Sunday, August 09, 2009

“Tita Cory”

Prominenteng ngiti ang taglay ng babaeng nakadilaw. Halos pumikit na ang kanyang mga talukap sa pagkakangiti ng chinitang mga mata sa likod ng kanyang malalapad na salamin. Nakalapat ang kanyang mga palad sa kanyang kandungan, tanda ng kanyang pagkamahinahon. Sa likod ng silyang kahoy na may mga eleganteng ukit kung saan panatag ang kanyang pagkakaupo, ay ang bandila at ang Sagisag ng Pangulo ng Pilipinas.

“Corazon Cojuangco – Aquino 1986-1992” pagpapakilala ng kwadro, pagsasaad ng panahon ng kanyang panunungkulan. Katabi ang iba pang kwadrong may larawan ng iba’t ibang personahe. Mga dakila. Magkakatulad ang disenyo sa kanilang likuran. Bukod tangi siyang babae.

Labing limang taon na ang nakalilipas mula nang makita ko ang mga kwadrong iyon noong unang pagpasok ko sa paaralan. Ilang buwan pa lang ang nagdaan mula nang huli ko siyang mapanood sa telebisyon. Malayung-malayo na ang kanyang anyo mula sa kanyang nakakwadrong larawang nakasabit sa pader ng una kong silid-aralan. Maliban sa kanyang ngiti, sa kanyang salamin at sa kulay dilaw, mababakas sa kanya ang pagkupas ng dalawang dekadang nagdaan na mas pinabilis ng kanyang sakit na kanser.

Gaya ng inaasahan na, di naglaon ay pumanaw nga si Tita Cory. Kapansin-pansin ang mabilis at sistematikong media coverage ng mga istasyon at publikasyon. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na baka ipinagdasal nila ang mabilis niyang pagpanaw. Parang pelikula. Handang-handa na ang mga video tribute para sa yumao. Patok sa takilya.
Apektado ang buong sambayanan. Parang epidemya sa bilis ng pagkalat. Ilang araw pa lamang ang nagdaan, hindi nakaligtas ang aming klase sa epidemya nang sabihin ng aming guro na gumawa kami ng sanaysay tungkol sa dating pangulo. Sino si Cory sa sarili naming punto de bista?

”Anak ng tokwa! Kung kailan namatay ’saka pa ’ko pinahirapan.” naibulong ko.

Sino nga ba si Cory? Ni hindi ko nga namalayang siya pala ang presidente ng bansa nang ako ay ipinanganak. Sasapat bang sabihin na siya ang ika-labing isang pangulo ng republika? Na siya ang presidente pagkatapos ni Marcos at bago si Ramos? Na siya ang may-bahay ng pinaslang na si Ninoy? Ang ina ni Kris? Na siya ang mukha ng EDSA Revolution a.k.a People Power a.k.a EDSA I? Higit pa rito ang kahingian ng punto de bista. Bigo rin ang mga leksyon sa akademikong paaralan para siya ay ipakilala. Hindi maaaring sabihing kahinaan ito ng mga guro. May sariling tala ang kasaysayan. May mga hindi nabanggit o sadyang hindi binanggit. Pero teka, sino nga ba ang nagsulat ng kasaysayan? ”Mag-research kayo,” sabi ni sir.

Aha! Babalikan ko ang kanyang necrological service. Baka sakaling makilala ko nang mas malalim si Tita Cory mula sa malalapit niyang kaibigan. ”Mabait siya,” sabi ng isang senador. ”Mahilig siya sa dilaw,” sabi ng isang mambabatas. ”Kulot siya,” sabi ng isang artista. Ayan, kahit papaano’y alam ko na mabait siya, mahilig siya sa kulay dilaw at kulot siya. ”Mag-research kayo,” sabi ni sir.

”Kung kailan namatay ’saka pa ’ko pinahirapan.”

Tanungin ko kaya si Kris? Teka, anong araw ba ngayon? Saan ba siya uuwi? Itatanong ko sa anak niya, kaya lang abala sa sarili n’yang mundo ’yon. Si senador Noynoy na lang. Kaya lang, baka lasing ’yon. Baka magwala na naman. Baka pagmumurahin din ako, mukha pa naman akong sakada. Patay na kasi si Ninoy, e. Bakit kaya hindi nabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Ninoy kahit nasa estado poder na si Tita Cory? Tanungin ko kaya ang pinsan niyang si Danding? Baka sakaling kilala n’un ang nagpapatay. Mas madali sana kung nakakapagsalita lang ang mga alahas ni Kris na katas daw ng Hacienda Luisita. Masyadong showbiz, maintriga. Baka kasuhan ako ng libelo.
”Kung kailan naman namatay ’saka pa ’ko pinahirapan.”

Tanungin ko kaya si Lean Alejandro tungkol sa edukasyon ng mga kabataan? Tanungin ko kaya si Lando Olalia tungkol sa mga batayang karapatan ng mga manggagawa? Dalawang dekada na kasing hindi nakakauwi ng bahay si Armando Portajada. Maganda sana siyang mapagtanungan hinggil sa kalagayan ng mga unyon sa mga pabrika. Pumunta kaya ako sa Lupao, Nueva Ecija at hanapin ang mga kaanak ng mga magsasakang minasaker? Nakapagbigay ba ng lupa ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa mga magsasakang minasaker sa Mendiola? Kung tanungin ko na lang kaya ang mga sundalong Kano, ”What can you say about Pres. Cory voting YES for the return of the comeback of US military bases here in the Philippines?” Kaya lang baka mag-nose bleeding at magka-sore throat ako kaka-ingles. ‘Wag na lang. masyado pa lang masaklaw kung isyung panlipunan ang titingnan. ”Mag-research kayo,” sabi ni sir.

”Kung kailan naman talaga namatay ’saka pa ’ko pinahirapan.”

Ang pagbaha ng tao sa lansangan ay pagbaha rin ng emosyon. Pagbaha ng luha mula sa pinauulang dilaw na confetti. Maraming tao mula sa mga nakikipaglibing ang maaari sanang mapagtanungan. Kaya lang, mukhang lunod pa sila sa pagluluksa. Nadaig ang lakas ng mga hampas ng alon sa Manila Bay ng mga hiyawang ”Cory! Cory!” Hindi rin nila ako maririnig. At sa tantya ko, hindi rin nila maririnig ang sinasabi na ”Mag-research kayo,” na sinasabi ni sir.

Malaking hakbang sana ang pagtindig ni Tita Cory laban sa pasismo ng diktadurya ni Marcos. Ang problema, patuloy lamang na naghari ang mga naghaharing-uri. Mas may katig sa mga ito kumpara sa mga taong inidolo at nagturing sa kanyang ina ng demokrasya. Hindi na siya nakawala sa kwadrong nilikha ng elitistang demokrasya.

Hanggang sa huli ay hindi ko nakilala si Tita Cory. Nanatili siyang nasa tugatog ng demokrasyang para kanino? Tinitingala. Sa sobrang tayog, kailanma’y hindi masasaling ng mamamayang nagluklok at naniwala sa kanya.

Hindi ko alam kung saan makakarating ang gawa ko. Susulatan ko na lang si sir na kung maaari, pakihinaan ang pagbato sakaling i-derecho n’ya sa mukha ko, matapos basahin, ang nilamukos kong sanaysay.

Paalam Tita Cory!

(isang sanaysay para sa pagkamatay ng dating pangulong Cory. Paalam.)
(assignment pa rin! wahaha!)

”Limay, Bataan”

(hindi ako sigurado kung ikatlong assignment namin ito sa fil25 pa rin)

Malakas na kalabog ang gumising sa aking pagkakahimbing. Naalimpungatan ako. Wala namang sigawan, liban sa mga pigil na tili, o kung ano mang kaguluhan na dapat ikabahala, naisip ko, nang silipin ko ang aking mga kasamahan na nagsisipagdungaw sa bintana. Sinikap kong bumalik sa pagtulog. Hindi pa kasi ako (o mas tamang sabihing ’kami’) nakakabawi mula sa mga nagdaang linggo ng paghahanda para dito sa ’malaking gawain’ namin. Ilang minuto pa ng paghihintay sa pag-andar ng bus na aming sinasakyan, ngunit hindi na ito muling umusad pa. Nang muli kong idilat ang aking mata, wala na ang aking mga kasamahan. Napahiya ako sa aking hitsura. Nakarating na pala kami sa aming destinasyon at nakababa na rin sila, ako na lang ang naiwan, kasama ng ilang mga kagamitang ilang linggo rin naming pinaghandaan para dito sa itinakdang araw.

Nag-inat-inat pa ako pagtapak sa lugar na iyon. Mas masarap ang hangin sa labas kumpara sa artipisyal na ginaw na hinihinga ng malaking kahong de gulong. Hindi na bago sa akin ang lugar. Dulot lang din ng kalikasan ang kaunting ipinagbago nito. Tuyo ang mga damo noong palihim namin itong pinasok noong tag-init. Ilang buwan pa lamang ang nakalilipas ngunit heto’t nagtaasan na ang mga talahib. Nagpuputik na rin ang lupa dahil sa pag-ulan-ulan noong mga nakaraang araw, kaiba noong nagbibitak-bitak sa sobrang init.

Ang ilan ay nag-umpukan sa kanang tagiliran ng bus. Nabalaho pala ang aming sasakyan at tumama ang kaha nito sa malaking bato. Dahilan para ma-deporma ang kaha nito. Malalim ang pagkakalubog kaya’t inisa-isa na naming ibaba ang aming mga gamit, para na rin makabawas ng bigat nang hindi mahirapan ang mga nagtutulak para maiahon ang bus.

’Pangalawa na ’to!’ biro namin na tumutukoy sa inarkilang bus. Bukod kasi sa disgrasyang inabot ay nahuli pa sa oras ng pagsundo sa amin.

Sa gitna ng tawanan, isang nanay ang bukod tanging umiiyak. Napanaginipan daw kasi niya ang kanyang anak na si Karen Empeño habang papunta kami sa lugar na iyon. Umiwas ako. Natakot akong baka ’bumigay’ na naman ako. Tama nang naitago ko ang aking emosyon noong palihim kaming nagtungo sa lugar na minsang tinawag kong ’impyerno’.

’Impyerno’ dahil sa likod ng magandang tanawing iniaalok ng kapaligiran, sa gitna ng mayayabong na punong mangga at iba pang bungang kahoy, sa pusod ng malawak na kaparangang kinakawayan ng dalawang bundok sa magkabilang gilid, sa kabila ng nang-eengganyong pangalang ”Brgy. Bliss” (na sa pakahulugan ay ’lubos na kaligayahan’), sa likod ng maskara ng katahimikan at kapayapaan ng payak na baranggay, nagkukubli ang isang lugar na dating kinatatayuan ng isang kampo-militar. Ang kampong isa sa mga pinagdalhan sa dalawang UP students na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan kasama ang magsasakang si Manuel Merino, at ng kung ilan pang mukha ng walang awang pagpapahirap ng mga taong nanumpang magsisilbi at magtatanggol sa mamamayan.

Hindi nagmula sa kawalan ang inisyatiba ng pagbalik sa abandonadong kampo. Isang sugal ang patagong pagpunta sa lugar. May katagalan na mula nang lisanin ng mga sundalo ang dating kampo ng 24th Infantry Battalion. May pagdududa pa rin kami kahit may mga bakas pa ang mga tinibag na sementong tanda ng mga istruktura sa bakanteng lote na iyon. Ngunit nawala ang pagdududa ng panakaw na pagpasok nang kumpimahin, na iyon nga ang lugar na pinagdalhan sa kanilang magkapatid, ni Raymond Manalo, isa sa mga nakatakas at nakaligtas mula sa pagkakabihag ng mga sundalo. Isinalaysay niyang nakasama nilang magkapatid ang dalawang UP students kasama ang magsasakang si Manuel Merino. At nasaksihan din nila nang patayin ang huli, di kalayuan mula sa kubong kanilang kulungan.

Kasama ang ibang kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala, magkakasama naming binalikan ang lugar. Isang tumpak na lugar ang aming hahanapin. Mabigat para sa isang survivor na balikan ang gabi kung kailan sapilitang inilabas si ’Tay Manuel mula sa kanilang kulungan. Masakit kwentahin ang ilang metrong pagitan mula sa siwang na kanilang sinilipan hanggang sa lugar kung saan sinasabing nakita nila ang liwanag ng nagliliyab na apoy. Na sa bandang huli ay napag-alaman nilang magkapatid na ito na pala ang nasusunog na bangkay ng kawawang magsasaka.

Hindi naging madali ang aming paghahanap. Matapos maisaayos ang aming mga gamit, matapos ang mabilisang pagtatayo ng kani-kaniyang tent, matapos ang maiksing briefing at pagtitiyak ng hatian sa mga gawain, tatlong hukay ang agad na sinimulan para hanapin ang mga bangkay na inilibing ng mga militar. Sa ikalawang hukay ako natokang manguha ng larawan ng mga posibleng ebidensya, katabi ng unang hukay. Marami kaming nakitang mga bakas ng pagkasunog, mga basura. Ayon sa mga nakausap naming tagaroon na kinuha para makatulong sa paghuhukay, dating tambakan ng basura ang lugar ng ikalawang hukay.

At lumipas ang buong maghapon na wala kaming nakita. Kakatwa dahil kinabahan ako na baka wala kaming mahukay, na kung tutuusin ay mas mainam dahil mangangahulugang mali ang hinala ng magkapatid na ang magsasakang si Tay Manuel ang nakita nilang nagliliyab nang gabing iyon. ’Baka buhay pa siya,’ naisip ko. Sa pagpapaalam ng araw, nagpaalam na rin ang ibang kaanak ng biktima na naghihintay, nakikihanap.
Sumakit ang ulo ng aming saksi. Dulot pa rin ng trauma ang kanyang ligalig sa lugar. Kinausap siya ng kasama naming anthropologist. Nag-uusisa. Pilit pinaaalala kay Raymond ang nangyari noong gabing sapilitang inilabas sa kanilang kulungan. Gomang dilaw na tsinelas daw ang suot ng magsasaka noong huli nila itong makita. Pareho pa rin ang kanyang itinuturong lugar kung saan nila nakita ang maliwanag na pagliliyab.

Nang magkaroon ng pagkakataon, kinamusta ko ang lagay ni Raymond. Hinayaan ko siyang magkwento ng kanilang mga karanasan sa lugar na nagsilbing sanktuwaryo ng kanilang paghihirap. Itinuro rin niya sa akin ang lugar kung saan sila dating pinagtatanim ng gulay ng mga sundalo. Ibinahagi niya ang kanilang mga biruan at asaran, at maging ang kanilang supaang magpapatuloy ang sinuman sa kanilang makakalabas sa isinumpang lugar.

Dama ko pa rin ang bigat ng unang pagpunta sa lugar. Parang naririnig ko pa rin ang mga sigaw ng pagmamakaawa at pagpapahirap ng mga biktimang minsan ay namalagi roon. Dagdag pa ang malakas na hangin at ulan na nakiramay sa aming pagkabigo sa paghahanap ng aming pakay. Sinubok kami ng panahon kung hanggang kailan kami tatagal sa lamig, sa paghahanap. Pero ang misyon ay kailangang ipagpatuloy. Sumilong ang aming grupo sa malaking tent na nakalaan para sa mga gamit. Kahit babad na sa ulan, kanya-kanya pa rin kaming paraan para lamang maisalba ang aming mga kagamitan. Buo pa rin ang grupo. Walang pinanghinaan sa aming pagkabigo. Hatinggabi na nang matapos ang sungit ng panahon. Kailangan nang magpahinga. Kailangan pa ring ipagpatuloy ang paghahanap.

Gaya ng napagkasunduan, sinimulan naming muli ang paghuhukay. Huling araw na namin, may makita man kami o wala. Itinigil na ang paghuhukay sa ikalawa at ikatlong hukay. Pagtuunan na lamang daw namin ang una kung saan nakita nina Raymond ang pagliliyab.

Hindi pumatak ang tanghali, napasigaw ang kasama naming anthropologist nang matuklap ang isang dilaw na gomang tsinelas. May sunog sa bandang sakong at puno na hinlalaki. Agad ding sinimulan ang pagpili at pagsisinop ng maliliit na maaaring buto ng tao. Wala na ang malalaking bahagi. Ayon sa doktor, bilang tao, masasabi niyang buto iyon ng tao, pero bilang doktor, kailangan pa ring idaan sa proseso para patunayang ang mga iyon nga ay buto ng tao. Mahihirapan na rin daw makakuha ng DNA sa sobrang pagkasunog ng mga buto.

Halong emosyon ang naramdaman ng bawat isa sa amin. Masaya dahil nagtagumpay kami sa aming misyon, masaya dahil napatunayang totoo ang sinasabi ng saksi, malungkot dahil nangangahulugang patay na si Tay Manuel, higit sa lahat, galit ang namayani para sa mga taong naka-komoplaheng nagkukubli sa ilang at handang manila.

Bago lisanin ang lugar, nag-alay ng isang misa ang aming grupo para mabigyan, kahit papaano, ng maayos na libing si Tay Manuel. Mula sa pinagkrus na mga sanga ay gumawa kami ng tanda sa puntod. Namitas rin kami ng mga bulaklak mula sa mga ligaw na halaman para ialay sa taong dalawang taon naming hinanap. Palibot kaming pumwesto sa libingan nang simulan ang ritwal ng pamamaalam at pangako ng patuloy na paghahanap ng katarungan. Hiningan ng mensahe si Raymond ngunit tanging pagdilig ng luha ang kanyang ipinaabot sa taong nagsilbing ama.

Umaawit ang ihip ng hanging namamaalam. Kumakaway ang mga punong naging piping saksi sa karahasan. Tanda ng pasasalamat sa pagkakaroon ng katuparan ng mga pangakong binitiwan.

”Liham Pangungumusta”

”Liham Pangungumusta”
Kamusta ka na?
Nagulat ka ba sa biglaan kong pagsulat? Sana lang ay hindi makaabala sa’yo ang pangugumusta ko. May katagalan na rin kasi mula nung huli tayong nagkakwentuhan.

Mahirap nang magbilang kung ilang taon na nga ba ang lumipas.

Nung nakaraan, nakita ko ’yung picture mo nung recognition day noong grade 4 tayo. Natawa ako sa hitsura mo. Nakasimangot ka habang sinasabitan ka ng nanay mo ng ribbon bilang most outstanding pupil ng inyong section. Pinagbawalan mo akong batiin ka. Ikinatwiran mo sa akin na hindi ka naman matalino. ’Kamo, nagkataon lang na naging masipag ka sa pag-aaral. Higit pa sana roon ang gusto kong i-congratulate sa’yo. Noon kasing magkasabay tayong pumasok sa elementarya, lagi mong sinasabing naiinggit ka sa ibang estudyanteng hatid-sundo ng mga nanay nila. Lagi kang nagtatanong kung mahal ka ba ng nanay mo. Pero nung nagkaroon ka ng award, kita sa mga ngiti mo ang kasiguruhang mali ang iyong mga pagdududa.

Ang pagtungtong sa hayskul ay nag-alok ng panibagong kabanata. Ngunit hindi ka tuluyang nagpaanod sa pagbabago ng panahon. Mahilig ka pa ring mag-isa.mas pinipili mo pang maglagi sa loob ng inyong bahay kaysa sumama sa mga kaklase mo sa pamamasyal sa mall o sa pagpa-party. Kaya nagulat ako isang araw, niyaya mo akong mamasyal. Ngunit sa aking pagkamangha, ang inakalang pamamasyal sa mall ay pamamasyal pala sa parke. Habang tayo ay naglalakad, dumukot ka sa iyong bulsa at nagsindi ng isang istik ng sigarilyo. Napipi ako sa nakitang bago mong ’kaibigan’. Siguro nga ay magaling kang makiramdam, binasag mo ang ating pananahimik, ”Nag-aaral pa lang ako. Masarap palang kasama ang sigarilyo sa pag-iisa. At saka, bawal magsigarilyo sa loob ng mall.” Inakala kong baka anti-social ka. Minsang naimbitahan tayo sa isang pagtitipon at hindi ka nakatanggi, palihim kang pumasok at naupo lang salikod. Madalas kang magbiro at magpatawa. Lagi’t lagi ring ang masayang ikaw ang nakikita nila sa tuwing ikaw ay nakikipagkuwentuhan. Kaya hindi nakikita ng karamihan ang iyong mga inseguridad. Siguro nga ay tama ang kaklase mong nagsabi na magaling kang makisama.

2005 nang mabalitaan kong na-demolish na pala ang inyong bahay sa riles. Tuwing mapapadaan ako sa kahabaan ng McArthur Highway, parati akong napapalingon sa may ibaba ng tulay. Hinahanap ang eksaktong kinatitirikan ng dati ninyong bahay. At sa tuwing makikita ko ang bakas ng tinibag na likod na pader ng inyong bahay, nakikita pa rin kitang nakahiga sa inyong bubungan habang pinipilit abutin ng usok mula sa iyong sigarilyo ang katayugan ng mga bituin. Nagbabalik ang masasayang alaala ng ating kabataan kahit napalitan na ang riles, na dating dinadaanan ng nagmamadaling tren, ng mga kugon at ligaw na mga halaman at damo.

Kamusta naman kayo diyan sa relocation site? Nakakatuwang isipin na unti-unti na kayong nakapagtayo ng bagong bahay. Mula sa pinagtagni-tagning plywood na sapin sa pagtulog, nakabuo rin kayo, mula sa pagsisikap ng inyong pamilya, ng bahay na gawa sa semento. Kahit mas maliit, mas matibay naman ngayon kumpara sa lumang bahay ninyo na gawa sa (kalakhan ay kahoy) at ilang parteng sinemento.

Malapit nang matapos ang pinagsikapang bahay ng inyong pamilya. Nakabalik na rin ang tatay ninyo mula nang iwan niya kayo noong elementarya pa tayo. At tiyak kong mas magiging masaya kayo kung makikita ng inyong ina ang pagtatapos ng inyong nasimulan.

Kung hindi lang sana nangyari ang trahedyang iyon. Ikinalulungkot ko. Laman ng pahayagan, at kahit sa internet, ang nangyaring pagdukot sa inyong ina. June 26, 2006, nga ba ’yon, kung hindi ako nagkakamali? Ayon sa balita, sapilitan silang dinukot ng mga sundalo, kasama ang tatlong iba pa.

Mahirap nang magbilang kung ilang taon na nga ba ang lumipas, at lilipas pa. Mahirap maghintay nang walang kasiguruhan.

Kung sabagay, matagal naman nang biktima ang mamamayan ng mapanupil na estado. Lamang, kung minsan talaga, ang masakit ang magpapakita ng realidad, ang pinakamasakit ang magtuturo kung kailan lalaban. At tanging paglaban ang makakatugon sa paghahanap ng katarungan.

Alam kong mababaw lang ang iyong kaligayahan. Madali kang tumawa kahit sa mga corny na jokes. Sabi mo nga, mas maganda kung mababaw lang ang kaligayahan. Kasi kahit sa maliliit na mga bagay ay magagawa mong maging masaya. Sana ay hindi mo pa rin binabago ang ugali mong ito. Alam kong masaya ka sa pakikisangkot ngayon sa mga isyung panlipunan at sa bawat pamilyang naging biktima na natutong lumaban, nagkakaroon ng kabuluhan ang paghahanap at patuloy na paglaban, kahit hindi mo pa nahahanap ang inyong ina.

Natutuwa ako at hindi pa rin kayo nawawalan ng pag-asa. At sigurado akong matutuwa rin ang inyong ina sa laki ng inyong ipinagbago, maturity.

Hanggang dito na lamang muna. Lagi mo sanang tatandaan na sa lahat ng desisyon at gawain, parati mo akong kasama. At lagi’t lagi ring magiging bahagi ng iyong mga lungkot at tagumpay.

(unang assignment namin sa fil25, ipakilala daw namin ang aming sarili. ang problema, hindi ko alam kung paano mabisang magpakilala.)