2nd Sem
Binati ako noong isang araw ng isang kaibigan. Nakakaisang taon na daw pala ako. Dahil sa kaabalahan nitong mga huling buwan, doon ko lamang naisip na, oo nga, nakakaisang taon na pala ako sa aking piniling kurso.
Parang kailan lang kasi nang sumugal akong mag-enroll dito sa UP sa payo ng isang kaibigan na subuking mag-apply sa Sertipikong Kurso ng Malikhaing Pagsulat sa Filipino. Noon ko lang din napansin na kahit nakakaisang taon na ako, parang hindi ko pa rin masakyan ang magbuhay estudyante “muli”.
2004 nang ako ay magtapos ng hayskul. Dahil sa Facebook, nagkaroon ako ng pagkakataong makita uli ang aking mga naging kaklase at guro. Sa di mabilang na pagkakataong magkaroon kami ng sandaling panahong makapagkamustahan, hindi na rin mabilang sa di mabilang na tao ang nagtanong sa akin ng “Saan ka na ngayon? Ano na’ng trabaho mo?” At sa ganitong mga katanungan, kadalasan ay napapaisip ako ng aking isasagot. Simpleng, “Kakaumpisa ko pa lang mag-aral,” ang aking isasagot sa mga kaklase kong nars, arkitekto o nasa ibang bansa na.
Kaya hindi ko masakyan ang magbuhay estudyante “muli” kasama ang mga kaklase kong may kanikaniya ring pananaw sa pangkasalukuyan at sa hinaharap. Teenager. Hindi ko rin alam kung nakagradweyt na ako sa yugtong ito ng aking kabataan.
Magtatapos na ang taon. Sa darating na pasukan, hindi ko pa alam kung mag-aaral pa ako. Siguro, oo. Pero paano kapag natapos na naman ang isang taon? Hanggang nananatili ang tanong na ito, alam kong hindi pa rin ako resolbado kung itutuloy pa o hindi na.
Basta, sugal lang ito. Alam kong meron pa akong alas para manalo sa larong ito. Hindi ko idadaan sa swerte, aaralin ko kung paano manalo.