Sunday, September 06, 2009

"Na-Carried Away Lang"

009005009

Hindi natural sa akin ang magalit. Hangga't maaari, pinipigil ko ang aking sarili na pumatol o intindihin ang mga elementong makapag-uudyok at makapagpapasiklab nito.

Ayaw kong magalit dahil unang-una, hindi maganda sa pakiramdam. Ayaw ko ng ganitong klaseng pakiramdam. Hindi mapakali. Hindi makatulog. Ikatlo, gaya ng nasabi ko na, hindi natural sa akin ito. Nagiging ibang tao ako. Nagiging masama, literal. Bayolente. At lahat na ata ng mga salitang mapupulot sa kung saang kalaliman ng impyerno ay maririnig mo sa akin. Resulta: nasisira ang relasyon at ugnayan sa mga taong nakapaligid; mas malala sa pagkasira ng pisikal na katawan base na rin sa paliwanag ng siyensya, pangalawa lamang ito.

Pero kung tutuusin, may buti ring nagagawa ang pagkagalit nang minsan. Malaking factor nito ay ang pagiging tao (natin). Buhay tayo, at hindi maaaring hindi natin ito maramdaman, sa iba't ibang lebel man: inis, asar, yamot, galit, poot, suklam at kung anu-ano pang tawag at termino. Bahagi rin ito ng pag-e-exercise natin sa ating emosyon, bilang patunay na buhay tayo at nararamdaman natin ang paligid/lipunang ginagalawan natin.

Iniwan ako ng taong inakala kong magiging katuwang ko. Ng aking mahal? Hindi ko na gustong gamitin ang terminong 'mahal'. Walang kabuluhan ang salitang ito kung hindi nakikita at nararamdaman. Kaya ipinakita ko, ipinadama ko, ginawa ko. Para malaman niyang mahal ko siya. 'Yun nga lang, sabi nga ni James Ingram, "I did my best, but I guess my best wasn't good enough." Iniwan niya pa rin ako; mag-isa, sa isang digmaang sa simula pa'y wala ng layon na ipagwagi.

Kunsabagay, ngayon ko lang naisip, sa simula pa hindi ko na naramdamang handa niya akong ipaglaban. Hindi ko siya masisisi. Ayaw ko nang manisi. Baka sinubok rin niyang mahalin ako, 'yun nga lang nagpakatanga ako. Naniwala.

Kaya galit ako.

Dahil na-i-insecure ako sa mga taong mas malakas sa akin, dahil mahina ako. Galit ako sa mga taong kayang lagyan ng hangganan at limitasyon kung hanggang kailan lang sila pwwedeng magmahal.

Kaya galit ako.

Dahil sa kabila ng pagpapakababa at pagmamakaawa, inakala kong kaya akong iahon ng taong mas malakas sa akin. Kaya sinaktan ko ang aking sarili. Dahil galit ako sa sarili ko at nagsisisi akong baka hindi ko naibigay ang pagmamahal na hinahanap niya. Inakala kong pipigilan niya ako, pero hindi.

Kaya galit ako.

Dahil nagawa ko siyang saktan at nagagalit ako sa sarili ko dahil sinaktan ko siya. Akala ko kasi, sa pamamagitan no'n ay mararamdaman niya ang sakit na nararamdaman ko. Pero hindi. Ako pa rin ang mali.

Hahayaan ko lang munang kumawala ang emosyong kinikimkim. Hahayaan ko munang lunurin ang damdamin hanggang sa ako mismo ang hindi na makahinga at pilit umapuhap ng pagbangon mula sa pagkakalugmok. Hahayaan ko munang kumalat ang sarili. Hanggang sa ako mismo ang bumuo nito, dahil wala na ang taong inasahan kong tutulong sa pagbuo nito.

No comments:

Post a Comment

"May Angal?"