mukha ng bata. Labas ang medyo may kalakihang ngiping nagpabagay sa inosenteng ngiti na may iilan lang ang may taglay. Alam kong hindi dapat binibigyan ang mga batang nanghihingi sa mga lansangan. Subalit, dahil na rin siguro sa taglay nyang pagiging bata, hindi imposibleng maaliw ka sa mga ngiting nagpapahayag ng pagiging inosente nila.

"Sa may kanto lang po!", sabi nya sa driver.
"Kuya sa tabi na lang po." pag-uulit nya.

"D’un ka na sa kabila bumaba.", maotoridad na sagot ng kausap.

Sabay-sabay kami sa pagsaway sa batang huwag agad tatalon at hintayin na lang ang paghinto. Sinabayan niya ng lundag ang pag-menor ng takbo ng jeep.

"Teynk yu po!"
"Teynk yu po ate" habang iwinawagayway pa ang bote ng inuming ibinigay ng babaeng katabi ko.

Ito ang paulit-ulit niyang sinasabi habang binabagtas ang salungat na direksyon ng aming sinasakyan. Ilang kanto at stop light pa ang aming nilampasan bago bumaba sa kanto ng Heart Center.

"Ang kulit ng bata!", sabi ko sa kasama ko pagkababa namin, sabay tawa.

Hanggang sa aming paglalakad, naaalala ko pa rin ang batang kasakay namin kani-kanina lang.

'Gusto ko siyang gawan ng kwento.', naisip ko.

Wala marahil akong masasabing kakaiba sa batang 'yon. Katulad pa rin siya ng ibang bata. Mapaglaro. Inosente. Bigla ang nadama kong munting tuwa. Sigurado ako sa aking pakiramdam. Hindi man ako nanghingi ngunit alam kong mayroon siyang ibinigay.