Thursday, October 01, 2009

Pagtatagpo… Sa Kabilang Dulo: Panitikang Testimonyal ng Desaparecidos

(ang sumusunod ay maikling introduksyon tungkol sa ilalabas na libro ng Desaparecidos sa Disyembre)



Pagtatagpo… Sa Kabilang Dulo:
Panitikang Testimonyal ng Desaparecidos


INTRODUKSYON

Isang araw sila’y dinukot sa tapat ng piket layn, sa tapat ng eskwelahan, sa simbahan, pinasok sa loob ng bahay at saka kinaladkad palabas, sa loob ng isang pasyalan, sa tabi ng kalsada habang naghihintay ng masasakyan pauwi sa kanilang mga pamilyang naghihintay ng kanilang pagdating.

Dinukot sila sa harap ng kanilang mga magulang na ninikluhod, ng mga asawang nagmamakaawa, ng mga kapatid na nagpupumiglas, ng mga anak na nagtatanong, ng mga kaibigang nagtataka at ng mga saksing iginapos ng takot. Tiim ang bagang, kuyom ang kamao, nanlilisik ang mga mata subalit walang nagawa sa nandudurong mga baril na handang iputok at umutas ng buhay.

Isang araw sila’y dinukot – hindi pa rin sila nakakauwi.

Desaparecidos – mga biktima ng sapilitang pagkawala. Sila ang mga taong iwinala nang sapilitan, dinukot ng mga alagad ng batas at mga kagaya nito dahil sa paghihinalang sila ay mga miyembro ng rebolusyonarong pwersa, dahil sila ay mga aktibista o kahit pa iyong mga taong kamag-anak o mga taga suporta di umano ng mga kalaban ng gobyerno. Dinukot at sapilitang iwinala at itinago sa kanilang mga pamilya dahil sa kanilang mga ipinaglalabang prinsipyong naglalayon ng pagpapalaya sa sambayanan.

Nag-ugat sa trahedya ang pagkakakilala ng mga kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala. Lahat ay may kani-kaniyang dinaramdam: pare-pareho ang dahilan – dinukot ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ang pagkauhaw sa pagkakamit ng hustisya ang nagsilbing sulo at gabay ng kanilang landas tungo sa iba pang kaanak. Nasumpungan nila ang kanilang mga sarili sa iba pang kaanak na nag-aalok ng pag-unawa at pagdamay – ng panibagong pamilya. Mula sa karamdamang ito nabuklod ang Desaparecidos (Pamilya ng Desaparecidos para sa Katarungan), isang samahan ng mga pamilya ng mga biktima ng sapilitang pagkawala.

Ang pagpuno sa kawalan ng bawat isa ang nagpapatibay sa pundasyon ng kanilang pag-asang muling makapiling ang mga kaanak na matagal nang nawalay.

Sama-sama sila: sa pagsasampa ng mga kaso tuwing may mga panibagong pagdukot, sa pagse-search sa mga kampo, sa pagpunta sa mga morge at mass graves upang kilalanin ang mga bangkay na walang nagke-claim.

Sama-sama sila: sa mga martsa sa lansangan at mga rally upang ipanawagan ang kagyat na pagpapalitaw ng mga kaanak na nawawala at para sa pakikilahok na rin sa mga isyung panlipunang dati ring ipinaglalaban ng mga desaparecidos, sa paniningil sa estado na siyang utak ng mga pandarahas at pagdukot para makamit ang katarungang matagal nang ipinagkakait.

Sama-sama sila sa mga iyakan at biruan.

Sama-sama sila sa pagtangan ng mga tungkulin at gawaing naiwan ng mga nawawala.

Iniluwal ang Pagtatagpo… Sa Kabilang Dulo: Panitikang Testimonyal ng Desaparecidos mula sa pagsisikap ng mga kaanak at kaibigan ng mga biktima ng sapilitang pagkawala o mga desaparecidos, na makalikha ng sariling akdang naglalayong ipakilala ang mga biktima. Hindi lamang pagbibigay mukha ang pakay ng mga akdang ibinunga ng mahabang proseso ng paghihintay at paghahanap. Ito ang ekspresyon ng kanilang mga pangungulila. Sa loob ng dalawa o tatlong pahina, maririnig ang pagpintig ng kanilang mga pusong dumadagundong ng paglaban, pangungulila at paghahanap.

Pagtatangka rin ang aklat na ito na iguhit ang imahen ng mga nawawala na magpapakilala kung sino sila – bilang ama, ina, asawa, magulang, kapatid, anak at kaibigan – kaiba sa mga taguri ng pag-aakusa na ikinakabit sa kanilang mga pangalan.
Nais ng mga pamilya ng desaparecidos na ibahagi ang buhay at pakikibaka ng mga nawawala para maipakita at maipadama sa mga mambabasa na hindi lamang umiikot sa loob ng tahanan, ng kanilang pakikibaka at ng kanilang mga pamilya ang kanilang buhay – ekstensyon ang sambayanang pinaglilingkuran ng kanilang buhay at pamilya.

Sa ganitong paraan, hindi maihihiwalay at kailanma’y hindi mapag-iiba ang pamilya at sambayanan: dahil para sa mga nawawala, ang sambayanan ang kanilang pamilya at ang kanilang mga anak, asawa at magulang ay kabilang sa sambayanang kanilang pinaglilingkuran – at minamahal.

Nararamdamang buhay ng mga kaanak ang mga desaparecidos sa tuwing makakakilala at makakarinig ng mga kwentong tungkol sa mga nawawala mula sa mga taong minsan ay nakilala, nakasama at nakasalamuha ng kanilang mga mahal sa buhay.
Buhay ang mga salaysay.


Sa pagkakataong ito, nais pasalamatan ng mga pamilya ng Desaparecidos ang mga tao at organisasyong naging bahagi para mailathala ang aklat na ito:
Sina Prof. Rolando Tolentino, Rommel Rodriguez, Romulo Baquiran, Michael Francis Andrada at Vladimeir Gonzales ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP) bilang mga instruktor sa workshop at sa hindi pagkakait ng kanilang mga talento.
Sa Community Medicine Development Foundation (COMMED) sa pagtulong na maproseso ng mga kaanak ang trauma ng mapait na karanasan.
At higit sa lahat, sa Karapatan (Alliance for the Advancement of People’s Rights) sa pag-agapay sa mga kaanak ng mga biktima at sa patuloy na pagtataguyod ng karapatang pantao.
Binibigyang pagpupugay rin ang mga nanay, tatay, kapatid, asawa, mga anak at mga kaibigan na nagsumikap makapagsulat ng kanilang mga akda.


Samahan ang pamilya ng Desaparecidos sa kanilang paglalakbay at pakikibaka para sa katarungan at kalayaan. Saksihan ang mga kaanak at ang mga Desaparecidos sa kanilang muling pagtatagpo… sa kabilang dulo.