(“Teynk yu po!” revised and recycled - for the sake na may maipasa lang! wahaha!)
May mangilan-ngilang tao na noon sa may sakayan patungong UP. Nagsisimula na ring humaba ang pila sa ibang linya ng jeep na biyaheng Lagro at Fairview. Lahat ay abala sa kani-kaniyang huntahan, pinalilipas ang oras sa mga asaran at bungisngisan. Nang marating namin ng kasama ko ang pila ay agad kaming umupo sa mga nag-aantabay na silyang nakalaan para sa mga naghihintay na pasahero.
Isang grupo ng kabataan: tatlong babae at isang lalaki. May pagdadalawang isip ang pagtayo nila buhat sa kanilang kinauupuan kung maghihintay pa ba sila ng kaunti o magta-taxi na. May hindi mapakali ang hitsura, may nag-aalala, may hapo. Iyon bang nagmamadali na parang hinahabol. Pero sa kanila, wala namang humahabol, sila ang naghahabol sa oras. Madilim na noon at may pagbabanta ang langit. Mamasamasa rin ang hangin ng Agosto, tanda ng paparating na ulan. Sa pagmamadali ay ang huli nga ang kanilang ginawa.
Nakadama rin ako ng kaunting pagsisisi. Sana hindi na lang kami tumuloy, wala rin naman kaming napala dito sa aming lakad, hindi namin nakita ang aming bibilhin, mga mapang-engganyong bagay lang sa likod ng mga estante ang sumalubong sa amin, para bang kinakawayan kami at nagsasabing ’habulin mo ’ko!’, nang-aasar, wala rin naman kaming ipanghahabol sa mga bagay na mapang-asar.
Hindi rin kami pwedeng magtagal sa loob ng mall at magsusuot pa sa mga sulok-sulok para lang hanapin ang ipinabibili sa amin. Ang ipinagtatawa pa namin ng kasama ko, hindi kami maalam sa pag-iikot sa mga ganitong klaseng lugar. Nahilo na rin ang aming mga paa sa kaiikot at napagod na rin ang mga mata namin sa pagsipat-sipat. Ginabi lang kami. Mahihirapan na kaming makasakay, matatagalan ang pag-uwi. Ang ikinainam lang ay hindi pa gaanong mahaba ang pila nang kami ay dumating. Pulos mga ’sana’ ang aking naiisip, kung alam ko lang hindi na sana ako sumama.
"Umusog lang po tayo sa may unahan.", sabi ng barker sa amin ng kasama ko. Nagsisimula na rin kasing humaba ang pila sa tagal ng paghihintay.
Tumayo kami at pinunan ang mga nabakanteng silyang iniwan ng grupo para na rin makaupo ang mga bagong dating na pasahero. Habang nagte-text ang kasama ko para ipaabot ang ’mabuting balita’ ng aming pagkabigo, inabala ko ang sarili sa panunuod ng mga tao: may nagyoyosi habang ang kanyang katabi ay iritang-irita sa pagpaypay para maitaboy ang usok, may naghahampasan sabay maghahalakhakan, may bulungan, ng nanay na inaalo ang anak, ng mga dalaga habang nakatingin sa kapwa pasaherong lalaking natipuhan, ng magkasitahan na susundan ng kiming ngiti ng nobya. Mayamaya pa'y lumiwanag sa aming kinaroroonan kasabay ang pag-ugong ng makina. Narito na sa wakas ang sasakyan na aming pinakahihintay.
Nagtayuan kami, at iba pang mga pasahero, at isa-isang pumasok sa loob ng jeep. Nabulabog ang pila ng paghihintay, dala na rin marahil ng pagkainip at pagmamadaling makauwi agad sa kani-kanilang mga bahay. Sa may pintuan ako napapwesto. Isa kasi ako sa mga naunang nakapasok. Nagkahiwalay kami ng aking kasama na sa may bandang gitna napaupo. May apat o lima pang humabol bago tuluyang lumarga ang sasakyang aming kinalululanan, sa mga ganitong pagkakataon kasi, o malamang kahit hindi, tinitiyak ng barker na punom-puno ang sasakyan bago ito bumiyahe. Sa una ay madalang, parang kumukuha pa ng tamang buwelo, hanggang sa unti-unti na ngang bumilis.
Nakatungo lang ako noon. Habang papalayo ang aming sinasakyang jeep ay may narinig akong mga hakbang, hindi, mga yabag, at tiyak ang direksyon ng munting mga paa. Hindi lamang niya basta sinasabayan ang ingay at pagharurot ng nagmamadaling makina ng mga sasakyan, nakikipagkarera siya sa mga ito. Berde, dilaw, pula, at huminto nga ang jeep. Humahangos siyang napakapit sa may kaliwang bahagi ng estribo, ang kanyang pagkakakapit ay parang makakayupi ng bakal, ngunit kabaligtaran ang ihinahayag ng munting mga daliri, makikita ang paghagilap ng munting palad ng pag-agapay, ng masasandalan.
Naagaw ng pagtaginting ng estribo ang aking pansin sa kanyang biglaang pagkapit dito. Napatingin ako sa kanya. May kadiliman ang kanyang anyo. Palibhasa’y madilim sa loob ng aming sasakyan at ang pagtatampisaw ng kanyang anino sa umaalong silahis ng mga ilaw mula sa nanlilisik na mga mata ng de kahong makina ay lalo lamang nagbigay-misteryo sa kanyang anyo. Sa tantya ko ay nasa walo hanggang sampung taong gulang lamang siya. May kalakihan ang kanyang suot na puting t-shirt na parang panloob, o marahil ay ito na mismo ang kanyang uniporme sa eskwela, halatang hindi kanya. Sa tingin din ay parang humaba ang kanyang mga binti sa kanyang suot na short pamasok na kinapos ng tela at umabot lamang hanggang sa may ibabaw ng kanyang mga tuhod. Nakayapak niyang hinabol ang nagmamadaling kalsada.
Nakayuko siya nang abutan ang aming jeep. Isang malalim na paghigit pa ng hininga at nakabawi na siya. Sabay ng pag-angat ng kanyang ulo ang paghugot ng isang basahan mula sa kanyang bulsa. Hudyat na para simulan ang trabaho. Mabilis ang pagsampa ng mga payat niyang binti. Payuko na halos sumubsob na sa mga biglaang pagpreno, pagapang ang kanyang kilos habang isa-isang dinadampian ng kanyang basahan ang aking paa o ng kanilang mga sapatos. Nabaling sa kanya ang atensyon ng ilan, ang iba nama'y nagulat. Hindi ako sigurado kung may ilang nandiri. Nang muli ko siyang lingunin ay nakalahad ang kanyang kamay habang nakikiusap sa paghingi ng kaunting barya sa ibang pasahero. Walang pamimilit sa kanyang pakiusap. ’Ika nga ay masama ang pamamalimos kumpara sa paghingi. Ang pamamalimos kasi ay gumagamit ng mga paraang nababastusan ang hinihingan, samantalang sa paghingi ay sasabihin mo lang, hindi na kailangan ng pamimilit.
Muling hinila ng abalang kalsadang aming tinatahak ang aking tingin. Nahulog na naman ang aking isip sa panghihinayang. Pakiramdam ko ay ang laking oras ang nawala sa akin sa pag-iikot sa loob ng mall. Hanggang sa mga oras na iyon ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit marami pa ring tao ang nasisilaw sa mapanlinlang na ilaw at yumayakap sa artipisyal na ginaw na hinihinga ng mall. Marahil ay sa alok nitong saya o panandaliang paglimot sa magulong mundo sa labas. Maging ang mga tao ay iginagaya niya sa kanyang pagiging mapagkunwari. Kunsabagay, kung wala kang ipambabayad sa kanila, ayos na rin kahit ang paggugol ng oras.
Hay, oras, kailan kaya darating ang panahong ikaw naman ang hahabol sa mga katulad kong maiksi ang pasensya? Nakakatawang isipin. Ikaw pa rin ang may hawak ng aming paghihintay sa pagdating ng panahong iyon. Hindi rin naman maaaring pabilisin ka o pabagalin. Ikaw ang may hawak ng laro. Kahit na minsan ay nagagawa kong makapagnakaw ng sandali sa iyo, naroon ka pa rin at nakamasid, at kapag nagsimula nang kumalma ang aking isip sa pag-alala ng aking mga responsibilidad, babatingtingin mo ako ng iyong relo para sabihin ang mga bagay na nakalimutan kong gawin. Tuwang-tuwa ka lang sigurong pinagmamasdan ako sa aking pagmamadali. Ikaw pa rin ang nananalo. Kung naisisilid lang sana sa pitaka ang oras, marahil ay makakaya ko siyang tipirin. Wala pa akong maisip na paraan kung paano kita maiisahan. Maghihintay na lang muna ako, kami, sa ngayon. Ang mahalaga, makauwi.
Mula sa likod ay tahimik lang siyang dumaan sa aking harapan. Hindi ko siya pinansin. Lunod pa ako sa pag-iisip. Maingat ang kanyang mga hakbang. Marahil na rin sa porma kong nakatsinelas, short at t-shirt, kaiba sa karamihan ng mga kasakay namin, ay alam niyang wala akong maibibigay sa kanya kaya hindi na rin siya nag-abala pang hingan ako.
Deretso siyang umupo sa may sampahan ng pinto. Tuloy sa pag-andar ang jeep. Mayamaya pa nga'y nagsimula na siyang bumunghalit ng kanta. Pilit niyang inaabot ang mga nota at sundan ang tono. Pasigaw ang kanyang boses at masasabi kong sintunado siya. Ngunit ang pagkaaliw niya habang inaawit ang theme song ng 'Dyesebel', alam kong hindi ko siya maaaring sawayin o pigilin kaya. Pampawi ng pagod marahil. Napangiti ako sa isiping pauwi na siguro siya para panoorin ang paborito niyang telenobela. Ilang linya lang at muli na siyang nanahimik.
Nang makarating kami sa bandang Agham Road ay pumara ang dalawang matandang katabi ko. Tahimik pa rin siyang nakaupo sa sampahan. Ni hindi nagawang lingunin ang dalawang matandang pababa. Basta't tahimik lang siyang umurong papunta sa gawi ko, pakaliwa. Naramdaman ko ang paglapit ng isang katawang umukopa sa iniwang espasyo ng dalawang kabababa lamang.
Hindi siya lumingon, mukhang malalim ang iniisip. Nagulat ako nang magsimula siyang magkwento sa akin, hindi rin niya ako nilingon. Nagkukwento siya nang hindi nagsasalita, walang boses na maririnig ang iba naming kapwa pasahero. Kaming dalawa lang ang nagkakaintindihan. Siya ang bangka, mataman akong nakikinig, nakikiramdam. Kaming dalawa lamang.
Hindi ko namalayan ang pagtawag niya sa aking atensyon nang bumaba ang dalawang matanda kanina at umurong siya sa gawi ko. Sa pag-urong niya, hindi sinasadyang napasandal siya sa aking binti, at nagawa nga niyang matawag ang aking atensyon na kanina lang ay may sariling mundo at naghihintay ng makakausap.
Nag-alangan akong tanggalin ang aking binti mula sa pagkakasandal niya. Subalit nang magsimulang magkwento ang kanyang batang pusong mabilis na pumipintig, na hinihingal, na parang mga bubuwit na naghahabulan sa itaas ng inaagiw na kisame at sumusuot sa mga singit-singit ng atip, hinayaan ko siyang makapagpahinga kahit sandali.
Nagsimula siyang magkwento ng mga ginawa niya sa buong maghapon: ng kaninang gumising siya nang maaga para ’makapagtrabaho’ sandali para sa kanyang baon, nang maghatian sila ng kanyang nanay sa kanyang kinita ay kulang pa ring pambili ng bigas, nang pumasok siyang hindi man lang nasayaran ang kanyang sikmura ng kanyang pinagtrabahuhan, ng kaninang pumasok siya nang walang baon, ng pagkauwi ay dumeretso na siya sa kanyang ‘trabaho’, ng may kung ilang mukhang sumimangot at nandiri sa kanya, ng kung ilang mura ang inabot niya sa mga tsuper ng jeepney na kanyang sinampahan.
Nakakapagod ang kanyang kwento. Nakadama ako ng panliliit, at paghanga sa kanya. Isang bata lang, edad walo o sampung taong gulang, ang makapagpapaliwanag sa akin ng pagba-budget ng oras. Ibang-iba sa makakalimuting organizers at planners na kasabwat ng oras na nagtatawa sa akin.
Umiiksi na ang biyahe. Muli, pinaghabol ako ng oras, pinaasa. Gusto ko pa sanang humaba ang aming kwentuhan subalit ang oras ay nakabantay at ilang saglit na lang ay muli na naman niya akong babatingtingin, pagtatawanan.
Sana ay may maibigay man lang ako sa kanya. Sana maabutan ko siya ng pang-taxi para mas mapadali ang kanyang pag-uwi at makapagpahinga nang mas maaga, mas mahaba. Alam kong hindi makasasapat ang kahit na anong maiaabot ko sa kanya. Hindi makasasapat para mabago ang magaganap kinabukasan at sa susunod pang mga bukas. Sadyang walang katumbas na presyo ang panahon. Ngunit hindi ibig sabihing wala tayong magagawa para ito ay baguhin. Nariyan lagi ang oras, hindi lang tayo ang naghihintay. Maging ang oras ay naghihintay sa atin, para baguhin ang bukas, para ang oras naman ang maghabol sa atin. Ang batang kasakay namin ang patunay na napapagod na rin ang oras sa paulit-ulit niyang pagtawa sa atin. Libangan na lamang niya ang pagtawa sa kanyang pagkainip. Pagod na ang oras sa pagkalinga ng mga supling sa ganitong paraan. Marami na sila. Pinaglipasan na ng kasaysayan subalit lagi’t lagi pa ring may ipinapanganak na nagpapatuloy sa ganitong kaayusan. Matagal na niya tayong hinihintay para baguhin ang bukas, ng batang kasakay namin at ng ilang milyon pang kagaya rin ng bata.
Walang dapat sisihin kung bakit nauulit ang mga pangyayari. Biktima ang lahat, maging ang oras, ng lipunang kinokontrol ng iilan na siyang nagdidikta sa ideyang ipinalalaganap, kung paano gugugulin ng tao ang kanyang panahon.
Sana kahit sa maliit na paraan ay magawa ko ang pakiusap ng bata. Hindi siya kagaya ng oras na laging hawak ang pagkakataon, na kayang maghintay habambuhay, na kayang palipasin ang mga sandali at panuorin ang pagparoo’t parito ng mga tao.
Tuloy sa pag-andar ang jeep at nalalapit na rin ang aming pagbaba. Ilang kanto pa ang aming dinaanan, bigla ang pagtayo ng aking kakwentuhan. Inilipat niya ang kanyang tingin mula sa labas hanggang sa amin. Naghihintay ng tamang tiyempo. Malapit na siguro ang kanyang inuuwian. Kakatwa, gusto ko siyang tanungin kung makikita ko pa ba siya sakaling mapasakay ulit ako doon. Gusto ko pang marinig ang kanyang mga kwento. Sana sa susunod na magkasakay ulit kami, iba na ang kanyang kwento. ’Yung mas masasaya na.
Buhat sa dala niyang plastik bag ay dumukot ng isang bote ng juice ang babaeng (siguro ay estudyante) katabi ko at inialok sa bata. May ngiti ng sinseridad ang pagbigay at walang bahid ng awa, hindi maituturing na limos. Isang ngiti ang gumuhit sa mukha ng bata. Labas ang medyo may kalakihang ngiping nagpabagay sa inosenteng ngiti na iilan lang ang may taglay. Alam kong hindi dapat binibigyan ang mga batang nanghihingi sa mga lansangan. Subalit, dahil na rin siguro sa taglay niyang pagiging bata, hindi imposibleng maaliw ka sa mga ngiting nagpapahayag ng pagiging inosente nila.
"Sa may kanto lang po!" sabi niya sa driver.
"Kuya sa tabi na lang po," pag-uulit niya.
"D’un ka na sa kabila bumaba.", maotoridad na sagot ng kausap.
Sabay-sabay kami sa pagsaway sa batang huwag agad tatalon at hintayin na lang ang paghinto. Sinabayan niya ng lundag ang pag-menor ng takbo ng jeep.
"Teynk yu po!"
"Teynk yu po ate!" habang iwinawagayway pa ang bote ng inuming ibinigay ng babaeng katabi ko.
Ito ang paulit-ulit niyang isinisigaw habang binabagtas ang salungat na direksyon ng aming sinasakyan. Ilang kanto at stop light pa ang aming nilampasan bago kami bumaba sa kanto ng Heart Center.
"Ang kulit ng bata!" sabi ko sa kasama ko pagbaba namin, sabay tawa.
Hanggang sa aming paglalakad, naaalala ko pa rin ang batang kasakay namin kani-kanina lang. Naiisip ko pa rin ang kanyang mga kwento. Nararamdaman ko pa ang mabilis na pagtibok ng kanyang batang puso. Naririnig ko pa ang kanyang pagtawag na tulungan siyang baguhin ang bukas.
'Gusto ko siyang gawan ng kwento,' naisip ko.
Wala marahil akong masasabing kakaiba sa batang iyon. Katulad pa rin siya ng ibang bata. Mapaglaro. Inosente. Bigla ang nadama kong munting tuwa. Sigurado ako sa aking pakiramdam, hindi man ako nanghingi ngunit alam kong mayroon siyang ibinigay.