Tuesday, September 15, 2009

Sa panaginip, kahit sandali

Sa panaginip, kahit sandali

Hindi matatapos ang araw sa paglubog sa kanluran.
Pagkat lilitaw ang buwan na pupunit sa karimlan.
Hindi nagpapatulog ang gabing maalinsangan,
Pagkat kinukundisyon ang isip na ika’y mapanaginipan.

Hindi kita kukumustahin,
Dahil ayaw kong marinig ang isasagot mo sa akin.
Huwag mo rin sana kaming kamustahin.
Dahil hindi ko rin alam ang sasabihin.

Sa panaginip, doon kita hihintayin.
Para kahit sandali ika’y makapiling.

Sa ating sandaling pagkikita,
Tulungan mo akong buuin ang ating pamilya.
Walang pag-aalala ang bawat isa,
Masaya dahil ika’y kasama.

Tulungan mo akong pahabain ang oras,
Wag nating hayaang agad na magwakas.
Bigyan mo muna sana ako na lakas,
Para makapagpatuloy pagkagising bukas.

Sa panaginip, doon kita hihintayin.
Para kahit sandali ika’y makapiling.

Hindi ako natatakot sa haplos ng pangungulila,
Dahil haplos ng iyong pagmamahal ang madarama
Sa panaginip, doon kita hihintayin.
Para maipadamang ika’y mahal pa rin.