"LAPIS"
-072706
nakalimutan ko na ang pakiramdam kung paano paikutin at paglaruan ng aking mga daliri ang lapis bago magsulat ng mga salitang gusto kong sabihin, o di kaya ay 'yung mga salitang magbibigay ng buhay sa aking nararamdaman.
gaya ng pagtipa ng gitara o pagkapa sa tiklado upang magbigay ng masayang awiting magpapaalis sa isang pakiramdam na kailanman ay hindi ko inimbitahan.
sa totoo lang, ayaw ko na sana siyang istimahin pa sa tuwing dadalaw siya, hindi upang mangumusta gaya ng isang kaibigan, kundi upang ako ay disoryentahin. dahil ang lungkot ay hindi ko kaibigan. kaya hindi ko siya iniimbitahan. kaya ayaw kong i-entertain ang kanyang pagdalaw. kaya kinalimutan kong paikutin at paglaruan ang lapis para magsulat.
(dahil) ang aking pagsusulat ay nangangahulugang pag-istima sa lungkot na nararamdaman. (ang lungkot ay nakapagpapahina sa akin). at sa kanyang pagbisita, pipilitin niya akong pahawakin ng lapis upang paikutin, paglaruan,pagsulatin.
ang lapis na itinuring kong kaibigan noong bata. iginuguhit niya ang masasayang tanawin ng aking imahinasyon, ng masasayang mukha na nakatawa, ng mga liham sa mga lihim na sinisinta.
hanggang sa, napilitan akong bitiwan ang lapis na itinuring na kabiruan noong bata. pagka't napudpod ang kanyang tinta ng mga biro. naging instrumento na siya ng lungkot. naging simbulo ng aking kahinaan. naging impit ng luha ng mga salitang idinidikta ng pusong nangungulila, umiiyak at naghahanap.
at hindi ko na nga namalayang nakaubos na pala siya ng tatlong kalendaryong minarkahan ng mahabang-mahabang patlang na nagpahinog sa mga sugat na lumatay sa libong kapatid, ama, ina at anak na patuloy na naghihintay at naghahanap sa mga kaanak na sapilitang dinukot ng naghaharing estadong naninikil at kumikitil.
isang libo animnapu't anim na araw na minarkahan ng mahabang patlang. patlang sa pag-aaruga at pagmamahal ni nanay buhat nang siya at tatlong iba pa niyang kasama ay dinukot at pwersahang inilayo at itinago sa amin ng duwag na estado. sapilitan. dinukot. sapilitang dinukot upang kitlin ang prinsipyong mabilis na nagpaagnas sa nabubulok na sistema ng lipunan.
iwinala pagka't ang turing ng estado sa kanila ay kalaban.
itinago upang hindi pamarisan at hindi makilala ng kanilang mga anak ang kanilang kadakilaan.
dinukot dahil ang kanilang prinsipyo ay may pusong pumipintig ng pagmamahal na umaalingawngaw at nadidinig ng sambayanan.
nakalimutan ko na ang pakiramdam kung paano paikutin at paglaruan ng aking mga daliri ang lapis bago magsulat ng mga salitang gusto kong sabihin, at sa pagkakataong ito, muli kong kakabisaduhin ang kanyang kurba, nang sa gayo'y maging banayad ang bawat kumpas ng linyang magdudugtong sa mahabang kwento ng katapangan, ng paghahanap, ng pagpintig ng mga pusong hindi napagod sa paghihintay at natutong magmahal sa masaklaw na masa, tungo sa maraming kwento ng pagkakalayo at muling pagtatagpo sa pahina ng kasaysayan.
ang kanyang pagsayaw sa entabladong papel ang magpapakilala sa kadakilaan at magbibigay mukha sa mga biktima ng sapilitang pagkawala.
magtatasa uli ako ng panibagong lapis, nang matulis na matulis. kasing talas ng dilang naniningil sa estadong kriminal.
isang panibagong kaibigang hindi magtatanong kung hanggang saan, o di kaya ay ang magtatakda ng hangganan, bagkus, isang kaibigang magpupuno sa patlang at lilikha ng linyang magsisilbing daan, na pinatibay ang pundasyon ng paglaban, na mag-uugnay sa amin patungo sa mga nawawalang minamahal.
ilitaw ang mga biktima ng sapilitang pagkawala!
hustisya sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao!
maaring i download ang WAV sa link na ito