Thursday, November 06, 2008

"Paalam... Pareng Winston!"


007009004

bawat pumapasok na usok, sa aking katawan,
kakaibang kaligayahan, aking nararamdaman.
tila nababawasan, bigat ng aking kalooban,
tuwing ako'y sinasamahan, sa aking kalungkutan.

bawat hithit ko sa puti mong katawan,
usok mo'y pumapasok, sa aking kaibuturan.
pinipilit malaman, sanhi ng aking pagdaramdam,
puso kong nananangis, pilit mong pinapatahan.

ngunit aking nabatid, pagdamay mo'y di taos,
ngayon ang aking paghinga'y, laging kinakapos.
kalusugan ko'y nasira, pera ko pa ay naubos,
unti-unti mo kong sinabay, sa iyong pagkaupos.

salamat sa pagdamay, s problema ko noon,
di ko malilimutan, mga nagdaang panahon.
ngayo'y sasabihin ko na, "paalam pareng winston",
naaawa na kasi ako, sa naghihingalo kong pulmon!

Tuesday, August 26, 2008

"Teynk yu po!" (orig)

-082608

May mangilan-ngilang tao na noon sa may sakayan patungong UP. Lahat ay abala sa kanya-kanyang huntahan. Nang marating namin ng kasama ko ang pila ay agad kaming umupo sa mga nag-aantabay na silyang nakalaan para sa mga naghihintay na pasahero.

Isang grupo ng kabataan. Tatlong babae at isang lalaki. May pagdadalawang isip ang pagtayo nila buhat sa kanilang kinauupuan kung maghihintay pa ba sila nang kaunti o magta-taxi na. May hindi mapakali ang hitsura. May nag-aalala. May hapo. Iyon bang nagmamadali na parang hinahabol. Pero sa kanila, wala namang humahabol, sila ang naghahabol sa oras.
Madilim na noon at maypagbabanta ang langit. Sa pagmamadali ay ang huli nga ang kanilang ginawa.

"Umusog lang po tayo sa may unahan.", sabi ng barker sa amin ng kasama ko.

Tumayo kami at pinunan ang mga bakanteng silyang iniwan ng grupo. Mayamaya pa'y lumiwanag sa aming kinaroroonan kasabay ang pag-ugong ng makina. Ayan na sa wakas ang sasakyan na aming pinakahihintay.

Nagtayuan kami, at iba pang mga pasahero, at isa-isang pumasok sa loob ng jeep. Sa may pintuan ako nakapwesto. Isa kasi ako sa mga naunang nakapasok. Nagkahiwalay kami ng aking kasama na sa bandang gitna napaupo. May apat o lima pang humabol bago tuluyang lumarga ang sasakyang aming kinalululanan. Sa una ay madalang, hanggang sa unti-unti na ngang bumilis.

Nakatungo ako noon. Habang papalayo ang aming sinasakayang jeep, ay may narinig akong mga hakbang... hindi... mga yabag. At tiyak ang direksyon ng mga munting paa. Sinasabayan ang ingay at pagharurot ng makina. Berde, dilaw, pula. at huminto nga ang jeep. Humahangos siyang napakapit sa may estribo.

Napatingin ako sa kanya. Sa tantya ko ay nasa walo o sampung taong gulang na siya. Medyo malaki ang suot na puting t-shirt na parang uniporme sa eskwela, halatang hindi kanya.
Nakayuko siya nang maabutan ang aming jeep. Isang malalim na hininga pa at nakabawi na siya. Sabay ng pag-angat ng kanyang ulo ang paghugot ng isang basahan mula sa kanyang bulsa. Hudyat na para simulan ang trabaho. Mabilis ang pagsampa ng mga payat niyang binti. Payuko, pagapang ang kanyang kilos habang isa-isang dinadampian ng kanyang basahan ang aming mga paa. Naagaw ang atensyon ng ilan, ang iba nama'y nagulat. Hindi ako sigurado kung may ilang nandiri. Nang muli ko siyang lingunin ay nakalahad ang kanyang kamay habang nakikiusap sa paghingi ng barya sa ibang pasahero.

Muli, bumaling ang aking paningin kalsadang tinatahak namin. Mula sa likod ay tahimik siyang dumaan sa aking harapan. Marahil na rin siguro sa porma kong nakatsinelas, short at tshirt, kaiba sa karamihan ng mga kasakay namin, ay alam niyang wala akong maibibigay sa kanya kaya hindi na rin siya nag-abala pang hingan ako.

Deretso siyang umupo sa may sampahan. Tuloy sa pag-andar ang jeep. Mayamaya pa nga'y nagsimula na siyang kumanta. Pasigaw ang kanyang boses at masasabi kong sintunado siya. Ngunit ang pagkaaliw nya habang inaawit ang theme song ng 'Dyesebel', alam kong hindi ko siya maaaring sawayin. Napangiti ako sa isiping pauwi na siguro siya para panoorin ang paborito nyang telenobela. Ilang linya lang at muli na siyang nanahimik.

Nang makarating kami sa bandang Agham Road ay bumaba ang dalawang matandang katabi ko. Nakaupo pa din siya sa sampahan. Hindi lumingon para tingnan ang bababa. Basta't tahimik lang siyang umurong papunta sa gawi ko. Naramdaman ko ang paglapit ng isang katawan mula sa iniwang espasyo ng dalawang kabababa lamang.
Hindi sya lumingon, mukhang malalim ang iniisip. Nagulat ako nang nagsimula siyang magkwento sa akin. Nagkukwento siya nang hindi nagsasalita, walang boses na maririnig ang iba naming kapwa pasahero. Kaming dalawa lang ang nagkakaintindihan. Siya ang bangka, mataman akong nakikinig, nakikiramdam.

Hindi ko namalayan ang pagtawag niya sa aking atensyon nang bumaba ang dalawang matanda kanina at umurong siya sa gawi ko. Sa pag-urong niya, hindi sinasadyang napasandal siya sa aking binti, at nagawa nga niyang matawag ang aking atensyon na kanina lang ay may sariling mundo at naghihintay ng makakausap.

Nag-alangan akong tanggalin ang aking binti mula sa pagkakasandal niya. Subalit nang magsimulang magkwento ang kanyang batang pusong mabilis na pumipintig, na hinihingal, hinayaan ko siyang makapagpahinga kahit sandali.

Nagsimula siyang magkwento. Ng mga ginawa niya sa buong maghapon, ng kaninang pumasok siya nang walang baon, ng pagkauwi ay dumeretso na siya sa kanyang ‘trabaho’, ng may kung ilang mukhang sumimangot at nandiri sa kanya, ng kung ilang mura ang inabot niya sa mga tsuper ng jeepney na kanyang sinampahan.

Nakakapagod ang kwento niya. Nakadama ako ng panliliit. Panliliit na sinabayan pa ng wala-akong-magawa kundi ang magalit sa estadong sana ay nangangalaga at nagseseguro ng kanilang kinabukasan. Sana ay may maibigay man lang ako sa kanya. Sana maabutan ko siya ng pang-taxi para mas mapadali ang kanyang pag-uwi at makapagpahinga nang mas maaga.

Alam kong hindi makasasapat ang kahit na anong maiaabot ko sa kanya. Hindi makasasapat para mabago ang magaganap kinabukasan.

Nag-alangan akong tanggalin ang aking binti mula sa pagkakasandal niya. Subalit nang magsimulang magkwento ang kanyang batang pusong mabilis na pumipintig, na hinihingal, hinayaan ko siyang makapagpahinga kahit sandali. Gusto kong maging bahagi niya kahit sandali. Hinayaan ko siyang makapagpahinga, kahit sandali.

Tuloy sa pag-andar ang jeep at nalalapit na rin ang aming pagbaba. Ilang kanto pa ang aming dinaanan. Bigla ang kanyang pagtayo. Inilipat niya ang kanyang tingin mula sa labas hanggang sa amin. Buhat sa dala niyang plastik bag ay dumukot ng isang bote ng juice ang babaeng (siguro ay estudyante) katabi ko at inialok sa bata. May ngiti ng sinseridad ang pagbigay at walang bahid ng awa at hindi maituturing na limos. Isang ngiti ang gumuhit sa mukha ng bata. Labas ang medyo may kalakihang ngiping nagpabagay sa inosenteng ngiti na may iilan lang ang may taglay. Alam kong hindi dapat binibigyan ang mga batang nanghihingi sa mga lansangan. Subalit, dahil na rin siguro sa taglay nyang pagiging bata, hindi imposibleng maaliw ka sa mga ngiting nagpapahayag ng pagiging inosente nila.

"Sa may kanto lang po!", sabi nya sa driver.
"Kuya sa tabi na lang po." pag-uulit nya.

"D’un ka na sa kabila bumaba.", maotoridad na sagot ng kausap.

Sabay-sabay kami sa pagsaway sa batang huwag agad tatalon at hintayin na lang ang paghinto. Sinabayan niya ng lundag ang pag-menor ng takbo ng jeep.

"Teynk yu po!"
"Teynk yu po ate" habang iwinawagayway pa ang bote ng inuming ibinigay ng babaeng katabi ko.

Ito ang paulit-ulit niyang sinasabi habang binabagtas ang salungat na direksyon ng aming sinasakyan. Ilang kanto at stop light pa ang aming nilampasan bago bumaba sa kanto ng Heart Center.

"Ang kulit ng bata!", sabi ko sa kasama ko pagkababa namin, sabay tawa.

Hanggang sa aming paglalakad, naaalala ko pa rin ang batang kasakay namin kani-kanina lang.

'Gusto ko siyang gawan ng kwento.', naisip ko.

Wala marahil akong masasabing kakaiba sa batang 'yon. Katulad pa rin siya ng ibang bata. Mapaglaro. Inosente. Bigla ang nadama kong munting tuwa. Sigurado ako sa aking pakiramdam. Hindi man ako nanghingi ngunit alam kong mayroon siyang ibinigay.

Sunday, August 24, 2008

"at kinabukasan ..."

-080507

isang bunging suklay,
basag na salamin.
t-shirt na tastas ang laylayan,
kupas na pantalon.
para kahit paano'y maging gwapo sa paningin.
pudpod na tsinelas at
mickey 'mouse money' -
isang piso at dalawang beinte singko,
para makalayo sa palasyo.
pagdating sa kanto,
mag-aabang ng trak.
sasabit.
kakapit.
maghihintay hanggang may hump.
sabay talon.
sa tapat ng pintuan ni pareng kulas kakatok.
lilinga-linga.
nag-aabang ang isang lapad
at isang platitong mani.
lilipad sa kalawakan.
bumuga ng usok.
kumulog.
putsa!
black and white ang tv!
tatlong tagay,
dalawang bote,
isang dosena.
ayos sa aritmetik!
hindi pa lasing.
parating ang uwak.
bumulwak.
nagkalat ang bahaw.
buo pa ang tuyo,
durog ang mani.
susuray-suray.
uwian na.
dalawang fortune.
salamat sa 'mickey mouse money'.
maglalakad na lang.
butas na ang bulsa.
kunsabagay...
butas na sa simula pa.
dalawang kanto lang naman -
ng bilog?
walang katapusan.
basta't kabisado pa ang daan.
maghihintay na lang,
makarating sa palasyong iniwan.

at kinabukasan . . .

Thursday, August 21, 2008

"Wish Ko Lang!"

-072706

i wish there's someone
i could lean on
when everything seems
very wrong
a shoulder whose willing
to cry on
when all my mistakes,
on my face were blown


wish there's someone who could
stand by my side
who'll gonna light my way,
and lead as my guide
wish there's someone
who could hear when i cried
when the pain i feel,
seems no longer i could hide




wish that
someone
that i'm waiting is
you...
wish there's someone
whose hand i could hold
everytime the wind blows
a blistering cold
wish there's someone who
will give me the strength
everytime i lose hope,
and i lose faith

wish there's someone whose time i could spare
the joys and the sorrows, we'll gonna share
wish there's someone i could share my life through
wish that someone that i'm waiting is you





(kaisa-isang tulang ingles na ginawa ko. sumubok lang. kung palyado ang grammar, pasensya. apir!)

Wednesday, August 20, 2008

Ang Mga Nawawala . . .


ni Jose F. Lacaba




Isang
araw sila'y
nawala na lang at sukat.
May hindi pumasok sa opisina,
hindi sumipot sa apoyntment,
nang-indiyan ng kadeyt.
May hindi umuwi ng bahay
at hindi nakasalo
ng pamilya sa hapunan,
hindi nakasiping ng kabiyak.
Ang inihaing ulam ay ligalig,
at ang inilatag na banig
ay ayaw dalawin ng antok.


Nang hanapin sila'y
walang masabi
ang kamag-anak at kaibigan,
walang ulat ang pulisya,
walang malay ang militar.
Kung mayroon mang nakakita
nang sila'y sunggaban
ng malalaking lalaki
at isakay sa dyip o kotse,
pabulong-bulong ang saksi,
palinga-linga,
at kung pakikiusapang
tumestigo sa korte,
baka ito'y tumanggi.


Pagkaraan ng ilang araw,
o linggo, o buwan, o taon,
pagkaraan ng maraming
maghapon at magdamag,
pagkaraang ang agam-agam
ay magparoo't parito
sa mga manhid na pasilyo
at ang pag-aasam-asam
ay mapanis sa mga tanggapan,
pagkaraan ng luha't tiyaga,
ang ilan sa kanila'y
muling lumitaw.



Lumitaw sila
sa bilangguan, sa bartolina,
sa kubling bahay na imbakan
ng ungol, tili at panaghoy,
himpilan ng mga berdugong
eksperto sa sanlibo't isang
istilo ng pagpapahirap.
Lumitaw silang
bali ang buto o sira ang bait.
O kaya'y lumitaw silang
lumulutang sa mabahong ilog,
o nakahandusay sa pampang,
o umaalingasaw
sa mga libingang mababaw
na hinukay ng mga asong gala.
Lumitaw silang
may gapos ang kamay at paa
na wala nang pintig, o watak-
watak ang kamay, paa, ulo,
o tadtad ng butas ang bangkay,
likha ng bala o balaraw. Ang iba'y hindi na lumitaw,
hindi na kailanman lumitaw,
nawala na lang at sukat,
walang labí, walang bangkay,
hindi malaman kung
buhay o patay,
hindi mapaghandugan
ng lamayan, pasiyam, luksa,
hindi maipagbabang- luksa,
hindi maipagtirik ng kandila
kung Todos los Santos.
Nakaposas pa ba sila
sa paa ng kinakalawang na kama
sa loob ng kuwartong may tanod,
busog sa bugbog,
binabagabag ng bangungot,
sumisipol kung nag-iisa
ng "Saan Ka Man Naroroon,"
iniisip kung ano ang iniisip
ng magulang at anak,
kasintahan o kabiyak?
O sila ba'y
umayaw na sa pakikibaka
at nagbalik sa dating buhay,
o nagtaksil sa simulain
at nagtatago sa takot,
o nag-asawang muli
at nangibang-bayan,
o tinamaan ng amnisya
at lalaboy-laboy sa lansangan,
o lihim na namundok
at nag-iba ng pangalan?
O sila ba'y
pinagpapasasaan na ng uod?
Nag-ugat na ba ang talahib
sa mga mata ng kanilang bungo?
Bahagi na ba sila
ng kanilang lupang tinubuan,
ang lupang kanilang ipinaglaban?


Isang araw,
sila'y nawala nalang
at sukat...




Sinusulat ko ito
para sa mga kakilalang
hanggang ngayon ay nawawala,
para kina Charlie del Rosario
at Caloy Tayag
at Manny Yap
at Henry Romero
at Jun Flores,
at Rudy Romano
sila na kahit hindi ko
nakilala nang husto
ay alam kong naglingkod
sa api at hikahos.
Buhay man sila o patay,
sa aking alaala'y
mananatili silang buhay.

Tuesday, August 19, 2008

LABAN! ANAK NG DESAPARECIDO!

Private_1_4ede15c7846a6b113b0930295a7df4

Isang taon at tatlong buwan ng paghihintay. Paghihintay nang walang kasiguruhan. At para sa isang pamilyang katulad naming nawalan, ang paghihintay ay tila walang katapusan. Libu-libong pinaghalu-halong emosyon para sa libu-libong pag-iisip kung kamusta na o ano na kaya ang nangyari sa mga kaanak naming nawawala.

Tandang-tanda ko pa ang huling sinabi sa akin ni mama bago siya ihatid nila ate sa Cubao, "Isang linggo lang ako mawawala". Isang paalala na pabiro kong sinagot ng, "Ingat ka ha! 'Wag kang magpapapawis ng likod. "Yung vitamins mo 'wag mong kakalimutang inumin ha. Pakabait ka!", sabay tawa. Gaya ng pag-aakala ko na hindi mangyayari sa kanya ang gano'n, hindi ko rin inasahan na 'yun na pala ang huli naming pagkikita.

June 26, 2006. Alas dos ng madaling araw nang dukutin ang dalawang UP students na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, kasama ang magsasakang si Manuel Merino, sa Hagonoy, Bulacan.

June 26, 2006. Alas singko ng hapon. Habang daan patungong Camarines Sur, hinarang ng limang sasakyan ang sinasakyang van ng mama ko at apat pa niyang ibang kasama. Tinutukan ng baril, pinosasan, piniringan at saka sila pinaghiwa-hiwalay ng sasakyan.

Ang mama ko, si Gloria Soco, ay dinukot kasama ang aking lolong si Prudencio Calubid, isang NDFP consultant, ang asawa nitong si Celina Palma, ang staff nilang si Ariel Beloy at driver na si Antonio Lacno, ng mga elemento ng AFP at PNP. "Masa ako! Nakisakay lang ako sa kanila!", ito daw ang isinisigaw ni mama nang sila ay dukutin. Ayon ito sa written testament ni Antonio Lacno, na sa kabutihang palad ay nagawang makatakas mula sa mga dumukot sa kanila. Liban doon ay wala na kaming narinig na iba pang balita tungkol sa kanila.

Ang aming ina ay isa lamang ordinaryong mamamayan. Wala siyang kinabibilangang kahit na anong masang organisasyon at lalong walang nilabag sa batas o inagrabyadong tao para danasin ang ganoong kalupit na bagay. Nang ipaalam sa kanya ni Celina Palma na sila ay bibiyahe, hindi siya nag-atubiling sumama sa mga ito. Makikisakay sana siya patungo sa bayan ng kanyang amang may sakit, na kapatid ni Prudencio, upang ito ay dalawin. At nangyari nga ang hindi inaasahan. Ito ang dahilan kung bakit napakahirap para sa amin na tanggapin at isipin na nararanasan niya ang mga pahirap na posibleng ginagawa sa kanila.

Magdadalawang linggo na ang nakalipas bago namin nalaman ang tunay na nangyari. Alam na halos lahat ng mga kamag-anak namin sa probinsya ngunit wala ni isa ang may lakas ng loob na magsabi. Sa bandang huli ay napilitan na rin silang ipagtapat sa amin. Matapos naming marinig ang balita, hindi namin alam kung ano ang gagawin. Parang tumigil ang oras. ang bigat sa pakiramdam at tanging pag-iyak lang ang naging sagot naming magkapatid.

Masakit para sa amin . . . At talagang mahirap lampasan ang ganitong uri ng sitwasyon kung kahit sa mga simpleng bagay ay nakapagpapaalala sa amin tungkol sa kanya. Nakikita ko siya sa lahat ng mga nanay na nakikita kong naglalaba, sa mga nanay na nakikita kong nakikipag tawaran sa palengke . . . at sa marami pang iba't ibang mukha na nasasalamin ko siya. Naaalala ko siya sa mga okasyong hindi namin siya kasama. (Nung nakaraang nag-birthday siya, t-in-ext ko siya. Sabi ko, "Ma, birthday mo na . . . Alam mo ba?"). Nami-miss ko 'yung boses n'ya . . . mula sa kung paano siya magkwento tungkol sa mga karanasan niya . . . kung pa'no n'ya ko utusan . . . hanggang sa kung paano kami mag-away. Nasasabik ako sa presensya n'ya. Pananabik na hindi ko alam kung magkakaroon pa ng katuparan. Sa mga pagkakataong hinahanap-hanap ko siya, dahil na rin siguro sa mag-isa lang ako sa aming bahay, wala akong ibang magawa kundi umiyak. Umiyak at balikan lahat ng alaalang pinagsamahan namin sa loob ng labing siyam na taon . . . na hindi ko din tiyak kung madudugtungan pa . . .

Mahigit sa isang daan at limampu na noon ang nawawala. Istatistikong nananatiling numero para sa akin. Subalit nang maging isa na kami at makilala ang iba pang kaanak ng Desaparecidos, lubos ko nang naunawaan kung gaano ang hirap na dinaranas ng isang nawalan. Torture nga sa utak kung tutuusin. Hindi namin alam kung saan namin sila pwedeng makita . . . kung sino ang mga taong lalapitan at pagkakatiwalaan . . . kung mabuti ba ang lagay nila . . . kung kumakain ba sila sa oras . . . kung may sakit ba sila . . . at marami pang 'kung' at 'ano kaya' . . . Mga katanungang hindi rin malayong maitanong ng mga maaaring sumunod na maging biktima . . . 'Wag naman sana . . .

Ayaw na naming madagdagan pa ang mga pictures na ini-exhibit namin . . . ayaw na naming pumunta ng Supreme Court para lamang magsampa ng kasong 'habeas corpus' o 'writ of amparo' . . . ayaw na naming um-attend ng ibang hearing na sa bandang huli ay madi-dismiss lang naman din . . . ayaw na naming makarinig ng mga batang nagtatanong kung nasaan si nanay at kung nasaan si tatay . . . ayaw na naming may isang pamilyang muling mawasak at maisakripisyo para lamang mapangalagaan ang interes ng iilan.

Sa pagdaan ng panahon, patuloy na nangyayari ang mga ganitong uri ng paglabag sa karapatang pantao. Mga pangyayaring sa akala ng karamihan ay sa pelikula o telebisyon lamang nangyayari. Pero hindi ! ! ! Ang mga krimeng ito ay tunay na dinanas ng marami nang biktima . . . mga tunay na tao . . . walang pinipili . . . mga militante, guro, estudyante, taong simbahan, magsasaka, mga miyembro ng unyon at manggagawa, at maging mga sibilyan. At sa tuwing may panibagong mabibiktima, liban sa galit, ay pagka-insulto ang aking nararamdaman. Patunay lamang na walang tiyak na aksyon ang mga nasa katungkulan.

Kami ay nananawagan, kasama ang iba pang kaanak ng mga biktima, na itigil na ang mga karahasang ito. Sa kabila ng pagkakabuo ng mga grupong mag-iimbestiga sa mga kasong ito, kulang na kulang pa din ang suporta mula sa gobyerno. Patuloy sa pag-usbong ang bilang ng mga biktima, patuloy sa pagdaing ang marami . . . subalit patuloy din ang pagkibit ng kanilang mga balikat.

Hindi sapat na batayan ang pagiging sibilyan o organisado ng isang tao upang siya ay dukutin o di kaya ay patayin. Walang karapatan ang kahit na sinong tao na abusuhin at balewalain ang karapatan ng iba. 'Due process' ang kailangan. Dalawang salita na ipinagkait sa mga biktima.

Sa kabila ng marami nang hirap na aming dinanas, patuloy kaming maghahanap. Patuloy kaming kikilos at mananawagan. Hindi kami papayag na maibaon na lamang sa alaala at limutin ng panahon ang mga taong nawawala.


Hindi kami
papayag na mabaon na lamang sa alaala
at limutin ng panahonang mga taong nawawala.


Patuloy kaming maninindigan, hindi lamang para sa amin at sa mga naging biktima, kundi para na rin sa karamihan. Sa abot ng aming makakaya ay pipilitin naming ipaabot sa
karamihan ang sitwasyon ng mga
Desaparecidos. Hindi lamang para
ipaalam ganitong uri ng mga kaso kundi para na
rin bigyang babala ang publiko. Patuloy kaming aasa
. . . dahil naniniwala kami na muli namin silang
makikita at makakasama.




KATARUNGAN

HINDI AWA!




Ilitaw ang mga

Desaparecidos!