Sunday, May 08, 2011

Mothers' Day Hindi Mother's Day


Nakahanda na ang bag ko para sa swimming. Hindi naman ako masyadong excited. Ang totoo niyan, nagdalawang isip pa ako kung sasama nga ako. May kamahalan ang P300. Pwede ng pandagdag na pang-down payment sa kukunin kong kwarto pamalit sa nasunog (o sinunog) naming inuupahan. O pangkain. Pamasahe. O pang-yosi at kape. Luho mang matatawag ang huli, gasino na lang din naman talaga ang mabibili mo sa halagang 'yon. Parang pag-aabang lang ng jeep sa gabi; makakailang istik ka muna ng yosi sa paghihintay, makakailang hithit ka pa bago tuluyang pumara sa kinatatayuan mo, manghihinayang ka sa naitapong sigarilyong may dalawa o tatlong hithit pa dahil maling jeep ang papara, pero kasimbilis ng muli mong pagsindi ng yosi ang pag-ibis nito palayo.

Sa mahal ng bilihin ngayon, kahit iyong mga taong may matatawag talagang sahod o sweldo, hindi rin makakaligtas sa paghihigpit ng sinturon at muling paghihigpit na sinasabi ng Malacanang. Sa sobrang paghihigpit, hindi ka na makakahinga. Magandang sunggaban ang mga ganitong pagkakataon para makapag-relaks man lang kahit papaano. Makabawas man lang ng tensyon at makapag-recharge kahit overnight lang.

Ilang taon na rin mula nang magkaroon ng ganitong pagtitipon ang mga katrabaho at kaopisina ko. Hindi. Hindi ako nag-apply sa trabahong 'to. Madalas, kapag nagkikita kami ng mga kakilala o mga dating kaeskwela at kapag nagtanong  kung ano o saan ako nagtatrabaho, sasagutin ko ang mga tanong ng patanong din: Trabaho nga ba 'yun? Ewan. Sabay tawa. Sabay paglilihis ng usapan para hindi na maukilkil pa. Nagmimistulang tulay sa rumaragasang ilog ang retorikang tanong-sagot ko mairaos lang ang kiming sagot sa mga tanong. Baka hindi rin nila ma-gets ang sagot ko, kung masasagot ko nga nang tama, o lalo lang magpapalawig ng usapan.

Nakikinita-kinita kong ganito ang magiging daloy ng kwentuhan.
Tanong: Sa'n ka na nagtatrabaho ngayon?
Sagot: Aktibista ako.
T: Ganun ba? Bakit? Paano ka naging aktibista?
S: Kasi dinukot ng mga militar ang nanay ko.
T: Ha?! Talaga?! Bakit naman?
S: Nung sumabay s'ya sa byahe nila lolo, hinarang sila ng limang van. 'Yun, dinala sila safehouse sabi ng nakatakas nilang driver. Hanggang ngayon, wala pa rin kaming balita sa kanila.
T: Ha?! Bakit sila dinukot?
S: Target kasi ng gobyerno ang mga kumakalaban sa kanila. 'Yung lolo ko, member ng NDF. Sila 'yung umuupo sa peace talks.
T: Ano 'yung NDF?
S: .... JASIG ...... CARHRIHL ..... CASER .....
T: Ah....

Maglilimang taon na mula nang mawala sila. Mula no'n, naging aktibo na ako sa pagdalo sa mga aktibidad na inilulunsad nila hanggang sa maging volunteer staff. Mula no'n, ang 187 ay naging 206 na mga biktima ng sapilitang pagkawala, ang 863 ay naging 1,206 na mga biktima ng pampulitkang pamamaslang sa administrasyon ni Gloria Arroyo. Mula no'n, hindi pa rin bumaba ang bilang sa panahon ni Noynoy Aquino: 5 na ang nawawala, 45 ang pinatay, 344 ang iligal na inaresto at daan-daang libo ang pwersahang lumikas dahil sa patuloy na operasyong militar sa kanayunan. Mula no'n, wala pa ring napapanagot sa mga paglabag na ito. Mula no'n, wala pa ring ginagawang hakbang ang gobyerno para mabigyan  ng hustisya ang mga biktima. Mula no'n, hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala ang paghikbi. Mula no'n, hanggang ngayon, lagi't lagi, maging ang sarili ko ay sinusubok ang kahandaan kong magpaliwanag. 

Tanong: Sa'n ka na nagtatrabaho ngayon?
Sagot: Human rights worker ako.
T: Ano'ng ginagawa no'n?
S: Mag-document ng pinapatay at dinudukot.
T: Ah...

Kung ganito ang magiging trabaho mo, magkakaroon ka ba ng dahilan para maging masaya?

Hindi namin inasahan ng ate ko na mawawala nang literal si mama sa amin sa ganoong paraan. Oo, dinukot sila ng mga nakamaskara't armadong lalaki, inilayo sa amin, itinago sa amin. Pero sa kabila no'n, sila pa rin ang nagturo sa amin para ngumiti at magpatuloy. Binigyan nila kami ng dahilan para ituloy ang kanilang mga nasimulan. Ang nagpakilala sa aming mga kakayahan higit sa mga inakala naming limitasyon ng aming pag-unlad sa pamamagitan ng pagbabahagi ng aming mga sarili sa iba. Ang nagbukas ng pinto upang ipakilala ang ibang pakahulugan ng 'pamilyang' lampas sa makitid na pagkakahon ng naghaharing sistema.

Lumalaki ang 'pamilyang' kinabibilangan ko. Naalala ko tuloy ang eksena sa mga unang pagkikita: Ako si ____________. Pinatay/Dinukot/Inaresto ang asawa/anak/nanay/tatay/kapatid ko. Naghahanap ako ng ina. May mga inang naghahanap ng anak. Dumadami ang mga tatay ko. Dumadami ang mga kapatid ko.

Kaakibat ng paglaki ng pamilya ang paglaki rin ng bilang ng mga biktima. Hindi nababawasan, nadadagdagan pa nga. Wala pa ring nananagot at mukhang wala ring balak maningil ang pamahalaan. Totoong ngang nakakagalit ang mga 'unang tagpo'. Ngunit ang mga unang tagpo ang nagsisilbing saysay ng aming patuloy na pagtatanggol at pagtataguyod ng karapatan at paghahangad ng katarungan. Ang nagbibigkis sa aming kaisahan.

May dapat akong ihingi ng tawad: sa nanay kong nawawala at sa kapatid kong patuloy na umaasa. Pakiramdam ko kasi, hindi ko na hinahanap si mama. Siguro, iniisip niyang may pumalit na sa kanya. Pakiramdam ko, hindi ko natulungan ang kapatid ko na igpawan ang pagkawala ni mama. Nabigo akong ipakita sa kanya ang mas malaking larawan kung bakit hindi pa rin namin nakikita si mama. Lagi't lagi pa rin akong sinusubok ng aking kahandaang magpaliwanag.

Sana ay magawa ko man lang na ipakilala sa kanya ang mga pambihirang nanay na nakilala ko loob ng limang taong paghahanap. Iba-ibang mukha. May nanay na malakas tumawa sa mga biruan. May iyakin. May masarap magluto. May guro. May madasalin. May inakalang kilala na niya ang kanyang anak ngunit ang pagkawala pala ng anak ang higit na makakapagpakilala. May nanay na tatay.  May naghihintay, may nagparaya. May nanganak sa loob ng kulungan. May nagmamahal. May nagtatanggol. May bagong laya. Iba iba ng mukha ngunit itinulak ng pagkakataon sa isang layon, ang magpalaya.

Hindi pa man namin nakikita ang mga kaanak namin, wala pa mang nananagot sa mga kasalanan, maituturing ng isang malaking tagumpay na makabuo ng 'pamilyang' nakikibaka para sa katarungan.

Ilang oras na lang, paalis na kami.

Ok na ang P300. Gasinong halaga para paunlakan ang imbitasyon nila nanay at ipadamang magkakasama kami sa laban hanggang sa huli.






Friday, June 11, 2010

Pagtawid

June 11, 2010

Sapagka’t hindi na sumasapat
Ang pagsalubong sa tingin mong
Lagi’t lagi’y naghahanap ng kasagutang
Inaapuhap sa mga kaluluwang gaya mo ring
Nangangapa ng pagkalingang
Yayakap sana sa katawan mong
Sinanay sa malalamig na gabing
Pinagkaitan ng mga bitui’t
Dinaklot ng marahas na dilim
Na nagnakaw ng iyong mga ngiting
Hinalinhan ng malalalim na buntong hiningang
Walang humpay na naglalagos
Sa mga templong pahingahan ng mga pusong
Pagal mula sa pagtakas sa madidilim
Na aninong nagbabalat kayong
Tanglaw at liwanag na
Nagpaparoo’t parito sa pagtawid
Sa kulay dugong pusalian
Ng mga nakaw na pangarap at buhay
Kapalit ang kanilang nilalakong
Nirahuyong pag-asa at pangakong
Hindi nakahulagpos sa reyalidad ng
Tanikalang daan taon ng
Ipinalamuti sa leeg mo’t
Unti-unting sumisipsip ng iyong lakas’t
Nagpilit sa iyong hanapin ang
Mga kasagutang nagpatingkad at
Nagpaalab sa digmaan ng mga kontradiksyon
Sa mga kaparanga’t kabukirang
Lalong pinatamis ng pawis
At dugong idinilig sa aanihing
Paalon-along hahalik sa iyong tanaw.

Monday, March 22, 2010

Laro-laro sa facebook chat!

(bunga ng makukulit na salitang kuro nina ipe at piya)
003022010

sana normal ang lahat
pagdampi ng araw sa balat
paghalik sa puyat na mukha
at pagharap sa bagong umaga

kahit walang pandan ang sinaing
kahit walang asin ang pagkain
kahit walang malinis na inumin
o kahit bahaw pa ang kanin
susubukan kong lasapin
ang pagpupunyagi ng mga lumikha nito
ay hindi matatawarang pawis at dugo
na pilit pinipiga
ng walang awang panginoong maylupa
sana normal ang lahat

sana

ngunit alam kong hindi normal
pagkat gutom ang nagbungkal
at mga taga-paglikha
kumakalam ang sikmura
habang ang iila'y nagpapakasasa
sa pagpapakasakit ng iba

hindi man normal ang lahat
may panahon ng pag-aklas
nagagawa ko pa ding ngumiti
may bunga ang pagpupunyagi
matatamis na bungang sa huli ay atin ring aanihin
silangang papupulahin
sambayana'y papalayain
at huhulagpos sa pagkaalipin

Thursday, March 18, 2010

Tita Em

Tita Em

Tinatawag siyang Tita Marie ng karamihan, Tita Em naman kung tawagin naming mga kasama niya. At kung minsan, binabansagan namin siyang Maria, Mother of Perpetual Help at Ina ng Laging Saklolo, kapag nagkakatuwaan kaming mga anak-anakan niya. Wala siyang kapangyarihan. Wala ring espesyal na kakayahan o talento, maliban sa kanyang pagiging swimmer. Kasing ordinaryo ng mga taong malamang ay kabungguan at nakakatulakan ninyo sa MRT tuwing rush hour. Kung sabagay, parati namang rush hour sa kanya. Laging kulang ang 24 oras na ikot ng orasan sa buong maghapon.

Kapag nakita mo siyang umaakyat ng hagdanan, mababakas ang iniindang sakit. May osteoporosis kasi siya. Magkagayon man, parati pa rin siyang may nakahandang ”Good morning” at ”Hi and Hello” sa mga taong nadadatnan niya o kararating palang sa opisinang nagsilbing ikalawang bahay na ng karamihan sa amin. Kung minsan may dala pa siyang pasalubong na makakain.

Dederetso siya sa kanyang lamesa para mag-check ng e-mail, tumingin ng mga mensahe sa telepono at fax, gagawa ng sulat at kung anu-ano pang mga legal na dokumentong ipinapakisuyo niya sa aking i-photocopy ng kung ilang kopya para sa mga pagpapadalhang mga tao. Ang tikas ng kanyang pagkakaupo ay mapapalitan ng pagkabalisa kapag nakabasa ng hindi magandang balita sa kanyang laptop o kompyuter na kumikislap sa kanyang suot na antipara. Sandaling hihimas-himasin ang kanyang noong nagkaguhit na, hindi lang sa tagal niya sa ganitong trabaho, kundi dahil na rin malamang sa pag-ulit-ulit ng mga ganitong pangyayari: may bagong pinatay ng mga miyembro ng militar at/o ’di kilalang mga lalaki’, sa tapat ng piket line, sa may tapat ng pabrika, sa sakahan, sa pulong ng mga magsasaka; may mga bagong dinukot ng mga ’lalaking armado, naka-bonet, naka-shorts o komoplahe, naka-t-shirt ng itim’; sa loob ng bahay ng isang pamilya, sa tapat ng asawa’t mga anak, nagpumiglas, naiwan ang tsinelas; may ilang daang pamilya na naman ng mga lumad ang nagbakwit (evacuate) dahil sa pinalayas ng mga dayuhang nagmimina; may ilang dagdag na naman sa tantos ng mga bilang ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao, pinatay, dinukot.

Sino bang hindi tatanda sa ganitong mga pangyayari? Ilang taon o dekada na ba itong paulit-ulit na nagaganap at hanggang ngayon ay wala pa ring hustisyang nakakamit? Matapos magbasa at magpakalma, babalik ang tikas ng kanyang pagkakaupo. Hindi dapat manghina lalo pa’t may panibagong mga pamilyang umiiyak at mga batang naghahanap ng magulang. Tatawagan niya ang kung sinu-sinong mga personaheng maaaring may kinalaman o maaaring mapagtanungan hinggil sa pangyayari.
Kasama ang kanyang kapatid na si Liliosa

Ilang dekada na ba mula noong siya mismo at kanyang pamilya ay makaranas ng hagupit ng mapanikil na estado? Maaaninag mo sa kanyang mukha kung paanong pilit niyang binubura sa kanyang isip ang brutal na pagkakapatay sa kanyang kapatid, o kung nabura nga ba.

Ito ang hinahangaan ko sa kanya. Hindi lamang sa tawag ng kanyang adbokasiyang pagtatanggol sa karapatang pantao ang kanyang dahilan kung bakit nagpapatuloy. Hinahangaan ko siya kung paanong makiramay sa mga pamilyang naging biktima. Sa mahihigpit na yakap, mararamdaman ang kanyang pakikiisa hindi lamang bilang tagapagtaguyod o pagiging human rights icon ang dahilan. May sinseridad ang bawat haplos at pagpapalakas ng loob. Minsang may pumunta sa aming opisina na kaanak ng biktima, hindi siya nagpakita ng panghihina. Habang naghuhugas ng plato, pabulong-bulong siya, ”’Kala ninyo kayo lang ang nawalan. Nawalan din kami ng kasamahan,” habang nagpupunas ng luha sa kanyang manggas. Hindi matatawaran ang kanyang pagpapahalaga sa mga taong nag-alay ng kanilang buhay para mabago ang lipunan.

Higit pa roon, hindi lang pagdamay ang kanyang ipinadarama sa mga biktima. Ipinaliliwanang niya kung bakit may mga ganitong pangyayari at mula doon ay tuturuan ka niyang lumaban, ikaw mismo, at manindigan para ipagtanggol ang karapatang ipinagkait. Ito ang diwa ng totoong pagtulong.

Sa dinamirami ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, marami ang nagsasabing siguro daw ay manhid na siya. Hindi lang siya marahil nakikita ng mga tao na umiiyak at nagmumura sa galit sa tuwing may mga ganitong kaso. Mas pinipili kasi niyang magpakatibay. Kapag naghuhugas siya ng pinagkainan, makikita mo siyang umiindak-indak habang nakasalpak sa kanyang tenga ang earphones ng kanyang iPod. Mula sa mga kaanak ng mga biktima na natutong lumaban, doon­­­ siya nakakakuha ng lakas at inspirasyon para makapagpatuloy. Dito rin nagkakaroon ng kaganapan, kahit maliliit na tagumpay, ang kanyang ipinaglalaban.

Madalas siyang hatinggabi na kung umuwi mula sa opisina, at kadalasan din ay ako ang pinakikiusapan niyang maghatid sa kanya sa sakayan. Minsang sinamahan ko siya sa pag-aabang ng taxi, nagkaroon ng sagot, kahit hindi man direktang tugon, ang aking mga tanong kung paano niya nagagawang normal at magaan ang kanyang pang-araw-araw na routine.

Habang naglalakad kami palabas ng kalye, isang may kalumaan ng puting taxi ang umibis sa tinutumbok naming kanto. Biniro ko siya, ”Tita Em ’wag ’yan. Bulok!” sabay tawa. Hindi ko inasahan ang kanyang birong sagot, ”Hayaan mo na, HR (Human Rights) naman, e.” na tumutukoy at pagbibigay niya ng kahulugan sa initials na nakapinta sa pintuan ng kakarag-karag na sasakyan. Naisip ko, marahil ang pagsasabuhay ng pagtataguyod ng karapatan para sa mga pamilyang patuloy ng naghahanap ng katarungan, para sa mas malayang lipunan, ang normal para kay Tita Em.

Monday, March 15, 2010

Kahit Ganun


 (mula sa album na Rosas ng Digma vol.2)
(maaring ma-download ang audio file dito)
Kung mayro'ng sapat na mga dahilan
Upang magwakas ang sumpaan
At kung di na rin magkakasundo
Mabuti pang maghiwalay
Ang paglimot ay hindi madali
At sa puso ay masakit, mahapdi
Ngunit ang mahalaga'y buhay tayo
May bukas pang naghihintay


Koro:
Kahit ganun ang nangyari
Sa isip ko'y di maiwawaksi
Masasaya nating mga sandali
Ay di na ba maibabalik
Kahit ano pa ang dumating
Sana'y di naglaho ang pagtingin
Sana'y di tayo nagkahiwalay
Magkasama habang buhay


At kung tayo ay muling magkita
Nang hindi natin sinasadya
Sana'y ituring mong kaibigan ako
Kahit saan pa magtagpo
Di sana nagkalayo tayong dalawa
Sana'y pagkakasundo ang ating naging pasya
Hmmm...


(Koro)


Kung bandang huli ay tayo pa rin
Ang laman ng isip at damdamin
At sigaw ng puso ng isa't isa
Tayo'y muling magsimula
At sigaw ng puso ng isa't isa
Tayo'y muling magsimula

"At lalo kaming nagulat nang matanto naming hindi namin kailangang maghanap ng kasalanan para tapusin lang ang aming relasyon. Puwede namang wakasan ito ng walang galit sa isa't isa, ng walang hintuturong nanduduro ng paninisi, ng walang pagkataong mawawasak, ng walang masasaktan, ng walang kaluluwang mapupunit."
mula sa "KASAL" ni Eli Rueda Guieb III