Tita Em |
Tinatawag siyang Tita Marie ng karamihan, Tita Em naman kung tawagin naming mga kasama niya. At kung minsan, binabansagan namin siyang Maria, Mother of Perpetual Help at Ina ng Laging Saklolo, kapag nagkakatuwaan kaming mga anak-anakan niya. Wala siyang kapangyarihan. Wala ring espesyal na kakayahan o talento, maliban sa kanyang pagiging swimmer. Kasing ordinaryo ng mga taong malamang ay kabungguan at nakakatulakan ninyo sa MRT tuwing rush hour. Kung sabagay, parati namang rush hour sa kanya. Laging kulang ang 24 oras na ikot ng orasan sa buong maghapon.
Kapag nakita mo siyang umaakyat ng hagdanan, mababakas ang iniindang sakit. May osteoporosis kasi siya. Magkagayon man, parati pa rin siyang may nakahandang ”Good morning” at ”Hi and Hello” sa mga taong nadadatnan niya o kararating palang sa opisinang nagsilbing ikalawang bahay na ng karamihan sa amin. Kung minsan may dala pa siyang pasalubong na makakain.
Dederetso siya sa kanyang lamesa para mag-check ng e-mail, tumingin ng mga mensahe sa telepono at fax, gagawa ng sulat at kung anu-ano pang mga legal na dokumentong ipinapakisuyo niya sa aking i-photocopy ng kung ilang kopya para sa mga pagpapadalhang mga tao. Ang tikas ng kanyang pagkakaupo ay mapapalitan ng pagkabalisa kapag nakabasa ng hindi magandang balita sa kanyang laptop o kompyuter na kumikislap sa kanyang suot na antipara. Sandaling hihimas-himasin ang kanyang noong nagkaguhit na, hindi lang sa tagal niya sa ganitong trabaho, kundi dahil na rin malamang sa pag-ulit-ulit ng mga ganitong pangyayari: may bagong pinatay ng mga miyembro ng militar at/o ’di kilalang mga lalaki’, sa tapat ng piket line, sa may tapat ng pabrika, sa sakahan, sa pulong ng mga magsasaka; may mga bagong dinukot ng mga ’lalaking armado, naka-bonet, naka-shorts o komoplahe, naka-t-shirt ng itim’; sa loob ng bahay ng isang pamilya, sa tapat ng asawa’t mga anak, nagpumiglas, naiwan ang tsinelas; may ilang daang pamilya na naman ng mga lumad ang nagbakwit (evacuate) dahil sa pinalayas ng mga dayuhang nagmimina; may ilang dagdag na naman sa tantos ng mga bilang ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao, pinatay, dinukot.
Sino bang hindi tatanda sa ganitong mga pangyayari? Ilang taon o dekada na ba itong paulit-ulit na nagaganap at hanggang ngayon ay wala pa ring hustisyang nakakamit? Matapos magbasa at magpakalma, babalik ang tikas ng kanyang pagkakaupo. Hindi dapat manghina lalo pa’t may panibagong mga pamilyang umiiyak at mga batang naghahanap ng magulang. Tatawagan niya ang kung sinu-sinong mga personaheng maaaring may kinalaman o maaaring mapagtanungan hinggil sa pangyayari.
Kasama ang kanyang kapatid na si Liliosa |
Ilang dekada na ba mula noong siya mismo at kanyang pamilya ay makaranas ng hagupit ng mapanikil na estado? Maaaninag mo sa kanyang mukha kung paanong pilit niyang binubura sa kanyang isip ang brutal na pagkakapatay sa kanyang kapatid, o kung nabura nga ba.
Ito ang hinahangaan ko sa kanya. Hindi lamang sa tawag ng kanyang adbokasiyang pagtatanggol sa karapatang pantao ang kanyang dahilan kung bakit nagpapatuloy. Hinahangaan ko siya kung paanong makiramay sa mga pamilyang naging biktima. Sa mahihigpit na yakap, mararamdaman ang kanyang pakikiisa hindi lamang bilang tagapagtaguyod o pagiging human rights icon ang dahilan. May sinseridad ang bawat haplos at pagpapalakas ng loob. Minsang may pumunta sa aming opisina na kaanak ng biktima, hindi siya nagpakita ng panghihina. Habang naghuhugas ng plato, pabulong-bulong siya, ”’Kala ninyo kayo lang ang nawalan. Nawalan din kami ng kasamahan,” habang nagpupunas ng luha sa kanyang manggas. Hindi matatawaran ang kanyang pagpapahalaga sa mga taong nag-alay ng kanilang buhay para mabago ang lipunan.
Higit pa roon, hindi lang pagdamay ang kanyang ipinadarama sa mga biktima. Ipinaliliwanang niya kung bakit may mga ganitong pangyayari at mula doon ay tuturuan ka niyang lumaban, ikaw mismo, at manindigan para ipagtanggol ang karapatang ipinagkait. Ito ang diwa ng totoong pagtulong.
Sa dinamirami ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, marami ang nagsasabing siguro daw ay manhid na siya. Hindi lang siya marahil nakikita ng mga tao na umiiyak at nagmumura sa galit sa tuwing may mga ganitong kaso. Mas pinipili kasi niyang magpakatibay. Kapag naghuhugas siya ng pinagkainan, makikita mo siyang umiindak-indak habang nakasalpak sa kanyang tenga ang earphones ng kanyang iPod. Mula sa mga kaanak ng mga biktima na natutong lumaban, doon siya nakakakuha ng lakas at inspirasyon para makapagpatuloy. Dito rin nagkakaroon ng kaganapan, kahit maliliit na tagumpay, ang kanyang ipinaglalaban.
Madalas siyang hatinggabi na kung umuwi mula sa opisina, at kadalasan din ay ako ang pinakikiusapan niyang maghatid sa kanya sa sakayan. Minsang sinamahan ko siya sa pag-aabang ng taxi, nagkaroon ng sagot, kahit hindi man direktang tugon, ang aking mga tanong kung paano niya nagagawang normal at magaan ang kanyang pang-araw-araw na routine.
Habang naglalakad kami palabas ng kalye, isang may kalumaan ng puting taxi ang umibis sa tinutumbok naming kanto. Biniro ko siya, ”Tita Em ’wag ’yan. Bulok!” sabay tawa. Hindi ko inasahan ang kanyang birong sagot, ”Hayaan mo na, HR (Human Rights) naman, e.” na tumutukoy at pagbibigay niya ng kahulugan sa initials na nakapinta sa pintuan ng kakarag-karag na sasakyan. Naisip ko, marahil ang pagsasabuhay ng pagtataguyod ng karapatan para sa mga pamilyang patuloy ng naghahanap ng katarungan, para sa mas malayang lipunan, ang normal para kay Tita Em.
No comments:
Post a Comment
"May Angal?"