Prominenteng ngiti ang taglay ng babaeng nakadilaw. Halos pumikit na ang kanyang mga talukap sa pagkakangiti ng chinitang mga mata sa likod ng kanyang malalapad na salamin. Nakalapat ang kanyang mga palad sa kanyang kandungan, tanda ng kanyang pagkamahinahon. Sa likod ng silyang kahoy na may mga eleganteng ukit kung saan panatag ang kanyang pagkakaupo, ay ang bandila at ang Sagisag ng Pangulo ng Pilipinas.
“Corazon Cojuangco – Aquino 1986-1992” pagpapakilala ng kwadro, pagsasaad ng panahon ng kanyang panunungkulan. Katabi ang iba pang kwadrong may larawan ng iba’t ibang personahe. Mga dakila. Magkakatulad ang disenyo sa kanilang likuran. Bukod tangi siyang babae.
Labing limang taon na ang nakalilipas mula nang makita ko ang mga kwadrong iyon noong unang pagpasok ko sa paaralan. Ilang buwan pa lang ang nagdaan mula nang huli ko siyang mapanood sa telebisyon. Malayung-malayo na ang kanyang anyo mula sa kanyang nakakwadrong larawang nakasabit sa pader ng una kong silid-aralan. Maliban sa kanyang ngiti, sa kanyang salamin at sa kulay dilaw, mababakas sa kanya ang pagkupas ng dalawang dekadang nagdaan na mas pinabilis ng kanyang sakit na kanser.
Gaya ng inaasahan na, di naglaon ay pumanaw nga si Tita Cory. Kapansin-pansin ang mabilis at sistematikong media coverage ng mga istasyon at publikasyon. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na baka ipinagdasal nila ang mabilis niyang pagpanaw. Parang pelikula. Handang-handa na ang mga video tribute para sa yumao. Patok sa takilya.
Apektado ang buong sambayanan. Parang epidemya sa bilis ng pagkalat. Ilang araw pa lamang ang nagdaan, hindi nakaligtas ang aming klase sa epidemya nang sabihin ng aming guro na gumawa kami ng sanaysay tungkol sa dating pangulo. Sino si Cory sa sarili naming punto de bista?
”Anak ng tokwa! Kung kailan namatay ’saka pa ’ko pinahirapan.” naibulong ko.
Sino nga ba si Cory? Ni hindi ko nga namalayang siya pala ang presidente ng bansa nang ako ay ipinanganak. Sasapat bang sabihin na siya ang ika-labing isang pangulo ng republika? Na siya ang presidente pagkatapos ni Marcos at bago si Ramos? Na siya ang may-bahay ng pinaslang na si Ninoy? Ang ina ni Kris? Na siya ang mukha ng EDSA Revolution a.k.a People Power a.k.a EDSA I? Higit pa rito ang kahingian ng punto de bista. Bigo rin ang mga leksyon sa akademikong paaralan para siya ay ipakilala. Hindi maaaring sabihing kahinaan ito ng mga guro. May sariling tala ang kasaysayan. May mga hindi nabanggit o sadyang hindi binanggit. Pero teka, sino nga ba ang nagsulat ng kasaysayan? ”Mag-research kayo,” sabi ni sir.
Aha! Babalikan ko ang kanyang necrological service. Baka sakaling makilala ko nang mas malalim si Tita Cory mula sa malalapit niyang kaibigan. ”Mabait siya,” sabi ng isang senador. ”Mahilig siya sa dilaw,” sabi ng isang mambabatas. ”Kulot siya,” sabi ng isang artista. Ayan, kahit papaano’y alam ko na mabait siya, mahilig siya sa kulay dilaw at kulot siya. ”Mag-research kayo,” sabi ni sir.
”Kung kailan namatay ’saka pa ’ko pinahirapan.”
Tanungin ko kaya si Kris? Teka, anong araw ba ngayon? Saan ba siya uuwi? Itatanong ko sa anak niya, kaya lang abala sa sarili n’yang mundo ’yon. Si senador Noynoy na lang. Kaya lang, baka lasing ’yon. Baka magwala na naman. Baka pagmumurahin din ako, mukha pa naman akong sakada. Patay na kasi si Ninoy, e. Bakit kaya hindi nabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Ninoy kahit nasa estado poder na si Tita Cory? Tanungin ko kaya ang pinsan niyang si Danding? Baka sakaling kilala n’un ang nagpapatay. Mas madali sana kung nakakapagsalita lang ang mga alahas ni Kris na katas daw ng Hacienda Luisita. Masyadong showbiz, maintriga. Baka kasuhan ako ng libelo.
”Kung kailan naman namatay ’saka pa ’ko pinahirapan.”
Tanungin ko kaya si Lean Alejandro tungkol sa edukasyon ng mga kabataan? Tanungin ko kaya si Lando Olalia tungkol sa mga batayang karapatan ng mga manggagawa? Dalawang dekada na kasing hindi nakakauwi ng bahay si Armando Portajada. Maganda sana siyang mapagtanungan hinggil sa kalagayan ng mga unyon sa mga pabrika. Pumunta kaya ako sa Lupao, Nueva Ecija at hanapin ang mga kaanak ng mga magsasakang minasaker? Nakapagbigay ba ng lupa ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa mga magsasakang minasaker sa Mendiola? Kung tanungin ko na lang kaya ang mga sundalong Kano, ”What can you say about Pres. Cory voting YES for the return of the comeback of US military bases here in the Philippines?” Kaya lang baka mag-nose bleeding at magka-sore throat ako kaka-ingles. ‘Wag na lang. masyado pa lang masaklaw kung isyung panlipunan ang titingnan. ”Mag-research kayo,” sabi ni sir.
”Kung kailan naman talaga namatay ’saka pa ’ko pinahirapan.”
Ang pagbaha ng tao sa lansangan ay pagbaha rin ng emosyon. Pagbaha ng luha mula sa pinauulang dilaw na confetti. Maraming tao mula sa mga nakikipaglibing ang maaari sanang mapagtanungan. Kaya lang, mukhang lunod pa sila sa pagluluksa. Nadaig ang lakas ng mga hampas ng alon sa Manila Bay ng mga hiyawang ”Cory! Cory!” Hindi rin nila ako maririnig. At sa tantya ko, hindi rin nila maririnig ang sinasabi na ”Mag-research kayo,” na sinasabi ni sir.
Malaking hakbang sana ang pagtindig ni Tita Cory laban sa pasismo ng diktadurya ni Marcos. Ang problema, patuloy lamang na naghari ang mga naghaharing-uri. Mas may katig sa mga ito kumpara sa mga taong inidolo at nagturing sa kanyang ina ng demokrasya. Hindi na siya nakawala sa kwadrong nilikha ng elitistang demokrasya.
Hanggang sa huli ay hindi ko nakilala si Tita Cory. Nanatili siyang nasa tugatog ng demokrasyang para kanino? Tinitingala. Sa sobrang tayog, kailanma’y hindi masasaling ng mamamayang nagluklok at naniwala sa kanya.
Hindi ko alam kung saan makakarating ang gawa ko. Susulatan ko na lang si sir na kung maaari, pakihinaan ang pagbato sakaling i-derecho n’ya sa mukha ko, matapos basahin, ang nilamukos kong sanaysay.
Paalam Tita Cory!
(isang sanaysay para sa pagkamatay ng dating pangulong Cory. Paalam.)
(assignment pa rin! wahaha!)
No comments:
Post a Comment
"May Angal?"