(hindi ako sigurado kung ikatlong assignment namin ito sa fil25 pa rin)
Malakas na kalabog ang gumising sa aking pagkakahimbing. Naalimpungatan ako. Wala namang sigawan, liban sa mga pigil na tili, o kung ano mang kaguluhan na dapat ikabahala, naisip ko, nang silipin ko ang aking mga kasamahan na nagsisipagdungaw sa bintana. Sinikap kong bumalik sa pagtulog. Hindi pa kasi ako (o mas tamang sabihing ’kami’) nakakabawi mula sa mga nagdaang linggo ng paghahanda para dito sa ’malaking gawain’ namin. Ilang minuto pa ng paghihintay sa pag-andar ng bus na aming sinasakyan, ngunit hindi na ito muling umusad pa. Nang muli kong idilat ang aking mata, wala na ang aking mga kasamahan. Napahiya ako sa aking hitsura. Nakarating na pala kami sa aming destinasyon at nakababa na rin sila, ako na lang ang naiwan, kasama ng ilang mga kagamitang ilang linggo rin naming pinaghandaan para dito sa itinakdang araw.
Nag-inat-inat pa ako pagtapak sa lugar na iyon. Mas masarap ang hangin sa labas kumpara sa artipisyal na ginaw na hinihinga ng malaking kahong de gulong. Hindi na bago sa akin ang lugar. Dulot lang din ng kalikasan ang kaunting ipinagbago nito. Tuyo ang mga damo noong palihim namin itong pinasok noong tag-init. Ilang buwan pa lamang ang nakalilipas ngunit heto’t nagtaasan na ang mga talahib. Nagpuputik na rin ang lupa dahil sa pag-ulan-ulan noong mga nakaraang araw, kaiba noong nagbibitak-bitak sa sobrang init.
Ang ilan ay nag-umpukan sa kanang tagiliran ng bus. Nabalaho pala ang aming sasakyan at tumama ang kaha nito sa malaking bato. Dahilan para ma-deporma ang kaha nito. Malalim ang pagkakalubog kaya’t inisa-isa na naming ibaba ang aming mga gamit, para na rin makabawas ng bigat nang hindi mahirapan ang mga nagtutulak para maiahon ang bus.
’Pangalawa na ’to!’ biro namin na tumutukoy sa inarkilang bus. Bukod kasi sa disgrasyang inabot ay nahuli pa sa oras ng pagsundo sa amin.
Sa gitna ng tawanan, isang nanay ang bukod tanging umiiyak. Napanaginipan daw kasi niya ang kanyang anak na si Karen Empeño habang papunta kami sa lugar na iyon. Umiwas ako. Natakot akong baka ’bumigay’ na naman ako. Tama nang naitago ko ang aking emosyon noong palihim kaming nagtungo sa lugar na minsang tinawag kong ’impyerno’.
’Impyerno’ dahil sa likod ng magandang tanawing iniaalok ng kapaligiran, sa gitna ng mayayabong na punong mangga at iba pang bungang kahoy, sa pusod ng malawak na kaparangang kinakawayan ng dalawang bundok sa magkabilang gilid, sa kabila ng nang-eengganyong pangalang ”Brgy. Bliss” (na sa pakahulugan ay ’lubos na kaligayahan’), sa likod ng maskara ng katahimikan at kapayapaan ng payak na baranggay, nagkukubli ang isang lugar na dating kinatatayuan ng isang kampo-militar. Ang kampong isa sa mga pinagdalhan sa dalawang UP students na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan kasama ang magsasakang si Manuel Merino, at ng kung ilan pang mukha ng walang awang pagpapahirap ng mga taong nanumpang magsisilbi at magtatanggol sa mamamayan.
Hindi nagmula sa kawalan ang inisyatiba ng pagbalik sa abandonadong kampo. Isang sugal ang patagong pagpunta sa lugar. May katagalan na mula nang lisanin ng mga sundalo ang dating kampo ng 24th Infantry Battalion. May pagdududa pa rin kami kahit may mga bakas pa ang mga tinibag na sementong tanda ng mga istruktura sa bakanteng lote na iyon. Ngunit nawala ang pagdududa ng panakaw na pagpasok nang kumpimahin, na iyon nga ang lugar na pinagdalhan sa kanilang magkapatid, ni Raymond Manalo, isa sa mga nakatakas at nakaligtas mula sa pagkakabihag ng mga sundalo. Isinalaysay niyang nakasama nilang magkapatid ang dalawang UP students kasama ang magsasakang si Manuel Merino. At nasaksihan din nila nang patayin ang huli, di kalayuan mula sa kubong kanilang kulungan.
Kasama ang ibang kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala, magkakasama naming binalikan ang lugar. Isang tumpak na lugar ang aming hahanapin. Mabigat para sa isang survivor na balikan ang gabi kung kailan sapilitang inilabas si ’Tay Manuel mula sa kanilang kulungan. Masakit kwentahin ang ilang metrong pagitan mula sa siwang na kanilang sinilipan hanggang sa lugar kung saan sinasabing nakita nila ang liwanag ng nagliliyab na apoy. Na sa bandang huli ay napag-alaman nilang magkapatid na ito na pala ang nasusunog na bangkay ng kawawang magsasaka.
Hindi naging madali ang aming paghahanap. Matapos maisaayos ang aming mga gamit, matapos ang mabilisang pagtatayo ng kani-kaniyang tent, matapos ang maiksing briefing at pagtitiyak ng hatian sa mga gawain, tatlong hukay ang agad na sinimulan para hanapin ang mga bangkay na inilibing ng mga militar. Sa ikalawang hukay ako natokang manguha ng larawan ng mga posibleng ebidensya, katabi ng unang hukay. Marami kaming nakitang mga bakas ng pagkasunog, mga basura. Ayon sa mga nakausap naming tagaroon na kinuha para makatulong sa paghuhukay, dating tambakan ng basura ang lugar ng ikalawang hukay.
At lumipas ang buong maghapon na wala kaming nakita. Kakatwa dahil kinabahan ako na baka wala kaming mahukay, na kung tutuusin ay mas mainam dahil mangangahulugang mali ang hinala ng magkapatid na ang magsasakang si Tay Manuel ang nakita nilang nagliliyab nang gabing iyon. ’Baka buhay pa siya,’ naisip ko. Sa pagpapaalam ng araw, nagpaalam na rin ang ibang kaanak ng biktima na naghihintay, nakikihanap.
Sumakit ang ulo ng aming saksi. Dulot pa rin ng trauma ang kanyang ligalig sa lugar. Kinausap siya ng kasama naming anthropologist. Nag-uusisa. Pilit pinaaalala kay Raymond ang nangyari noong gabing sapilitang inilabas sa kanilang kulungan. Gomang dilaw na tsinelas daw ang suot ng magsasaka noong huli nila itong makita. Pareho pa rin ang kanyang itinuturong lugar kung saan nila nakita ang maliwanag na pagliliyab.
Nang magkaroon ng pagkakataon, kinamusta ko ang lagay ni Raymond. Hinayaan ko siyang magkwento ng kanilang mga karanasan sa lugar na nagsilbing sanktuwaryo ng kanilang paghihirap. Itinuro rin niya sa akin ang lugar kung saan sila dating pinagtatanim ng gulay ng mga sundalo. Ibinahagi niya ang kanilang mga biruan at asaran, at maging ang kanilang supaang magpapatuloy ang sinuman sa kanilang makakalabas sa isinumpang lugar.
Dama ko pa rin ang bigat ng unang pagpunta sa lugar. Parang naririnig ko pa rin ang mga sigaw ng pagmamakaawa at pagpapahirap ng mga biktimang minsan ay namalagi roon. Dagdag pa ang malakas na hangin at ulan na nakiramay sa aming pagkabigo sa paghahanap ng aming pakay. Sinubok kami ng panahon kung hanggang kailan kami tatagal sa lamig, sa paghahanap. Pero ang misyon ay kailangang ipagpatuloy. Sumilong ang aming grupo sa malaking tent na nakalaan para sa mga gamit. Kahit babad na sa ulan, kanya-kanya pa rin kaming paraan para lamang maisalba ang aming mga kagamitan. Buo pa rin ang grupo. Walang pinanghinaan sa aming pagkabigo. Hatinggabi na nang matapos ang sungit ng panahon. Kailangan nang magpahinga. Kailangan pa ring ipagpatuloy ang paghahanap.
Gaya ng napagkasunduan, sinimulan naming muli ang paghuhukay. Huling araw na namin, may makita man kami o wala. Itinigil na ang paghuhukay sa ikalawa at ikatlong hukay. Pagtuunan na lamang daw namin ang una kung saan nakita nina Raymond ang pagliliyab.
Hindi pumatak ang tanghali, napasigaw ang kasama naming anthropologist nang matuklap ang isang dilaw na gomang tsinelas. May sunog sa bandang sakong at puno na hinlalaki. Agad ding sinimulan ang pagpili at pagsisinop ng maliliit na maaaring buto ng tao. Wala na ang malalaking bahagi. Ayon sa doktor, bilang tao, masasabi niyang buto iyon ng tao, pero bilang doktor, kailangan pa ring idaan sa proseso para patunayang ang mga iyon nga ay buto ng tao. Mahihirapan na rin daw makakuha ng DNA sa sobrang pagkasunog ng mga buto.
Halong emosyon ang naramdaman ng bawat isa sa amin. Masaya dahil nagtagumpay kami sa aming misyon, masaya dahil napatunayang totoo ang sinasabi ng saksi, malungkot dahil nangangahulugang patay na si Tay Manuel, higit sa lahat, galit ang namayani para sa mga taong naka-komoplaheng nagkukubli sa ilang at handang manila.
Bago lisanin ang lugar, nag-alay ng isang misa ang aming grupo para mabigyan, kahit papaano, ng maayos na libing si Tay Manuel. Mula sa pinagkrus na mga sanga ay gumawa kami ng tanda sa puntod. Namitas rin kami ng mga bulaklak mula sa mga ligaw na halaman para ialay sa taong dalawang taon naming hinanap. Palibot kaming pumwesto sa libingan nang simulan ang ritwal ng pamamaalam at pangako ng patuloy na paghahanap ng katarungan. Hiningan ng mensahe si Raymond ngunit tanging pagdilig ng luha ang kanyang ipinaabot sa taong nagsilbing ama.
Umaawit ang ihip ng hanging namamaalam. Kumakaway ang mga punong naging piping saksi sa karahasan. Tanda ng pasasalamat sa pagkakaroon ng katuparan ng mga pangakong binitiwan.
No comments:
Post a Comment
"May Angal?"