Nakahanda na ang bag ko para sa swimming. Hindi naman ako masyadong excited. Ang totoo niyan, nagdalawang isip pa ako kung sasama nga ako. May kamahalan ang P300. Pwede ng pandagdag na pang-down payment sa kukunin kong kwarto pamalit sa nasunog (o sinunog) naming inuupahan. O pangkain. Pamasahe. O pang-yosi at kape. Luho mang matatawag ang huli, gasino na lang din naman talaga ang mabibili mo sa halagang 'yon. Parang pag-aabang lang ng jeep sa gabi; makakailang istik ka muna ng yosi sa paghihintay, makakailang hithit ka pa bago tuluyang pumara sa kinatatayuan mo, manghihinayang ka sa naitapong sigarilyong may dalawa o tatlong hithit pa dahil maling jeep ang papara, pero kasimbilis ng muli mong pagsindi ng yosi ang pag-ibis nito palayo.
Sa mahal ng bilihin ngayon, kahit iyong mga taong may matatawag talagang sahod o sweldo, hindi rin makakaligtas sa paghihigpit ng sinturon at muling paghihigpit na sinasabi ng Malacanang. Sa sobrang paghihigpit, hindi ka na makakahinga. Magandang sunggaban ang mga ganitong pagkakataon para makapag-relaks man lang kahit papaano. Makabawas man lang ng tensyon at makapag-recharge kahit overnight lang.
Ilang taon na rin mula nang magkaroon ng ganitong pagtitipon ang mga katrabaho at kaopisina ko. Hindi. Hindi ako nag-apply sa trabahong 'to. Madalas, kapag nagkikita kami ng mga kakilala o mga dating kaeskwela at kapag nagtanong kung ano o saan ako nagtatrabaho, sasagutin ko ang mga tanong ng patanong din: Trabaho nga ba 'yun? Ewan. Sabay tawa. Sabay paglilihis ng usapan para hindi na maukilkil pa. Nagmimistulang tulay sa rumaragasang ilog ang retorikang tanong-sagot ko mairaos lang ang kiming sagot sa mga tanong. Baka hindi rin nila ma-gets ang sagot ko, kung masasagot ko nga nang tama, o lalo lang magpapalawig ng usapan.
Nakikinita-kinita kong ganito ang magiging daloy ng kwentuhan.
Tanong: Sa'n ka na nagtatrabaho ngayon?
Sagot: Aktibista ako.
T: Ganun ba? Bakit? Paano ka naging aktibista?
S: Kasi dinukot ng mga militar ang nanay ko.
T: Ha?! Talaga?! Bakit naman?
S: Nung sumabay s'ya sa byahe nila lolo, hinarang sila ng limang van. 'Yun, dinala sila safehouse sabi ng nakatakas nilang driver. Hanggang ngayon, wala pa rin kaming balita sa kanila.
T: Ha?! Bakit sila dinukot?
S: Target kasi ng gobyerno ang mga kumakalaban sa kanila. 'Yung lolo ko, member ng NDF. Sila 'yung umuupo sa peace talks.
T: Ano 'yung NDF?
S: .... JASIG ...... CARHRIHL ..... CASER .....
T: Ah....
Maglilimang taon na mula nang mawala sila. Mula no'n, naging aktibo na ako sa pagdalo sa mga aktibidad na inilulunsad nila hanggang sa maging volunteer staff. Mula no'n, ang 187 ay naging 206 na mga biktima ng sapilitang pagkawala, ang 863 ay naging 1,206 na mga biktima ng pampulitkang pamamaslang sa administrasyon ni Gloria Arroyo. Mula no'n, hindi pa rin bumaba ang bilang sa panahon ni Noynoy Aquino: 5 na ang nawawala, 45 ang pinatay, 344 ang iligal na inaresto at daan-daang libo ang pwersahang lumikas dahil sa patuloy na operasyong militar sa kanayunan. Mula no'n, wala pa ring napapanagot sa mga paglabag na ito. Mula no'n, wala pa ring ginagawang hakbang ang gobyerno para mabigyan ng hustisya ang mga biktima. Mula no'n, hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala ang paghikbi. Mula no'n, hanggang ngayon, lagi't lagi, maging ang sarili ko ay sinusubok ang kahandaan kong magpaliwanag.
Tanong: Sa'n ka na nagtatrabaho ngayon?
Sagot: Human rights worker ako.
T: Ano'ng ginagawa no'n?
S: Mag-document ng pinapatay at dinudukot.
T: Ah...
Kung ganito ang magiging trabaho mo, magkakaroon ka ba ng dahilan para maging masaya?
Hindi namin inasahan ng ate ko na mawawala nang literal si mama sa amin sa ganoong paraan. Oo, dinukot sila ng mga nakamaskara't armadong lalaki, inilayo sa amin, itinago sa amin. Pero sa kabila no'n, sila pa rin ang nagturo sa amin para ngumiti at magpatuloy. Binigyan nila kami ng dahilan para ituloy ang kanilang mga nasimulan. Ang nagpakilala sa aming mga kakayahan higit sa mga inakala naming limitasyon ng aming pag-unlad sa pamamagitan ng pagbabahagi ng aming mga sarili sa iba. Ang nagbukas ng pinto upang ipakilala ang ibang pakahulugan ng 'pamilyang' lampas sa makitid na pagkakahon ng naghaharing sistema.
Lumalaki ang 'pamilyang' kinabibilangan ko. Naalala ko tuloy ang eksena sa mga unang pagkikita: Ako si ____________. Pinatay/Dinukot/Inaresto ang asawa/anak/nanay/tatay/kapatid ko. Naghahanap ako ng ina. May mga inang naghahanap ng anak. Dumadami ang mga tatay ko. Dumadami ang mga kapatid ko.
Kaakibat ng paglaki ng pamilya ang paglaki rin ng bilang ng mga biktima. Hindi nababawasan, nadadagdagan pa nga. Wala pa ring nananagot at mukhang wala ring balak maningil ang pamahalaan. Totoong ngang nakakagalit ang mga 'unang tagpo'. Ngunit ang mga unang tagpo ang nagsisilbing saysay ng aming patuloy na pagtatanggol at pagtataguyod ng karapatan at paghahangad ng katarungan. Ang nagbibigkis sa aming kaisahan.
May dapat akong ihingi ng tawad: sa nanay kong nawawala at sa kapatid kong patuloy na umaasa. Pakiramdam ko kasi, hindi ko na hinahanap si mama. Siguro, iniisip niyang may pumalit na sa kanya. Pakiramdam ko, hindi ko natulungan ang kapatid ko na igpawan ang pagkawala ni mama. Nabigo akong ipakita sa kanya ang mas malaking larawan kung bakit hindi pa rin namin nakikita si mama. Lagi't lagi pa rin akong sinusubok ng aking kahandaang magpaliwanag.
Sana ay magawa ko man lang na ipakilala sa kanya ang mga pambihirang nanay na nakilala ko loob ng limang taong paghahanap. Iba-ibang mukha. May nanay na malakas tumawa sa mga biruan. May iyakin. May masarap magluto. May guro. May madasalin. May inakalang kilala na niya ang kanyang anak ngunit ang pagkawala pala ng anak ang higit na makakapagpakilala. May nanay na tatay. May naghihintay, may nagparaya. May nanganak sa loob ng kulungan. May nagmamahal. May nagtatanggol. May bagong laya. Iba iba ng mukha ngunit itinulak ng pagkakataon sa isang layon, ang magpalaya.
Hindi pa man namin nakikita ang mga kaanak namin, wala pa mang nananagot sa mga kasalanan, maituturing ng isang malaking tagumpay na makabuo ng 'pamilyang' nakikibaka para sa katarungan.
Ilang oras na lang, paalis na kami.
Ok na ang P300. Gasinong halaga para paunlakan ang imbitasyon nila nanay at ipadamang magkakasama kami sa laban hanggang sa huli.
No comments:
Post a Comment
"May Angal?"