Isang taon at tatlong buwan ng paghihintay. Paghihintay nang walang kasiguruhan. At para sa isang pamilyang katulad naming nawalan, ang paghihintay ay tila walang katapusan. Libu-libong pinaghalu-halong emosyon para sa libu-libong pag-iisip kung kamusta na o ano na kaya ang nangyari sa mga kaanak naming nawawala.
Tandang-tanda ko pa ang huling sinabi sa akin ni mama bago siya ihatid nila ate sa Cubao, "Isang linggo lang ako mawawala". Isang paalala na pabiro kong sinagot ng, "Ingat ka ha! 'Wag kang magpapapawis ng likod. "Yung vitamins mo 'wag mong kakalimutang inumin ha. Pakabait ka!", sabay tawa. Gaya ng pag-aakala ko na hindi mangyayari sa kanya ang gano'n, hindi ko rin inasahan na 'yun na pala ang huli naming pagkikita.
June 26, 2006. Alas dos ng madaling araw nang dukutin ang dalawang UP students na sina Sherlyn Cadapan at Karen EmpeƱo, kasama ang magsasakang si Manuel Merino, sa Hagonoy, Bulacan.
June 26, 2006. Alas singko ng hapon. Habang daan patungong Camarines Sur, hinarang ng limang sasakyan ang sinasakyang van ng mama ko at apat pa niyang ibang kasama. Tinutukan ng baril, pinosasan, piniringan at saka sila pinaghiwa-hiwalay ng sasakyan.
Ang mama ko, si Gloria Soco, ay dinukot kasama ang aking lolong si Prudencio Calubid, isang NDFP consultant, ang asawa nitong si Celina Palma, ang staff nilang si Ariel Beloy at driver na si Antonio Lacno, ng mga elemento ng AFP at PNP. "Masa ako! Nakisakay lang ako sa kanila!", ito daw ang isinisigaw ni mama nang sila ay dukutin. Ayon ito sa written testament ni Antonio Lacno, na sa kabutihang palad ay nagawang makatakas mula sa mga dumukot sa kanila. Liban doon ay wala na kaming narinig na iba pang balita tungkol sa kanila.
Ang aming ina ay isa lamang ordinaryong mamamayan. Wala siyang kinabibilangang kahit na anong masang organisasyon at lalong walang nilabag sa batas o inagrabyadong tao para danasin ang ganoong kalupit na bagay. Nang ipaalam sa kanya ni Celina Palma na sila ay bibiyahe, hindi siya nag-atubiling sumama sa mga ito. Makikisakay sana siya patungo sa bayan ng kanyang amang may sakit, na kapatid ni Prudencio, upang ito ay dalawin. At nangyari nga ang hindi inaasahan. Ito ang dahilan kung bakit napakahirap para sa amin na tanggapin at isipin na nararanasan niya ang mga pahirap na posibleng ginagawa sa kanila.
Magdadalawang linggo na ang nakalipas bago namin nalaman ang tunay na nangyari. Alam na halos lahat ng mga kamag-anak namin sa probinsya ngunit wala ni isa ang may lakas ng loob na magsabi. Sa bandang huli ay napilitan na rin silang ipagtapat sa amin. Matapos naming marinig ang balita, hindi namin alam kung ano ang gagawin. Parang tumigil ang oras. ang bigat sa pakiramdam at tanging pag-iyak lang ang naging sagot naming magkapatid.
Masakit para sa amin . . . At talagang mahirap lampasan ang ganitong uri ng sitwasyon kung kahit sa mga simpleng bagay ay nakapagpapaalala sa amin tungkol sa kanya. Nakikita ko siya sa lahat ng mga nanay na nakikita kong naglalaba, sa mga nanay na nakikita kong nakikipag tawaran sa palengke . . . at sa marami pang iba't ibang mukha na nasasalamin ko siya. Naaalala ko siya sa mga okasyong hindi namin siya kasama. (Nung nakaraang nag-birthday siya, t-in-ext ko siya. Sabi ko, "Ma, birthday mo na . . . Alam mo ba?"). Nami-miss ko 'yung boses n'ya . . . mula sa kung paano siya magkwento tungkol sa mga karanasan niya . . . kung pa'no n'ya ko utusan . . . hanggang sa kung paano kami mag-away. Nasasabik ako sa presensya n'ya. Pananabik na hindi ko alam kung magkakaroon pa ng katuparan. Sa mga pagkakataong hinahanap-hanap ko siya, dahil na rin siguro sa mag-isa lang ako sa aming bahay, wala akong ibang magawa kundi umiyak. Umiyak at balikan lahat ng alaalang pinagsamahan namin sa loob ng labing siyam na taon . . . na hindi ko din tiyak kung madudugtungan pa . . .
Mahigit sa isang daan at limampu na noon ang nawawala. Istatistikong nananatiling numero para sa akin. Subalit nang maging isa na kami at makilala ang iba pang kaanak ng Desaparecidos, lubos ko nang naunawaan kung gaano ang hirap na dinaranas ng isang nawalan. Torture nga sa utak kung tutuusin. Hindi namin alam kung saan namin sila pwedeng makita . . . kung sino ang mga taong lalapitan at pagkakatiwalaan . . . kung mabuti ba ang lagay nila . . . kung kumakain ba sila sa oras . . . kung may sakit ba sila . . . at marami pang 'kung' at 'ano kaya' . . . Mga katanungang hindi rin malayong maitanong ng mga maaaring sumunod na maging biktima . . . 'Wag naman sana . . .
Ayaw na naming madagdagan pa ang mga pictures na ini-exhibit namin . . . ayaw na naming pumunta ng Supreme Court para lamang magsampa ng kasong 'habeas corpus' o 'writ of amparo' . . . ayaw na naming um-attend ng ibang hearing na sa bandang huli ay madi-dismiss lang naman din . . . ayaw na naming makarinig ng mga batang nagtatanong kung nasaan si nanay at kung nasaan si tatay . . . ayaw na naming may isang pamilyang muling mawasak at maisakripisyo para lamang mapangalagaan ang interes ng iilan.
Sa pagdaan ng panahon, patuloy na nangyayari ang mga ganitong uri ng paglabag sa karapatang pantao. Mga pangyayaring sa akala ng karamihan ay sa pelikula o telebisyon lamang nangyayari. Pero hindi ! ! ! Ang mga krimeng ito ay tunay na dinanas ng marami nang biktima . . . mga tunay na tao . . . walang pinipili . . . mga militante, guro, estudyante, taong simbahan, magsasaka, mga miyembro ng unyon at manggagawa, at maging mga sibilyan. At sa tuwing may panibagong mabibiktima, liban sa galit, ay pagka-insulto ang aking nararamdaman. Patunay lamang na walang tiyak na aksyon ang mga nasa katungkulan.
Kami ay nananawagan, kasama ang iba pang kaanak ng mga biktima, na itigil na ang mga karahasang ito. Sa kabila ng pagkakabuo ng mga grupong mag-iimbestiga sa mga kasong ito, kulang na kulang pa din ang suporta mula sa gobyerno. Patuloy sa pag-usbong ang bilang ng mga biktima, patuloy sa pagdaing ang marami . . . subalit patuloy din ang pagkibit ng kanilang mga balikat.
Hindi sapat na batayan ang pagiging sibilyan o organisado ng isang tao upang siya ay dukutin o di kaya ay patayin. Walang karapatan ang kahit na sinong tao na abusuhin at balewalain ang karapatan ng iba. 'Due process' ang kailangan. Dalawang salita na ipinagkait sa mga biktima.
Sa kabila ng marami nang hirap na aming dinanas, patuloy kaming maghahanap. Patuloy kaming kikilos at mananawagan. Hindi kami papayag na maibaon na lamang sa alaala at limutin ng panahon ang mga taong nawawala.
Hindi kami
papayag na mabaon na lamang sa alaala
at limutin ng panahonang mga taong nawawala.
Patuloy kaming maninindigan, hindi lamang para sa amin at sa mga naging biktima, kundi para na rin sa karamihan. Sa abot ng aming makakaya ay pipilitin naming ipaabot sa
karamihan ang sitwasyon ng mga
Desaparecidos. Hindi lamang para
ipaalam ganitong uri ng mga kaso kundi para na
rin bigyang babala ang publiko. Patuloy kaming aasa
. . . dahil naniniwala kami na muli namin silang
makikita at makakasama.
KATARUNGAN
HINDI AWA!
Ilitaw ang mga
Desaparecidos!