Monday, September 14, 2009

“Imbitasyon, Bertdey”

“Imbitasyon, Bertdey”
009014009

“Male-late ka na!” ang isinisigaw na oras ng hawak kong cellphone.

“Sandali lang. Tatawag lang ako,” isip ko. Kahit sa kabila ng internal prop ko sa sarili, nagsisimula nang magbutil-butil ang pawis ko sa alalahaning late na naman akong papasok, ang sabay-sabay na lingunan ng mga kaklase kong may iba’t ibang ngiti na hindi ko maintindihan kung nang-aasar, ang pailalim na tingin ng prof ko na susundan ng pagyuko at pagmamarka sa index card.

Matagal ko nang nakwenta kung ilang oras ang gugugulin ng paghahanda ko sa pagpasok: labinlimang minutong lakad mula sa opisina hanggang sa tinutuluyan naming bahay, labinlimang minutong mabilisang nguya, lulon at lagok ng tubig, limang minutong ligo, at habambuhay na paghihintay ng jeep sa kahabaang iyon ng Quezon Avenue. Sumatotal: late pa rin ako sa klase.

Mabilis kong pinindot ang keypad ng cellphone para hanapin ang numero ng taong tatawagan, ni Nanay Fe. Ilang sandali pa’y tumunog sa kabilang linya. Mahabang kiriring lang, tapos may nagsalita, ”The number you have dialed is…” – end call. Redial.

“Hello?”

“Hello po, nay?”

“Hello, sino ‘to?”

“Nay, si Ipe po ito.”

At nagsimula ang mahabang kamustahan na kung babalikan ang nangyaring usapan ay ewan lang kung nasagot nga ba.

“Oo, nasa byahe kasi kami ni tatay mo. Maghahatid ng bata. May pinaalagaan kasi sa’min ‘yung kapit-bahay naming nag-abroad. E, ‘kako, sayang naman. Wala namang trabaho si tatay at hindi naman makapamasada, nakasanla kasi ang motor. Wala naman akong ginagawa kaya kinuha ko ’tong trabaho, para na rin makatulong makaipon ng pantubos.” litanya niya. Halos pareho pa rin ng sinasabi sa tuwing magka-text kami.
”Ito na ba ang bago mong number? Hindi ako nagpalit. Ha? Hindi ’yan, hindi ’yan. Itong 0910 ang simula ng number ko. Ikaw nga ‘tong hindi nagre-reply sa mga text ko, e.” May halong tampo ang tinig.

”Nawala po kasi ’yung dati kong cellphone, nay. Kaya pala hindi sumasagot ’pag tinatawagan ko, mali pala. Kakukuha ko lang po nitong number ninyo. Opo. Haha! Opo, opo.” paliwanag/paglalambing/paghingi ko ng tawad.

”Nay, magtatanong lang po ako kung may nagawa kayong tula, sanaysay o kahit sulat po tungkol kay Ryan? O, kahit po ’yung personal n’yang sulat sa inyo, kung meron. Nangongolekta po kasi kami ng mga naisulat ng mga kaanak ng mga Desap (Desaparecidos) pati na rin ’yung mga naisulat po mismo ng mga kaanak nating nawawala, para po sa ilalabas nating libro. Ay, ganun po ba? Opo. Sana. Pero okey lang po.” Sa wakas ay nasabi ko rin ang aking pakay.

Isa ako sa mga naatasan sa aming grupo na mangolekta ng mga nagawang sulatin o komposisyon at larawan ng mga biktima ng sapilitang pagkawala. At sa paglipas ng mga araw, ng papalapit na deadline, mas lalo kong nararamdaman ang bigat ng naiatang na gawain. Madaling makipag-usap sa mga kaanak na kokontakin para hingian ng mga sulatin. Ang hindi madali, ay ang pakikinig sa mga kwentong nasa isa o tatlong pahina ng papel; nangungumusta, naghahanap, nagmamahal. Parang sulat nga daw mula sa kawalan, banggit ng isa kong kasama.

“Makakapunta ba kayo sa a-bente?” Pang-iimbita ni nanay sa kabilang linya.

”Ay opo. Pupunta po kami d’yan. Nabanggit na nga po sa amin na pinapupunta n’yo nga raw po kami d’yan. Ayos lang po sa amin kung hahandaan n’yo kami ng kalderetang kambing! Haha!” biro ko.

”Ipagkakatay raw kayo ni tatay ng mga manok at pato. Pagpasensyahan n’yo na raw at naibenta na ang kambing.”

”Naku, ayos lang po sa amin kahit anong ipakain n’yo sa amin. Magdadala rin po kami ng kahit anong pwede nating pagsaluhan d’yan. Ano po? Haha!”

”Hindi ko alam kung pwede pa tayo do’n sa kubo. Naaalala mo pa? Oo, doon nga. Sa dati naming bahay. Mainit kasi kung dito tayo sa relocation site. Ha? Oo, siguro magdadalawang buwan na kami dito. Nakakalungkot nga kasi...”

Mahabang katahimikan ang sumunod. May pangangatal ang mga huling salita bago ang mahabang pagkapipi.

’Sana ang anak kong si Ryan ang kausap ko sa kabilang linya,’ litanya ng garalgal na buntung hininga.

’Kailan ka namin muling makakasamang ipagdiwang ang kaarawan mo?” impit ng luhang pinipigil.

’Sana ay matandaan mo pa ang daan pauwi sa atin.’ pagsusumamo ng puso ng inang naghihintay.

May kaunting pagsisisi kung bakit hinayaan kong mamayani ang katahimikan sa pagitan namin. Sana mas siniglahan ko pa ang pakikipag-usap, sana.

”Sige po, nay, sa a-bente. Asahan n’yo po.” paniniguro ko.

Sa kubong iyon kami magpupunta. Para ipagdiwang ang kaarawan ng anak na tatlong taon nang hinihintay ng ina, buhat nang pasukin ng mga armadong lalaki ang kanilang bahay at kaladkarin palabas si Ryan para dalhin sa isang lugar na tanging ang mga estrangherong nakamaskara lamang ang nakakaalam, isang hatinggabi ng Nobyembre, tatlong taon na ang nakalilipas, sa kubong iyon, sa kanilang tahanan.

“Late ka na,” ang sabi ng oras.

“Di bale, sanay na ‘ko.” sa isip ko.

Buti pa ang pagpasok sa eskwelahan, may hangganan ang paghihintay. Masasabi kung huli ka na sa itinakdang oras ng pagpasok. Pero ang paghihintay sa isang kaanak na walang kasiguruhan, ni bakas, kung buhay pa, kailangan bang magkaroon ng hangganan?

No comments:

Post a Comment

"May Angal?"